Isang Lápit sa Dalamhati

Recuerdos de Patay ng isang matandang mayamang namayapa (s. 1920)
(http://pinoykollektor.blogspot.com/2013/11/93-recuerdo-de-patay-pinoy-photos-of.html)

Dalawang taon na táyo sa pandemya. Marahil noong Marso 2020 hindi natin lubos maisip kung paano táyo hahantong sa 2022, o sa susunod na buwan, o susunod na araw lalo’t kabi-kabila ang nakararating na mga balitang malagim. Nadádamá na sa bawat araw na lumilipas, papalapít nang papalapít sa atin ang epekto ng pandemya, sa aspekto ng kalusugan hanggang sa ating hanapbuhay. 

O dahil wala táyong destinasyong hahantungan. Natuto na táyong mamuhay nang nása pandemya pa rin. Maaari lámang táyong sumangguni sa mga eksperto hinggil sa sitwasyon at sa pagkalat ng virus, ngunit kung ang tao at lipunan ay humahanap ng paraan para manatiling buháy, gayundin ito. 

May matagal nang kalungkutang tumatábing sa ating bayan. Hindi lámang ito dahil sa banta ng virus sa ating kalusugan kundi maging sa ating kabuoang kagalingan (well-being). Marahil masasabing hindi lámang táyo nabubuhay kasáma ng virus; natututo táyong bitbitin ang bigat at lungkot sanhi nitó.

Paano ba marapat dalhin ang dalamhati?

Sa dalawang taóng lumipas, ibinunyag ng iba’t ibang antas ng distansiya ang limitasyon ng ugnayan natin sa ating sarili at sa kapuwa. Nakahihigit ito sa pisikal na distansiyang kahingian sa atin upang maiwasan ang hawaan. Nakahihigit ito sa distansiyang itinanghal ng pamahalaan sa pagpapaabot ng serbisyong panlipunan, lokal na nibel hanggang pambansa. Nakahihigit ito sa distansiya natin sa mga táong malápit o malapít sa atin–sa panahon ng mga community quarantine at alert levels na ikinulong o ibinukod táyo sa (mga) espasyo. 

Nagpupunyagi táyong mabuhay sa kabila ng mga distansiyang ito. At wala nang higit na magtatampok sa ating kapuwa kahinaa’t lakas kundi ang pagharap sa distansiya hábang nagdadalamhati sa pagkawala ng mga mahal sa búhay. 

Bago magpandemya, nakagawian na ng mga Filipino ang komunal na pagluluksa para sa mga namayapa. Tumatagal nang ilang araw kung ipaglamay ang namatay upang ipagparangalan ang alaala at mabigyan ng pagkakataong makasama ng ibang kakilala o malapit na kamag-anak. Isang mahalagang aspekto sa pagharap sa dalamhati ang pinagsasaluhang pagluluksa at makapiling ang mga táong katulad na nawalan ng mahal sa búhay. Sa pamamagitan ng pisikal na pagsasáma, naiibsan ang matinding kalungkutan at pighati dahil alam nating hindi lámang táyo ang nakararanas nitó. 

Nagbago ito simulang Marso 2020. Hindi natin lubos maisip na maaari táyong magluksa nang malayò sa ating namayapa sapagkat hindi makalabas ng tahanan. Ang malámang namayapa na ang mahal sa búhay at kinakailangang i-cremate agad-agad dahil nakahahawa. Walang pagsidlan ang pighati lalo’t nag-iisa at sunod-sunod ang balitang ginapi ng virus ang mga kakilala.

Sa ating pagharap sa dalamhati, tíla may ninakaw sa atin.

Ngunit sapagkat patuluyang ninanais lampasan ang mga pagsubok sa búhay, naipakikilala ang ibang paraan upang kaharapin ang dalamhati.

Una na rito ang pag-oorganisa ng mga memorial services at mga misang online. Sa pamamagitan ng mga social media sites, lalo na ang Facebook at Messenger rooms, o mga platform gaya ng Zoom at Google Meet, pinagsasaluhan sa birtuwal na espasyo ang pagluluksa. Nagdaraos ng munting programa upang alalahanin ang namayapa at nagiging pagkakataon din ito upang kahit papaano ay makapagkita ang mga naiwang mahal sa búhay.

Pangalawa ang mga memorial wall. Sa Filipinas, hindi na bago ang pagtatatag ng mga estruktura bilang pag-alala sa mahalagang mga táong humubog sa kasaysayan ng bansa. Isang halimbawa na rito ang Wall of Remembrance sa Bantayog ng mga Bayani para sa mga martir at bayani noong panahon ng Batas Militar. Nang unti-unting bumabà ang kaso ng mga positibo at dumadami ang mga espasyong muling aksesible sa publiko, lumikha ng mga espasyo para sa pag-alala ng mga namayapa sanhi ng COVID-19. Halimbawa nitó ang paskilang nilikha ng Simbahan ng Quiapo upang maisulat ng mga mananampalataya ang pangalan ng kanilang mga yumao o maipaskil ang kanilang mga retrato. Isinasama ng mga pari ang pangalan ng mga yumaong ito sa kanilang mga panalangin.

Pangatlo, ang pagkakaroon ng lagakan ng mga kuwento’t alay para sa namayapa sa partikular na mga sektor. Ang kanlungan.net ay isang dedikadong website para sa mga  namayapang health worker na may lahing Filipino dahil sa COVID-19. May mantrang “honor, visibility, recognition,” hinihikayat ng website na magbahagi ng mga kuwento ng sakripisyo’t kabayanihan ang may kakilalang namayapang Filipinong health worker saanman sa mundo.

Sisibol pa ang maraming paraan upang magdalamhati. Nagbukas ng posibilidad sa pagharap sa ating pagdadalamhati ang birtuwal na espasyo at nalikha ang iba’t ibang anyo ng pakikiramay. Sa ating patuluyang pagsandig sa internet at mga online platform, nagbabagong-anyo din ang pakikiugnay sa kapuwa at pagsalo sa dalamhating nararamdaman.—Maria Christina Pangan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: