HANGAL
Hindi ko na malaman kung sumasayaw
Siya nang wala sa tiyempo o sadyang
Salungat ang mga paang papalapit
Sa bingit at pag-asa nang magkasabay.
Magkabilang bagsak ng paa’y kapuwa
Naninindigan ang pagsulong. May bangin
Sa kanluran at sumisilang ang araw
Sa kabila. Kung mahulog nga siya,
Maaaring hindi lámang namalayang
Ulap na ang kaniyang tinatapakan,
Maaaring kusa lang siyang tumalon—
Posible pareho. At maaari ring
Sinusundan lámang ang landas ng araw
O mga bulong ng diwata sa dibdib.
Ngunit ating pagmasdan ang katiyakan
Sa kaniyang ngiti. Ako lang ba itong
May alinlangan? Ako lang naman yata
Itong talagang walang alam. Ako lang.
ANG GANDA, SABI
Ang ganda, sabi ko, ang ganda ng dagat. At inakala kong
bughaw ang kariktan dahil sabi ng mga mata. Tunog-álong
nababasag ang kariktan, amoy-isla, at aking pinaghinalaang
mainit. Ayaw na ayaw kong napagsisinungalingan. Kailangang
damhin nang malapitan ang kariktan kaya naman inilubog ko
ang mga paa, napakalamig pala. At nang ilublob ko ang ulo
sa ilalim ng tubig, hindi pala dagat ang bughaw kundi langit.
Malinaw ang mas tapat na pang-uri. Kahit pa sa pandinig.
Sabi ko, ang ganda rin. Kulob ang tubig na nanlalamon.
Gandang-ganda pa rin ako at ayaw na sanang umahon
lalo’t sa bingit ng pagkalunod ay nabatid ang mas masahol
na baho ng kariktan ng dagat: amoy-kamatayan. Nag-aagaw-
hiningang nalasap ko ang dagat sa labì pag-ahon ng katawan.
Ang alat. Ang sarap. Ang ganda. At wala akong masabi.
KALIKASAN
Paraluman ng tapang ang magliligaw sa iyo sa gubat
na binagtas o pinaglahuan ng matitigas ang ulo
pati mga bayani. Marinig man ang hagibis
ng mga nagdaraan sa sementadong kalsada
ng makatwirang buhay, hindi mo iyon susundan.
May udyok ang tunog ng simbuyo—romantiko
at mapang-akit. Gaya ng basag na himig ng tubig
sa mga talon na pagbagsak ay inaamo ang bangis
ng bangin, gaya ng ungol ng halimaw na nais ka
talagang kaibiganin. Kung hindi ipagdamot sa lupa
ang patak ng luha, pawis, at dugo higit sa lahat,
lalambot din. Kakandungin ang iyong pagod
at katawan, at ipakikilala ang lambing ng kumot
ng kumunoy, ang ginhawa ng pagsuko at pagpikit
sa harap ng takot at lumbay, at ang luwalhati
ng pagkakalibing. Hanggang matuklasang walang
nawawala, walang naglalaho, at walang naliligaw,
kahit ikaw. Ito ang pinakamalawak na landas.
MALAY
Tahimik na umambon kanina. Hindi muli
Namalayang naging gabi na ang araw
Na kaninang-kanina pa naman nagdilim.
May plano tayong hindi na naman natuloy.
Nagbilang ako ng nunal sa kisame
Hanggang napanatag na ang mga di-mapakaling
Kulisap at alikabok na sumasayaw sa bintana—
Bintana ang tangi kong kaututang-titig ngayon,
Hindi na kasi namamansin ang aking pusa.
Nalimot ko yata ang mga itinuro sa aking
Salita ng mga bulaklak noong nakaraang tag-init.
At nagkalabuan kami ng sinusuyo kong simoy.
