
Marami sa atin marahil ang nagdadalamhati. Ibinuhos na nating lahat para sa pagtataguyod ng pamumunong malinis at marangal. Kinulang ba táyo? Hinding-hindi. Ibinibigay sa atin ngayon ng panahon ang pagkakataon na magnilay at magpahinga. At matapos ito, ang walang-hanggang trabaho. Panimulang tangka ito sa paglalatag ng mga gabay para sa pagpapatuloy ng Himagsikang Rosas.
Una muna, bakit memo? Marahil dahil ninais kong gawin sa Filipino at para sa Filipino ang naunang ginawa ni Italo Calvino na Six Memos for the Next Millennium. Sa Latin, pumapatungkol ito sa isang bagay na dapat ipinapaalala at ikinakabit sa mga rekord para sa mga babása sa hinaharap. Paraan ito upang kausapin ang mga magbabasá ngayon at magbabasá pa sa hinaharap.
Narito ang mga munting paalala.
Nakita natin ang pamumulaklak ng sining mula sa iba’t ibang disiplina kayâ marapat na patuloy táyong lumikha. Paglikha itong kaugnay ng damdamin para sa bayan. Nagbuklod ang mga manlilikha upang paigtingin pa ang pag-ibig sa bayan ng kapuwa. Lumabo at mabura man kapag lumaon ang mga mural, halimbawa, ay dapat táyong patuloy na lumikha at mag-ambag sa pagkatha ng bayan. Dahil ang táong malikhain ay maláy at nagpapahalaga sa kaniyang kasaysayan.
Patuloy nating aaralin ang kasaysayan ng Filipinas. Hindi táyo masisiyahan sa kung ano ang makikita sa Tiktok o mga kakatwang memes. Susugod táyo sa mga aklatan upang mapag-ugnay-ugnay ang ating karunungan sa nagdaan at kung paano ito tumatawid sa ating kasalukuyan. Isusulong natin hindi lámang ang literasi kundi ang kritikal na pagbabasá. Sa ganitong paraan, matitiyak natin na hindi mababaluktot ang ating kasaysayan. Sapagkat ang tuwid at maayos na pag-unawa sa kasaysayan ay nagpapalusog sa ating kagandahang-loob.
Kailangang linangin pa natin ang kagandahang-loob. Katulad ito ng mga ipinamalas ng mga huwarang anak ng bayan katulad nina Jacinto at Bonifacio. Walang pagtatangi at kasáma lahat sa pagpapalayà. Ang pagpapaigting ng kagandahang-loob ng kapuwa ay pagpapatatag din ng ating kalooban. Hindi malayò sa sinasabing panloob na rebolusyon ni Mabini. At kung mayroon ka nitó, tiyak na mas sisidhi pa ang paghahangad nating paglingkuran ang bayan.
Nakita na natin ang paglilingkod sa bayan na ito sa mga palugaw, house to house, pagtatanghal nang libre, relief operations, at iba pa. Hindi mo kailangang maging kawani ng pamahalaan upang paglingkuran ang bayan. Hindi mo rin kailangang maging politiko. Sa ngayon, kailangan mo lámang ipagpatuloy ang ginawa noong kampanya at isa na itong mahalagang ambag. Ang susunod na hámon ay ang pagpapaigting pa nitó. Ngayong lumalalim na ang kaalaman mo sa kasaysayan, namulaklak na ang kagandahang-loob, at nais mong maglingkod sa bayan, bakâ nais mong magturo sa ating mga kababayan?
Sapagkat walang saysay ang karunungan at pagmamahal kung hindi ituturo sa kapuwa. Kailangan nating wasakin ang paghahari ng tinatawag na dilim at ningning ni Jacinto sa mga mata ng ating kababayan. Kailangang wasakin ang kultura ng kamangmangan at ang pananamantala ng mga mang-aapi. Ngunit lagi nating tandaan na sa pagpapalayang ito sa pagtuturo ay dapat nating malaman na matututo rin táyo sa ating mga tinuturuan. Mapagpalayang diyalogo. Nasabi na nga ni Freire na kapuwa api lámang ang magpapalayà kapuwa sa api at mang-aapi. Matapos ang ating dibdibang pagtuturo (at pagkatuto), inaasahan na táyong kumilos.
Kumilos dahil hindi táyo dapat manigas sa pagkalugmok at pagdadalamhati para sa ating bayan. Ipakita natin na hindi táyo napapagod sa paglikha, sa pag-aaral, sa pagkakaroon ng kagandahang-loob, sa paglilingkod, at sa pagtuturo. Kumikilos táyo dahil nais nating baguhin ang lipunan sa ating mga kamay at harayang hitik sa katwiran at pag-ibig. At hinggil sa pag-ibig, hindi nga ba natin ito ginagawa para sa pag-ibig?
Dahil wala na ngang hihigit kaysa pag-ibig sa bayan. Lagi’t laging itanong sa sarili kapag sinusuri ang mga nangyayari sa paligid: bunga ba ito ng pag-ibig sa bayan? Maging malinaw sana palagi ang sagot sa iyong isip.
Nagpapaalala kami mula sa nagdaan natin, minamahal na Anak ng Bayan.—Roy Rene S. Cagalingan