Mulang Alimuom 48: Rice Terraces Syndrome sa Chocolate Hills

Punta Cruz, Bohol, Philippines

Nagpunta ako kamakailan sa Bohol, ang lalawigang kinaroroonan ng tanyag na Chocolate Hills. At dito, naobserbahan ko ang tinatawag na Rice Terraces Syndrome1 ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario.

Upang maipaliwanag ang syndrome na ito, ganito ang nangyari: ulit-ulit akong nagtanong sa mga nakasama sa tawag nilá sa kanilang ipinagmamalaking mga buról sa kanilang sariling wika. Sa kasamaang-palad, napakò ang mga sagot sa Chocolate Hills.Buti pa nga ang kanilang tarsier, kilala rin nila bilang “malmág,” “mawmag,” at “magmag.”

Ibig sabihin, ang Rice Terraces Syndrome ay ang pagkawala ng kakayahan nating mga Filipino na kilalanin ang ating mga sagisag-kultura. Posible rin na lahat táyo ay mayroon nitó. Ipinangalan ito mismo ni Almario sa sagisag kultura na kinakatawan nito, ang Rice Terraces ng Ifugaw na kapag hinanahapan natin ng katutubong tawag ay nauuwi sa salin na hagdang-hagdang palayan. Samantalang tinatawag itong “payyó,” “payáw,” at “páyew” ng mga kapatid natin sa Kordilyera.

(Pero kung sintomas lámang ito, ano ang tunay nating sakit? Talakayin natin sa hinaharap ang karamdaman ng ating pambansang paglimot o national amnesia pero sa susunod na alimuom na ito.) 

Balik sa Chocolate Hills. Bakâ pagkukulang ko ito. Bakâ kinapos ako sa sampling. Kinapos sa panahong magtatanong-tanong. Bago ako magtungo sa Bohol ay ipinagmamalaki ko ang impormasyong nakuha sa isang Boholanong taxi driver2 na nagsabing “dagmáy” raw ang tawag sa Chocolate Hills. Mali rin palá ang nalalaman ko. Kinailangang kumpirmahin ko pa sa isang kaibigang Boholano na “búngtod” ang salita nilá para sa mga buról.

Pero bakit hindi lumilitaw na “tsokolateng búngtod” ang tawag noon sa Chocolate Hills? Nása wika mismo ang ebidensiya. Malamang ay noong panahon ng mga Americano naging tanyag ang Ingles na bansag rito. Samantalang Español naman ang tsokolate na dinala ng mga naunang mananakop rito sa Filipinas. Kung gayon, maiuugnay natin ang naging nakahihigit na bisa ng Amerikanisasyon sa pagtawag sa mga tanawiin natin tulad ng Chocolate Hills.

Paano naman natin malulunasan ang Rice Terraces Syndrome?

Isa sa pinakaderetsong paraan siyempre ay ang pagtatanong ng “ano po ang tawag ninyo rito?” samantalang mas espesipiko naman ang “ano po ito sa wika ninyo?” Maghinala kapag ibibigay ang sagot sa Ingles o mababakás ang Español. Pero hindi ibig sabihin ay dapat na magalit o mainis sa pinagtanungan. Biktima rin naman táyong lahat sa tinatawag ni Renato Constantino na mis-edukasyon3.

Ang mahalaga sa pagtatanong, naikokompara ang mga magkakaugnay na sagot. Tapos marapat ding pagnilayan ang mga pagkakaiba. At matapos nitó, dapat matiyak na naitalâ ang tamang baybay ng salita, ang tamang bigkas nitó. Maaari ring sumangguni sa mga saliksik, ngunit kailangang mag-ingat lalo na sa onlayn sources na pugad rin ng Rice Terraces Syndrome.

Sa hulí, ginagawa natin ito upang tulungan ang isa’t isa para makilala ang ating sariling mga sagisag. Paraan ito upang mapalawak ang bokabularyo ng ating pambansang kamalayan. Natututo tayo sa pagtatanong at natututo sa isa’t isa. Pangarapin nating dumating ang araw na nasa dila na nating lahat ang bánoy, malmág, payyó, búngtod, apár, ling-líng-o, fátek, at iba pang sagisag natin. Nagsisimula itong lahat sa pagtatanong.—Roy Rene S. Cagalingan

Mga Talâ       

  1. Basahin ang Muling-Pagkatha sa Ating Bansa (2010, UP Press) ni V.S. Almario.
  2. Bukal ng karunungan ang mga nakakasama natin sa biyahe. Kung naipit sa trapik, magtanong sa nagmamaneho at magpagkuwento sa kaniyang danas, sa kaniyang pinagmulan. Marami kang matutuhan.
  3. Marami talagang inilitag si Constantino sa kaniyang “The Miseducation of the Filipino” (1959) na dapat pa rin nating tugunan hanggang sa ngayon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: