
Sa apendiks ng A Matter of Language ni Rolando S. Tinio, matatagpuan ang sanaysay na “Pilipino as a Medium for Higher Learning.” Panayam ito na ibinigay niya noong 1974 sa isang kumperensiya sa edukasyong bilingguwal sa Pamantasang Ateneo. Dito, ibinahagi ni Tinio ang kaniyang mga haka sa paggamit ng wikang pambansa sa antas tersiyarya. Bahagi ito ng aklat na A Matter of Language, mga pagninilay niya hinggil sa umuusbong noon na Filipino, pati na rin ang mga masalimuot na pag-iral nito kasama ng Ingles. Hanggang ngayon ay mainam pa rin na pagnilayan ang mga isinulat ni Tinio. Tinig siya mula sa desyerto ng ating mga salimuot sa wika.
Tututukan natin ang dalawang tanong na sinagot ni Tinio noong panahon niya: 1) Káya bang gamitin ng mga Filipino ang Filipino sa unibersidad at 2) Káya bang ituro ang Filipino sa mga unibersidad?
Palilinawin ni Tinio ang pagkakaiba ng dalawang tila magkatulad na tanong sa pagbibigay pa ng mga karagdagang tanong. Para sa una, kaniyang gagawing mas espesipiko: Ano ang kahusayan ng mga Filipino sa paggamit ng Filipino kung ikokompara ito sa husay sa Ingles? Dito, kaniyang iminumungkahi ang pagsasagawa ng pag-aaral na may kinalaman sa pag-alam ng bílang ng mga Tagalog at ibang pangkat sa ating mga unibersidad at ang paglinang ng programa para mapataas ang kahusayan sa Filipino ng mga di-Tagalog. Mahalagang gawain sa estadistika ang isa na magbibigay ng impormasyon sa programa para sa mga di-Tagalog.
Kung nakatali sa realidad ng dekada 70 si Tinio, may mga nagbago na sa pagtingin sa wikang pambansa ngayon. Bílang lingua franca, laganap na ito sa buong Filipinas at nakadambana sa ating konstitusyon bilang wika ng edukasyon at pamahalaan. Ngunit ano ang nangyayari? Tila may katotohanan pa rin ang sinasabi ni Tinio na mas marami pa ring naaakit at nahahalina sa paggamit ng Ingles. Hindi pa rin nangyayari ang mungkahi niya na dapat maging pangunahing wika ng pag-iisip ang Filipino, sa oral o palimbag man na paraan. Sa ganitong paraan daw ay magaganyak ang mga di-Tagalog sa paggamit ng Filipino nang hindi sapilitan.
Nangyari na ba ito? Kailangan lámang tingnan ang kalagayan ng ating mga unibersidad at kolehiyo para mapag-ugnay-ugnay ang mga kabiguan at makinasyon na nagpahantong sa estado ng Filipino ngayon sa mataas na edukasyon. Ganito rin ang kaso ng ating wikang pambansa bilang wika ng pamahalaan.
Hinggil naman sa ikalawang tanong (Káya bang ituro ang Filipino sa mga unibersidad?), igigiit ni Tinio na hindi eksperimento ang pagtuturo sa Filipino kundi isang malikhaing proyekto. Muli nakatali pa rin ito sa kaniyang panahon sa panimulang pagpupunyagi ng mga naliwanagang Filipino. Ayon pa sa kaniyan, nangyayari ang pagtatagumpay ng isang wika bilang wikang panturo dahil na rin sa mga gumagamit nito. Kapag nawawalan ng tiwala at sigasig ang mga gumagamit nito, bumabalik táyo sa ating mga nakasanayan. Sa wika ng mga nagsanay sa atin. At sa kasong ito, babalik tayo sa paniwala na hindi natin magagamit ang wikang pambansa sa mga siyentipiko at intelektuwal na diskurso.
At ano ang kailangang gawin? Kayâ naman nagiging intelektuwalisado ang isang wika ay dahil sa pakikilahok ng mga gumagamit nito. Bilang isang panawagan para sa pakikilahok ng mga propesyonal sa lahat ng antas para sa pag-unlad ng Filipino, hihiramin ko ang sinulat ni Tinio para sa ating sariling bisyon:
Wala namang Filipino para sa agham at Filipino para sa matematika at Filipino para sa sining—hanggang tumuklas ang mga siyentista at nag-eksperimento gamit ang Filipino, nagmatematika ang mga matematiko gamit ang Filipino, lumikha ang mga manlilikha gamit ang Filipino, at iba pa.
Mainam kung may ginagawa na táyo para sa wika bilang mga manunulat, guro, mag-aaral, at iba pang klasipikasyon sa pagiging mga tagapagtaguyod nito. Ngunit ang dagdag na hámon ay ang mayakag ang iba pang mga propesyonal at iba pang kapatid na gumagamit ng katutubong wika na samahan táyo sa pagpapaunlad nito. Magtatagumpay táyo kung kasama sila. Kayâ ngayong Buwan ng Wika, sa harap ng mga palabas, magnilay pa táyo tulad ni Tinio. At laging maging malikhain (at masiyahin) sa pakikibaka para sa sariling wika.—Roy Rene S. Cagalingan