
Dalawa na ang tampok na pagdiriwang sa Filipinas tuwing Nobyembre. Nariyan na ang kaarawan ni Andres Bonifacio, isang pambansang holiday tuwing 30; at ngayon, ang Pambansang Araw ng Pagtula tuwing 22 Nobyembre.
Mauuna ang pagdiriwang para sa pagtula at ang petsang ito ang kaarawan ng dakilang makatang si Jose Corazon De Jesus (22 Nobyembre 1894–26 Mayo 1932) o kilala rin bilang Huseng Batute.
Dapat magkaroon din táyo ng Batute Test1, o pagtatáya sa nalalaman natin sa mga manunulat at mga naisulat nilá. Sa kasong ito, ano nga ba ang pangunahin nating nalalaman o nabásang gawa ni Batute? Nariyan na ang pagkakaroon ng isang tanyag na tula (“Bayan Ko”) na naging awit na patuloy na mahalagang sangkap sa pakikibáka ng mga Filipino. Sunod na rin natin ang pagiging unang hari ng balagtasan ni Batute noong 6 Abril 19242.
At matapos nitó, ano pa ang nalalaman natin kay Batute?
Ito ang hámon sa nasabing pagsusulit, ang mas makilala pa ang manunulat sa kaniyang mga naisulat. Sa mga nais pang matuklasan ang dakilang búhay at panulat ni Batute ay maaaring gawing ala single o magsimula sa paisa-isang tula at lumundag tungo sa pagbása ng kaniyang mga koleksiyon.
Itinuturing na nating greatest hits o pamatay na singles niya ang “Ang Pagbabalik,” “Ang Manok Kong Bulik,” “Pag-ibig,” “Isang Punongkahoy,” at “Manggagawa.”
Tapos maaaring pagnilayan nang mas matagal ang kaniyang Tulang Ginto (1958) at Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula na inedit ni Virgilio S. Almario at lumabas noong 1984. Sa mga kolektor diyan, masuwerte ang sinumang may kopya ng kaniyang Mga Dahong Ginto (1920).
Pumasá man o hindi sa Batute test ay mailalapit natin ang konseptong ito ngayon sa napakamagandang panawagan ng pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Pagtula, ang “Ibalik ang tula sa puso ng madla.”
Ang motto kasi mismo ang naging birtud ng pagtula ni Batute. Sa panahon ng tumitinding Amerikanisasyon sa bungad ng Siglo 20, ibinalik niya at ng mga kapanilig na makata, sa pamamagitan ng tula, ang gunita ng madla sa mga bagay na magpapaalala sa kanila sa pagiging Filipino3. Siya na marahil ang makatang pinakaminahal ng mga Filipino. Matinee idol noong panahon niya. Pinagkaguluhan. Nagrarambulan pa ang mga tao dahil sa lubos na paghanga sa kaniya4. Dahil na rin ito sa kaniyang angking husay sa pagbikas ng tula, mag-isa man o nakikipagbalagtasan. At tiyak, marami pa táyong madudukal sa kaniyang ipinamang mga tula sa atin4.
Nása puso ito ng ating gagawing kauna-unahang pagdiriwang. Hindi para gawing mga rakstar ulit ang mga makata (masyado nang maraming diva at uhaw sa atensiyong makata at manunulat sa social media). Pero sa pagbása ng konstruksiyon ng pagdiriwang ay maaari nating masilip ang esensiya nitó.
Malamáng hindi tungkol sa mga makata lámang kasi hindi naman “Pambansang Araw ng mga Makata.” Hindi rin ginamit ang “Pambansang Araw ng Tula” na nakatuon sa tula bílang tapós nang likha at dahil mayroon ding World Poetry day tuwing 21 Marso. Sa halip, ginamit ang “pagtula” bílang isang proseso ng paglikha na tula ang resulta. Kapuwa nakapaloob roon ang lumilikha nitó (ang makata) at ang nalikha (ang tula) na inilalapit sa dadanas nitó (ang nagbabasáng madla). At dahil pambansa, sinasaklaw nito ang mga Filipinong tula. Nakasulat man sa iba’t ibang katutubong wika ng Filipinas.
lebrasyon ito ng paglikha ng tula mula sa hanay ng mga makata na inihahandog ang kanilang pagtula sa maSedla. Hindi naman kasi umiiral ang makata at ang kaniyang tula sa isang vacuum. Hindi naman din mga makata lámang dapat ang nagbabasahan ng tula ng isa’t isa bagaman ganito nga madalas ang nangyayari. Sa halip, ibinabalik sa madla ang halaga ng tulang binibigkas, pinakikinggan, at ninamnam.
Kayâ magkita-kita táyo sa Metropolitan Theater (MET) sa 22 Nobyembre. Pangungunahan nina National Artist Rio Alma at mga kapanalig na makata ang makasaysayang pagdiriwang na ito. Dagdag na detalye: limang buwan lang matapos magbukás ang MET noong 1931 ay namatay naman si Batute6. Malamáng hindi na siya nakapagtanghal sa teatrong ito pero naroroon naman táyo para ipagtuloy ang tradisyon ng tulang binibigkas sa kaniyang ika-128 na kaarawan. Sa maringal na teatro ng bayan táyo magbabahagihan ng corazon o puso. At matapos nito, marapat na ituloy natin ito sa labas ng teatro.—Roy Rene S. Cagalingan
Mga talâ
- Simple lamang ang pagsasagawa ng Batute test sa mga manunulat at manlilikha: dapat humigit sa isang gawa ang iyong nalalaman. Dapat hindi rin mauwi sa mga trivial na bagay ang nalalaman. Halimbawa, kung kay Rizal, laging nauuwi ang talakay sa kaniyang mga nobya at hindi sa mga isinulat.
- Magandang warm-up ang Pambansang Araw ng Pagtula ngayong 2022 tungo sa ika-100 anibersaryo ng unang balagtasan sa 2023. Buwan ng Panitikan pa ito.
- Sabi nga ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario sa kaniyang introduksiyon sa Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula (1948), “Masigasig naman ang panahon ni Corazon sa pagbabalik sa alaala ng mangga’t suman, lawiswis-kawayan, at kung sakali’y ng mga tala at perlas na bahagi ng ating kaligiran.”
- Nasa Balagtasan (1999) ito ni Galileo Z. Zafra. Itinalâ ang rambulan dahil sa balagtasan sa The Tribune noong 21 Marso 1929.
- Sabi pa ni V.S. Almario sa intro sa nabanggit na libro, kailangangang mahúli ang mga “kislap ng haraya” na nakapunla sa mga tula ni Batute.
- Biktima rin si Batute ng di-makatarungang kondisyon para sa mga manlilikha’t artista sapagkat namatay siya sa ulcer dahil laging nalilipasan ng gútom sa kaabalahan sa pagtatanghal.