Walang Lahi

Nitóng mga nakaraang buwan, masugid akong sumusubaybay sa tatlong Facebook groups tungkol sa mga pusa. Sa mga pahinang ito, karaniwan nang paskil ang mga nakakatawang retrato ng alagang pusa ng mga Pinoy furparent, mga tanong tungkol sa mga dapat gawin kung unang beses maging meowmy or meowdy, lost and found na mga pusa, at tips sa pag-aalaga.

Punô ng hiwaga ang búhay ng mga pusa. Tahimik at tantiyado ang kanilang mga kilos. Mapangmasid at mailap kapag hindi kilala ang nása paligid o di kayâ’y  mapang-usisa sa mga bágong bagay sa espasyong komportable na sila. At siyempre, nangungusap ang mga mata at nakakukurot ng puso ang  malambot nilang pagngiyaw. Sino ba ang makatatanggi sa maamong mukha ng mga pusang maluha-luha ang mata tuwing nanghihingi ng makakain?

Karamihan sa mga may alagang pusa, pamilya na ang turing sa kanila. Hindi matatawaran ang ugnayang nabubuo lalo’t lubos na nakakalulugod din ang pagpapamalas nila ng pasasalamat at pagmamahal.

Kayâ naman kahit simpleng post lámang ng mga di-kilalang Filipino sa catlover groups sa FB, hindi din mapigilang malungkot sa impormasyon tungkol sa mga pusa o kuting na pinabayaan sa kalye o mga pusang ipinaaampon o hindi na maalagaan. 

At sa mga paskil tungkol sa pagpapaampon o rehoming, kapansin-pansin na palaging konti ang mga nagpapahayag ng kagustuhan na ampunin ang mga pusang kalye na kalimitan ay pusang Pinoy (puspin) o ang tinatawag na domestic shorthair. Palaging ina-up na lang ang paskil o di kayâ ay komento hinggil sa hiling na sana ay may pumansin sa post tungkol sa mga ipinaaampon. Ilang beses ding inire-repost ang mga anunsiyo hinggil sa mga pusping ipaaampon.

Madalas naman, pang-akit sa pagpapaampon ng mga kuting o pusa ng mga furparent ay ang pagiging mixed breed ng mga ito. Kadalasan, ang isa sa magulang ng kuting halimbawa ay Siamese o Persian. Ito ang itinatampok lalo na kung hindi makikita sa hitsura ng mga ipinaampon ang pisikal na katangian ng mga breed na ito.

Madalang, ngunit hindi naman wala, ang mga nagpapaampon ng iba ang breed. Minsan, mag-a-abroad na ang mag-aalaga o hindi na matutukan ang pag-aalaga dahil na din sa trabaho o pag-aaral. Para sa mga ganitong paskil, dagsa ang mga tanong tungkol sa lokasyon ng nagpapaampon. Kahit minsan lámang magpost, madami ang magpapahayag na aampunin na nilá ang iiwang alaga.

Kahit sa mga alagang pusa, nahuhumaling táyo sa lahi. 

Laging tanong kung may lahi ba ang ipaaampon o ipamimigay na pusa. 

May pusa bang walang lahi?

Gaya ng, may tao bang walang lahi? 

Sa mga pusa, tunay namang salik ang lahi sa iba’t ibang karagdagang kahingian sa pag-aalaga sa kanila. Halimbawa, ang mga pusang sphynx ay kailangang paliguan linggo-linggo dahil sa paglalangis at pagpapawis ng kanilang balát. O kayâ naman ay mga mabalahibong breed gaya ng maine coon, himalayan, o persian ang madalas magkaroon ng hairball. 

Ngunit mabibilang lámang sa daliri ang lahing may espesyal na kaso kagaya ng mga nabanggit. Kahit ano’ng lahi ng pusa, nangangailangan ng puspos na pag-aalaga at pagmamahal. 

Nasasalamin ng ating mga sinasabi (o ipinopost gaya sa sitwasyong ito) ang mga katangiang ninanasà natin. Sa kaso ng rehoming o pagpapaampon ng pusa, isang pagnanasà ang pagkakaroon ng imported o “iba” ang breed. Wika nga ng nagkukunwang catlovers “Magandang palahian o mas cute ang alaga kapag may lahi.”

At kung tututukan pa ang ating sinasabi/ipinopost, repleksiyon din ng ating pagsipat ang eksklusyon natin sa mga puspin. Sa pagsasabing “pangit ang pusa mo dahil walang lahi,” itinatanggi na isang identidad o lahi din ang puspin. 

Kung sa tao ito itutulad, sinasabing mag-asawa ng may lahi para maging guwapo o maganda ang magiging (mga) anak o para malahian ng banyaga.

Na para bang nais burahin o mahaluan ang sariling identidad hanggang maaari. 

O bakâ tunay ngang wala táyong lahi dahil sa pagtinging palabas nang walang pagmumúning paloob, at pagbubura o pagtatatwa sa pagkakakilanlang katutubo. –Maria Christina A. Pangan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: