
Walang gamot
Sa paglimot
Isang salawikaing Tagalog
Maaari na marahil lagumin ng salawikaing ito ang dinadalumat ngayong mga dahilan ng pagkalimot ng mga Filipino. Kung nagiging mabisa ang salawikain sa kakayahan nitóng manganak ng mga kahulugan, ano ang sinasabi nitó sa atin? Na kapag lumimot ay wala nang balíkan sa kung ano ang nása ating isip? Kung baga walang Ritemed1para sa paglimot. O isa nga bang naturál na proseso ang paglimot na dapat tanggapin ng tao? Isa pa, na sa pagtanggap ng tao sa pagkalimot bílang naturál na proseso ay dapat siyang makibáka laban rito, na kailangan niyang patalasin ang kaniyang gunita? Napakarami ngang pagbása sa salawikaing2 ito bílang pambungad ngunit ibabaling natin ang atensiyon sa paglimot.
Para sa maikling sanaysay na ito, gagamitin ang mahalagang teksto na naisulat ng historyador na si Renato Constantino, ang kaniyang Miseducation of the Filipino3 (1982). Sapagkat isang mabigat at masalimuot na bagay ang pagkalimot, tatangkain ng papel na ito na ihanay ang ilan sa mga umuusbong na idea sa mahahalagang punto na nailatag ni Constantino sa kaniyang sanaysay. Bagaman bunga man ng panahon ang sanaysay na ito ni Constantino, tíla mas umiigting pa ito ngayon lalo na kung iuugnay sa talamak na mis-impormasyon na nagaganap sa kamalayan ng Filipino at sa birtuwal na espasyo4. Sa hulí, hangad na makita na ang pagiging mis-edukado ay kaugnay ng pagkalimot ng mga Filipino.
Una, nahubog ang ating pagkalimot sa mahabang danas ng pananakop. Kailangan nating makita lagpas sa pisikal na estruktura at panlabas na hitsura at unawain ang pananagisag sa sinabi ni Carmen Guerrero Nakpil na ang pag-iral natin ay 300 taon sa kumbento at 100 naman sa Hollywood5. Nangangahulugan din ito sa pagsikil ng ating katutubong kamalayan at gunita hábang isinusuko ang mga ito sa mga imposisyon ng dalawang pananakop: ang konserbatismo ng España at pangako ng Amerikanisasyon.
Kung titingnan ang bawat yugto, makikita natin kung paano nagtatangkang bumalik ang mga sákop na Filipino sa kanilang nagdaan upang ipanlaban sa kolonyalismo. Noong panahon ng Español, halimbawa rito ang ginawang pagkasangkapan ng Katipunan ni Bonifacio sa mga sinaunang sagisag gaya ng baybayin at wikang Tagalog upang himukin ang mga Filipino na makiisa sa makatwirang paghihimagsik6. Sa panahon ng mga Amerikano, gagamitin ni Manuel L. Quezon ang sariling wika upang maitindig ang pagsasarili ng Filipinas7. Mapapansin palagi na tila ang katutubong Filipino ay hinabatak ng kaniyang nagdaang Español at Americano. Parang binaligtad na Bernardo Carpio8.
Ngunit tíla mas kumikiling na ang mga Filipino sa bato o bundok na Amerikano. Matapos ang Himagsikang 1896, ito na ang hahatak sa ating kamalayan hanggang sa kasalukuyan, ang bighani ng Amerikanisasyon. At bakit táyo nabighani? Dahil na rin ito sa pangako ng liberalismo at libreng edukasyon na ibinigay sa atin ng mga Amerikano. At polisiya ito ng mananakop na magbubunsod ng sinasabing mis-edukasyon ni Constantino. Bakit? Dahil sa bungad ng pananakop ng mga Amerikano ay Amerikano pa rin ang namuno sa Kagawaran ng Edukasyon. Dito, sumailalim muli ang mga Filipino sa masaklap na pagpapalimot.
