
May nagtanong sa akin na iskolar ng turismo kamakailan hinggil sa “hospitality.” Naghahanap kasi siya ng mga salita mula sa ating katutubong wika na may kaugnayan sa “hospitality.” Napakagandang pag-uusisa ito lalo na mula sa hanay ng mga nagsasaliksik hinggil sa turismo at hospitality management.
Kayâ ugatin muna natin ang “hospitality” na lagi nating ikinakabit upang ilarawan ang ating mga sarili.
Sa diksiyonaryong Oxford, mula ito sa Latin na “hospitalis,” “hospitalitas,” at “hospitable.” Nangangahulugan ito sa kaiga-igaya at taos-pusong pagtanggap sa mga bisita. Tiyak na naikintal ito sa atin ng mga mananakop na Español upang patatagin sa ating isip na dapat nating ituloy ang mabuting pagtanggap at pag-asikaso sa kanila bílang mananakop.
Matapos ang 300 taóng pananakop ng mga Español ay nakita malamang ng mga Americano na káyang ikasangkapan ang “hospitolario” ng mga Español tungong “hospitable” sa kanilang pagbihag ng kamalayan ng mga Filipino. Ano ang patunay? Nása bibig pa rin natin ito hanggang ngayon kapag nais nating ipagmalaki ang ating mga halagahan.
Ipagmamalaki mo ba ang pagiging “hospitable” kung kinasangkapan ito upang alipinin ka at yurakan ang dangal ng lahi mo? Hindi naman ito masamang salita, mayroon lámang mga buktot na mananakop ng lahi na ginagamit ang mga salita.
Mayroon naman táyong mahahangong mga salita. Maaari tayong magsimula sa pagpapakahulugang ito ng Pambansang Diksiyonaryo sa Filipino (PDF, 2021) hinggil sa “hospitable”:
hospitable (hós·pi·ta·ból)
pnr |[ Ing ]
1: bukás sa magiliw na pagtanggap ng mga panauhin o kahit estranghero
2: bukás sa magiliw na pagtanggap ng anuman.
Mula rito ay kukunin natin ang ilang susing-salita sa pagpapakahulugan ng “hospitable “(bukás, magiliw, pagtanggap, at estranghero) at hahanapin naman ang alingawngaw at alimuom nito sa Vocabulario de la lengua tagala (1860)nina Noceda at Sanlucar.
Aking tututukan ang dalawang nahagilap na salita, ang “salámat” at “saló.”
Gamít na gamít na natin ang salamat sa anumang inter-aksiyon natin at salamat na rin sa The Dawn sa kanilang inmortal na awit. Ngunit ayon sa Vocabulario, pumapatungkol din ito sa pagtanggap sa isang bágong datíng. Ibig sabihin, kasáma sa pagpapahayag ng galak sa bumisita ang pasasalamat na dumating silá. Tila kakaiba nga rin kung nasanay na táyo na ang bisita ang nagpapasalamat tuwing tinatanggap silá.
Matapos nating magpasalamat sa pagdating ng bisita, aayain na natin silá sa salusalo. Ngunit sa kaso ng ating mga ninuno, ang “saló” ay paghahanda para sa pagtanggap at kapag natanggap na, mangyayari naman ang “magsaluhan” o pagtanggap sa isa’t isa. Mula sa pasasalamat sa pagdating, mangyayari ang pagkilala sa damdamin ng isa’t isa. At malamang, may nakahanda ring salusalo tampok ang masasarap na pagkain (Ano naman kayâ ang tawag sa mga sinaunang Shawie?)
Ngunit bakâ makalimutan din natin ang isa pang mahalagang salita na may kaugnayan sa ating mabuting pakikitungo, ang “kagandahang-loob.” Sa Vocabulario, walang espesipikong lahok para dito, ngunit nakapaloob ang esensiya nitó sa mga pagpapakahulugan ng “álang-álang,” “aní-aní”, “kalóob,” at “hámo.” Ilalaan ko ang susunod na alimuom para rito. Sa pagtatapos ngayon, ating pagnilayan ang kahulugan ng “kagandahang-loob” na mula muli sa PDF:
ka·gan·dá·hang-lo·ób
png |[ ka+ganda +han+ng loob ]
-
- dalisay na ugali, karaniwang nakikilála sa mahusay na pakikisáma at mabuting pakiki-pagkapuwa-tao : buray
- katutu-bòng katangian ng tunay na tao na hubad sa pagkukunwari at arál na asal: buray
Ngayon, ang ibig sabihin sa atin ng “hospitality” sa danas ng pananakop at kasalukuyang panahon ay ito: mayroong táyong kagandahang-loob na inabuso at patuloy na inaabuso. Kayâ mag-ingat din tayo palagi sa mga paglalarawan sa sarili. Bakâ tayo rin mismo ang pumipinsala sa ating kagandahang-loob na nasisikil sa bilangguan ng mga huwad na halagahan.—Roy Rene S. Cagalingan