Sinubok kong makipalaro sa kalawang muli
At nagpista sa binti ko ang hukbo ng langgam
Imbes na sugurin ang manggang nabubulok
Sa damuhan. Napalalampas pala kahit ang tamis,
Nakaliligtaan kahit ang ganitong pagkahinog.
Ilang gabi ko na silang naririnig bumagsak
At hindi ko man lang sinilip. Na hindi maalala
Kung kailan nila ako huling napatingala.
Samantalang may mga bituing napakalalayo’y
Ipinagpapasalamat kong nariyan tuwing gabi
Di man nagliliwanag sa kalsadang nilalakaran.
Sa mga daliri ng pagkamangha, kinikilatis pati
Lawak, lalim, at ligaya—lalo ng di-nauunawaan.
Dinadangkal ang habambuhay at habam-pag-ibig.
Sa palad ko nga’y sumisibol muli ang bukas
At naging ngayong hinog na hinog sa dilig
Ng malinaw na sampatak ng araw. Walang
Bigat, tinitimbang ang init na hindi maaangkin.
KATAHIMIKAN
May sandaling-sandaling sandali sa pagbagsak
ng diktadura ng ingay na kailangang samantalahin
bago muling magdigma ang mga tunog, kaya sabihin
ang kailangang sabihin bago magbalik sa trabaho
ang mga makina, bago matapos ang bakasyon ng bentilador,
bago maglaho ang pagiging taimtim ng hindi naman
natatapos na panalangin, bago muling magtsismisan
pati ang hindi magkakaibigan, bago umusad
ang lungsod at kaniyang mga sasakyan, bago
umawit ang nalulumbay, bago umawit ang maligaya,
bago umawit ang galit, bago umawit ang bagot, bago
ang lahat—kahit nangunguyakoy na buryong ng panahon,
nag-iinat nang napakahinahon, ngalay pa
ang mga kamay ng orasan, at ang sandaling-sandaling
distansiya ng tik ng isang saglit sa kasunod na tak
ay waring higit na malayo sa ulang namumuo pa lamang,
bingi sa pagsutsot ng habagat mula sa kabilang bundok,
hindi magtatagal ay malinaw na malinaw na kalayaan.
Binabaybay ni Giancarlo Abrahan ang pelikula, entablado, pahina, at espasyong birtuwal sa pagsusulat at pagsasalin, sa produksiyon, direksiyon, pagtatanghal, pati pagtuturo.
Kasama siyang sumulat ng KUN MAUPAY MAN IT PANAHON, ng TRANSIT, at ng I’M DRUNK, I LOVE YOU; prodyuser ng GUSTO KITA WITH ALL MY HYPOTHALAMUS, ng NEVER TEAR US APART, at ng maikling pelikulang HILOM; direktor at prodyuser ng SILA-SILA na nagwaging Best Film at Audience Choice sa Cinema One Originals 2019. Nakamit niya ang parangal na Best Director at Best Screenplay para sa DAGITAB sa Cinemalaya Film Festival, at para sa PAKI na itinanghal ding Best Film sa Cinema One Originals.
Katuwang na editor si Abrahan ng SA PRAGA, kalipunan ng mga salin sa Filipino ng mga tula ni Jaroslave Seifert, makatang Czech at Nobel Laureate para sa Panitikan.
Lumahok siya sa ASEAN Film Leaders Incubator, Locarno Filmmakers Academy, Asian Film Academy, Talents Tokyo, Berlinale Talents, Ricky Lee Scriptwriting Workshop, at Full Circle Lab. Kasapi si Abrahan ng Asia Pacific Screen Academy, at miyembro ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo kung saan nagsilbi siyang Direktor ng Palihan. Naging moderator din siya ng Dulaang Sibol sa Ateneo de Manila.
Kamakailan, idinirek niya ang dulang PILOT EPISODE para sa Virgin Labfest; at isinulat ang dulang WHISTLER para sa Climate Change Theater Action ng The Arctic Cycle.