Sabi nga ni Constantino, ang pagbihag sa isip ang pinakamabisang paraan upang masakop ang isang lahi. Sinakop ang isip ng Filipino sa makukulay na kuwento ng mga Amerikano. Sa halip na alalahanin ang mga bayani at sagisag niya, ipinakilala sina George Washington, Benjamin Franklin, ang alindog ng niyebe, pati na ang halina ni Santa Klaus. Sa madaling sabi, nagsimula táyong mag-isip bílang mga Amerikano, sabi nga, little brown brothers9. Ang ibig lámang sabihin: nasakop na nga ang ating isip at bahagya táyong nakalimot.
Kailangan din nating usisain ang naging paggamit ng Ingles upang masakop ang kamalayan ng mga Filipino. Sinabi nga ni Constantino na sa pagkatuto ng Ingles, nalimot ng mga Filipino ang sariling wika, at dahil dito, naging bago siláng klase ng mga Amerikano. Dahil kapag ginagamit mo na ang wika ng iyong mananakop, nagiging madali na ang pagsisilid ng programang kolonyal sa iyong utak. Nakikiisa ka na sa pag-iisip ng iyong mananakop. Patatatagin pa ito sa pamamagitan ng mga pagluluklok ng mga pinuno na Amerikanisado nang mag-isip, pangangalagaan ang Amerikanong interes; at siyempre, gumagamit ng Ingles. Pupunahin din ang pag-i-Ingles na ito ng mga pinuno ni Constantino dahil napansin na sa halip na lumilikha ng tulay ang wika, dingding sa taumbayan at mga pinuno ang itinatayo ng banyagang wika. Hindi ba nangyayari pa rin ito sa ngayon? 10
Kayâ mula sa perspektiba ng mis-edukasyon, maaari na nating tangkaing magbigay ng panimulang sagot.
Ano ang nalilimot natin? Ang katutubong sarili. Katutubong sarili itong natatabunan ng mga impluwensiya mula sa ating mananakop. Hindi na natin makilala ang ating sarili sapagkat mababaw ang ating gunita. Uulitin natin, hindi rin mainam na maging nativist dahil wala namang purong kultura. Maituturing lámang nating masaklap kapag hindi nakikilala ng isang tao ang mga bagay na bumubuo sa kaniyang kultura. Kayâ ang sagot, nalilimot natin ang katutubong sarili dahil sa ating mis-edukasyong pinahinog ng kolonyalismo.11
Paano naman táyo lumilimot? Lumilimot táyo nang mabagal. Hindi naman ito ’yung tipo na paggising búkas ay blangko na ang lahat. Sa proseso ng mis-edukasyon, inaani ang pagkalimot matapos ang mga henerasyon. Kung naging programa ito noon ng mga Amerikano, may nagtuloy naman ng mis-edukasyon sa pamamagitan ng mga pag-iwas sa pagtalakay sa nagdaan sa ating mga textbook at lalo na sa malaganap na fake news at mis-impormasyon sa ngayon. Kayâ lumilimot táyo nang mabagal hábang may mga operatiba ng paglimot sa ating lipunan na nagtitiyak na nagtutuloy ang prosesong ito.
At bakit naman táyo lumilimot? Pinipili ba natin ito? Tíla mas malinaw nga na mayroon talagang nagpapalimot sa atin. O kung hindi man ay dahil hindi natin maharap nang maayos ang mga nagdaan. Hindi naipapaliwanag nang maayos ang kasaysayan at madalas nauuwi sa mga pagkakabisa ng mga petsa at kung sino ang ama o ina ng mga ganito o ganiyan. Sabi nga ni Paulo Freire, nagiging banking12na lámang ang approach sa pagtuturo at hindi nililinang ang kritikal na pag-iisip buhat sa pagtuturong nakatuon sa mga pagdalumat o pagtukoy sa mga problemang kinahaharap.
