
Isabelo L. Tampinco (1920) Mula sa koleksiyon ng Pambansang Museo ng Filipinas
Retrato ni Irvin Arénas
Hindi naman naging matamlay ang pagdiriwang ng ika-235 kaarawan ni Francisco “Balagtas” Baltazar noong 2 Abril 2023. Mayroon namang mga inihandang programa sa tatlong mahalagang pook sa kaniyang búhay sa Pandacan, Maynila; Panginay na Balagtas ngayon, sa Bulakan; at Orion, Bataan. Narinig natin ang mga mensahe ng mga lingkodbayan at mga alagad ng sining. Nataon pang Linggo kayâ may luwag at kaunting puwang para talaga makalahok ang bayan.
Pero hindi maiwasang isipin kung ano pa ang mga puwedeng idagdag sa pagdakila natin kay Balagtas. At hindi rin mawaglit sa isip ang sinabi ni National Artist Virgilio S. Almario sa kaniyang panayam1 noong 2 Abril na dapat ihanay na natin si Balagtas sa mga dakilang makata ng daigdig tulad nina Shakespeare at Dante.
Paano nga ba? Kumatha táyo ng mga paraan.
Unahin na natin na dapat magkaroon na ng proklamasyon na gawing national holiday ang kaarawan ni Balagtas tuwing 2 Abril. Tagumpay na nating maituturing ang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ng Filipinas tuwing Abril simula pa noong 2015. Bakit hindi pa natin ito lubusin at dakilain ang araw ni Balagtas na nagsisilbing pagbubukás nito?
Dapat ay magtulungan ang mga ahensiya ng pamahalaan upang maitanghal ang imahen ni Balagtas. Branding ’ika nga. Matinding promosyon ang gagawin sa Maynila, Bulakan, at Bataan bilang mga pook para makilala at makatagpo ang haraya ni Balagtas. Halimbawa, sa Italya, binabása at palaging may programa ang mga tinirhang bayan ni Dante. May guided tour sa pangunguna ng mga artista ng teatro. May tatlong palapag na Museo Casa di Dante2 na nagtatanghal sa búhay at panulat ng “Supremong Makata” ng Italya. Sa atin, mayroon na táyong Aklatang Balagtas sa Orion, Bataan na lumago pa sana bilang pook na katatampukan ng búhay ni Balagtas sa Bataan.
Isunod na natin ang paggawa ng pelikula tungkol kay Balagtas para sa panahon natin ngayon. Kung si Neruda, halimbawa, ay may Il Postino (1994) o si Shakespeare ay may Shakespeare in Love (1998), bakit hindi natin gawan ng sariwa at kakaibang interpretasyon ang búhay niya? At sino kayâ ang gaganap na Balagtas? Kasama na sa wishlist ko sina Ronnie Lazaro, Joel Torre, John Arcilla, at Agot Isidro3 . At siyempre, maaaring magkaroon rin ng mga interpretasyon ang Florante at Laura pati na ang Orosman at Zafira. Paano kayâ kung si Khavn De La Cruz o Lav Diaz ang magiging direktor nito? Dapat din ay mahanap pa natin ang iba pang mga dula ni Balagtas at itanghal ito sa mga teatro sa buong Filipinas.
Pero mga pangarap lámang ito. Ang totoo, napakasimple ng habilin sa atin ni Balagtas. Nása “Sa Babása Nito” nga ito sa kaniyang Florante at Laura:
Salamat sa iyo, O nanásang irog,
kung halagahan mo itong aking págod,
ang tula ma’y bukal ng bait na kapos,
pakikinabangan ng ibig tumarok.
Bakâ nga bago ang paghahangad nating itanghal sa global na entablado si Balagtas ay nananawagan siya sa atin na basáhin siya nang mabuti. Gawing tunay na pambansa ang pagbása sa kaniya. Tulad ng mga naunang pagpapahalaga sa kaniya nina Rizal, Bonifacio, Jacinto, Mabini, at iba pang bayani. Mula sa pagbása natin mamumulaklak ang napakaraming posibilidad. —Roy Rene S. Cagalingan
Mga Talâ
1Maaaring mapanood ang panayam ni V.S. Almario sa kaniyang YouTube page na Rio Alma. O hanapin rin si sir Rio sa FB para sa mga tula at kislapdiwa niya sa mga bagay- bagay sa Filipinas. Huwag po ninyo siyang tanungin kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang mga tula para sa inyong homework: https://www.youtube.com/watch?v=uTZhcAi_kgM
2Magandang halimbawa ang promosyon kay Dante sa Italya. Puwede ring mag-virtual tour sa nasabing museo sa: https://www.museocasadidante.it/en/virtual-tour.
3Bakit si Agot Isidro? Naiisip ko lang ang malupit na pagganap ni Cate Blanchett bilang Jude Quinn bilang Bob Dylan sa I’m Not There (2007).