
Lunas sa Nabubuong Lubos ni Paul Alcoseba Castillo
University of Santo Tomas Press, 2021
Masasabi nating nasubok ang paghinga natin sa mga panahon na ito. Naging maingat táyo nang hindi mailagay ang paghinga natin sa alanganin ngayong pandemya. Humikbi táyo at tíla naubos ang hangin sa naging resulta ng eleksiyon habang nagtutuloy ang paghihingalo ng mga kapuwa natin sa loob at labas ng Filipinas. At mas magluluksa pa táyo sa mga mangyayari sa hinaharap. Sa mga ganitong puwang din nabubuhay ang tula.
Masasabing isang matalas na ehersisyo sa paghinga ang ikalawang koleksiyon ni Paul Alcoseba Castillo, Ang Lunas sa Nabubuong Lubos (UST Press, 2021). Dito, matutunghayan ang kakayahan ng makata na batakin ang kaniyang wika upang magdulot ng mga paghámon sa paghinga, sa pag-unawa batay na rin sa iba’t ibang danas na nakapaloob sa koleksiyon. Higit pa sa mapapansing kakayahan ni Castillo na magbitin ng mga linya ay may iba pang nalilikha ito—ang interogasyon ng mga sinasambit.
Mauuna na táyo sa paunang interogasyon sa “Hininga.” Ginaganyak ng tula na basahin ito hanggang sa kakayahin ng hininga buhat sa kalayaang ibinibigay ng kawalang-kuwit at mga bantas nitó. Maaaring makita ito bílang isang taludtod lámang, isang ekstensiyon ng mahabang pagbuga. Hindi rin ito tutuldukan na para bang humihimok na isalansan muli sa muling pagbása, sa muling pagbatak ng hininga ng mambabasá. Pahabol na tanong din: paano nakakaepekto sa pagbása ng tulang ito ang kawalan kahit ng mga tuldik? Organismong mahirap sipiin ang tulang ito dahil nga sa disenyo kayâ ang mga dulong tatlong taludtod nitó ang tatalunton sa nais na wakas ngunit hindi naman nagwawakas na pagbása rito:
dahil hindi nadadaan sa haplos o hagod o hilot ang hibla
nang paghahangad na makapagpahinga habang lalong humahaba
ang dadaluyan ng paghihingalo hanggang sa huling hininga
“Hininga”
Sa “Labis,” iba naman ang taktika sa interogasyong ito sa paghinga. Dito, masasalat ang nabanggit nang kakayahan ni Castillo na lumundag sa mga taludtod upang mabitin ang diwa tungo sa mga hindi inaasahang pagpihit ng katwiran:
labis ang nasa
loob ng labi dahil mas mabilis
ang bisa kahit hindi binasa
ang sinasabi ng babala
walang nabago lalo lamang lumala
dinukot ang lalamunan
at kusang pinasuka
ang sarili inuubos ang isinubo
ang ininom minani
nang hindi muna pinagmunihan
kung bakit nais mauna
tinakal ang nagkalat
na pagtataka inaakalang
walang tatalak sa balak
na mapabilis ang paglisan
nang labis-labis.
“Labis”
Sa pagbása, mabubuo ang nangyaring sinadyang overdose at ang hinahangad ng pinatutungkulan ng persona na pagwawakas ng sariling búhay. Ngunit kung susundan ang ginagawa ngang interogasyon ng hininga, tila ba negosasyon ang bawat lundag ng mga taludtod habang pinagbabangga ng makata ang mga katinig na “s,” “t,” “b,” “k,” at “l” sa tatlong saknong.
Matatagpuan naman sa ilalim ng suite na “Talaan ng mga Pinaghihinalaan” ang dalawang sitwasyon ng paghinga na kasalukuyan pa ring nililitis sa ating panahon. Sa “Doble Kara,” matatanto ng personang sumasaksi na tíla potograpo ang mga kahindik-hindik na pangyayari bílang manipestasyon ng mismong pagmamaskara (hindi lámang ng literal na face mask ng kaniyang paligid) ng lipunan. Layunin man ng maskara na iligtas ang tao, trabaho pa rin niya na magsalita kahit nakamaskara (at nakabusal?) sa mga kawalang-katurungan na nasasaksihan. Ang bigat na ito ay umaalingawngaw kasáma ng lunggating I Can’t Breathe ng banyagang lupain tungo sa bayang sawi at uudyok sa persona sa mapangahas na bitaw:
mula sa bibig ang suot na maskara. Nahihirapan na
akong humagap ng susunod na hininga
kahit walang nakadagan sa leeg at tatangkaing
tanggalin ang huling pananggalang
sa tinig na dapat nang madinig.
“Doble Kara”
Nagpapasilip naman ang “Anibersaryo” ng mga hiwang kapuwa karnal at banál sa mga pagsasamang pinahinog ng pagkakapiit sa pandemya. May kamalayan ang persona sa pribilehiyo ng mga kayang manatali sa “loob” ng kanilang silid at mga sarili habang dumadanas ng dahas ang mga nása “labas.” Ang pribilehiyong ito rin ng pagsasama ang magbibigay ng resolba sa persona hinggil sa pag-unawa ng kanilang ugnayang panghinga at ang likás na ritmo ng pakikipag-ugnay sa kapuwa (sa iba pang mga hininga) sa labas:
Kung kasalanan ang kaselanan, hindi tayo maabot ng
lunas bukod sa lunggati sa loob ng silid na itong lubos
na magpapalabas sa atin pagkatapos ng higit sa isangdaan
at isang gabi’t araw na dadalawa lang tayo. Sasapit ang
unang rebolusyon ng daigdig sa ating pag-iisang dibdib na
magkarugtong na ang ating mga hininga.
“Anibersaryo”
Sa bandang dulo ng aklat, gagamitin naman sa “Epidural” ang prosesong medikal upang matumbok rin ang naging pagtahak sa pagtula na maiuugnay sa aklat na ito. Mapagbigay talaga ang makatang naglalagay ng ars poetika sa kaniyang aklat. Ginagamit sa pagpapaanak ang anestisyang ito upang mawala ang sensasyon sa ibaba ng baywang. At magkakaugnay nga naman sapagkat panganganak ngang maituturing ang paglikha ng tula. Bagaman masalimuot gaya ng panganganak ang paglikha nitó, sa dulo, bagahe rin ng makata ang ugnayan ng kaniyang hininga sa kaniyang likha:
Sa unang pagkakataon,
mapagmamasdan ang likhang
nakabalot sa sariwang
pilas ng papel. Pero pansamantala,
magiging malilimutin
kung paanong nabuo
ang supling na tatawagin
sa pangalang dadalhin paglaon.
Ngunit kailanma’y hindi maaari
ang tula.
“Epidural”
Matapos ang interogasyong ito sa ating paghinga, ano ang makukuha mula rito? Wala na kundi ang sariwa. Makipagniig pa táyo sa mga ganitong ehersisyo upang mas mapahalagahan pa ang ating hininga at tula, dalawang mahalagang sangkap o sa handog sa atin ni Castillo, lunas sa ating sawing kalagayan. Huminga ka at magbása at huminga.—Roy Rene S. Cagalingan
Mabibili ang aklat sa University of Santo Tomas Publishing House.