Maiuugnay ito, sa dulo, sa pagpuna ni Constantino hinggil sa kawalan ng pagiging malikhain at pagiging analitiko sa sistemang edukasyon kayâ nagkakaroon ng pangkulturang pagkabansot. Kayâ kung mayroong dapat sumailalim sa matinding pagninilay at pagwawasto upang magapi ang pagkalimot, tiyak na sa sektor ito ng edukasyon. Hindi lámang sa ating kagawaran, kundi kung paano rin táyo magturo sa kapuwa sa anumang paraan. Sa tunay na mapagpalayang edukasyon, palaging mayroong diyalogo sa pagitan ng guro at mag-aaral. Kapuwa sila natututo. Kapuwa silá umaalala sa kanilang nakaraan at hinaharap hábang maláy sa kasalukuyang kondisyon. Sa ganitong paraan, bakâ gagawin na lámang nating biro ang binanggit na salawikain at iugnay na lámang ito sa mga sawing pag-ibig at hindi na sa ating pambansang pagkalimot. Sana nga, ngunit sa ngayon, responsabilidad natin ang huwag makalimot.—Roy Rene S. Cagalingan
Mga talâ
1. Sa alaala ni Susan Roces (1941–2022). Dapat pang tingnan ang kaniyang karera bílang Reyna ng Pelikulang Filipino hindi lámang sa commercial ng gámot at pagganap bilang Lola Flora sa Ang Probinsiyano.
2. Marami pang salawikain ang maikakasangkapan natin. Sabi nga, maraming pakahulugan na makukuha rito. Tingnan ang The Proverbs (2002)ni Damiana Eugenio at ang talakay ni National Artist Virgilio S. Almario, ang “Mga Diwa ng Salawikain” na magtatagpuan sa Bakit Kailangan Natin si Pedro Bucaneg? (2019).
3. Mababása ito nang libre sa https://nonlinearhistorynut.files.wordpress.com/2010/02/miseducation-of-a-filipino.pdf. Sana ay mailabas na rin ang salin nitó sa Filipino.
4. Basahin ang nakakikilabot na artikulong ito: https://www.washingtonpost.com/world/2022/04/12/philippines-marcos-memory-election/.
5. Marami pang matatalas na obserbasyon si Ka Chitang (1922–2018), tawag ng malalapit na writer sa kaniya. Hinggil sa pagkabansa at pagiging Filipino, maaaring simulan sa Question of Identity (1973).
6. Nagsilbing editor ng diyaryo ng Katipunan, ang Kalayaan, si Emilio Jacinto (1875–1899). Sinasabi umabot hanggang 30,000 ang kasapian ng Katipunan mulang 300 dahil sa pagpapalaganap ng diyaryong ito na nakasulat sa Tagalog ng mga panahong iyon.
7. Paano nga ba magiging Ama ng Wika? Tingnan natin ang birtud ni Quezon sa kaniyang talumpati: https://www.officialgazette.gov.ph/1937/11/07/speech-of-president-quezon-at-the-san-juan-de-letran-alumni-annual-banquet-november-7-1937/.
8. Ayon sa alamat, naiipit sa Bernardo Carpio sa nag-uumpugang bato (puwede ring bundok) sa Lalawigang Rizal. Isipin natin ang kalagayan kung hinahatak naman tayo ng mga bundok ng impluwensiya.
9. Alam kayâ ng mga bumabagtas sa Avenidang Taft na si William Howard Taft ang nagbansag sa atin na little brown brothers?
10. Tingnan na lámang ang makamandag na EO 210, s. 2003.
11. Kaugnay rin ito ng tinatawag ni James Fallows na damaged culture: https://www.theatlantic.com/magazine/archive/1987/11/a-damaged-culture/505178/.
12. Nása Pedagogy of the Oppressed (1968) ito ni Paulo Freire (1921–1927). Isa ring mahalagang aklat na dapat mabása sa Filipino.