
Nagtutuloy ang Himagsikang Rosas at kinakailangan ng anumang himagsikan ang mga imno upang pasiglahin at pag-alabin ang kalooban ng mga kaanib nitó. Sa kaso nating ito, nariyan ang mga awiting “Rosas,” “Kay Leni Tayo,” at “Liwanag sa Dilim.”
Pag-uukulan natin ng pansin ngayon ang “Liwanag sa Dilim” ng Rivermaya at iuugnay ito sa konsepto ng liwanag at dilim ni Emilio Jacinto.
Bagaman 2005 pa ito lumabas, ang awiting ito, gaya ng iba pang makabuluhang awitin, ay mas lumalalim at rumurubdob pa ang kahulugan sa pag-usad ng panahon. At sa panahong ito na ipinaglalaban ng mga naninindigan ang matapat at mahusay na pamamahala, akma-akmang na “isigaw” nga ito sa “hangin.”
Ngunit bago ito, dumáko muna táyo sa higit sandaang taóng ugnayang Liwanag at Dilim/Liwanag sa Dilim na pinasimulan ng rebolusyonaryong manunulat na si Emilio Jacinto (1875–1899). Sa kaniyang “Liwanag sa Dilim,” hindi lámang ang presensiya ng dilim kundi ang ginagawang pagkukibong (pag-warp) ng tinatawag niyang ningning ang dapat kamulatan ng mga Filipino. Idinidiin niya ang mapanirang gawain ng ningning hábang iginigiit ang pangangailangan sa liwanag sa unang bahagi pa lámang:
Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira ng paningin.
Ang liwanag ay kinakailangan ng mata, upang mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay-bagay.
Kayâ mapapatanong ka rin. Nasaan na ang banggit sa dilim? Maaaring suriin dito na isang anyo rin ng dilim at pananaig nitó ang pagwasak ng ningning sa ating mga paningin. Gagamitin ni Jacinto rito ang imahen ng mga bubog na nagningning kapag nasinagan ng araw ngunit nakasusugat sa kamay kapag hinawakan. Mula rito ay kaniyang ipahahayag na “Ang ningning ay maraya.”
Usapin nga naman ng paningin ang pag-unawa sa liwanag at dilim. Ang mga nása dilim ay nangangapa at maaaring nabubulag hábang nasusugatan sa kanilang mga pananaw ang mga nabibighani sa ningning. Sa kaniyang pagsusuri sa lipunang Filipino noon, napansin ni Jacinto na isa sa mga dahilan ng ating pagkalugmok ay ang pagsamba natin sa ningning at pagtatakwil sa liwanag. Sa kasalukuyang kondisyon natin, hindi ba manipestasyon din ng mandarayang ningning ang talamak na fake news at mis-impormasyon?
Kayâ gawain ng isang anak ng bayan na kilalanin ang kondisyong ito. Kailangan niyang palisin ang ningning sa mata niya at sa mata ng mga kapuwa upang maghasik ng liwanag ng katwiran at bait. Dito naman papasok ang ating awitin.
Lumilitaw ngayon na matapos ang ginagawang pagninilay ng anak ng bayan sa liwanag, dilim, at ningning ay hinihimok na siyang kumilos. Inuudyok siya ng awit na maging proaktibo at magdulot ng paglayà ng kaniyang kapuwa mula sa pananaig ng dilim at ningning. Narito ang tangkang pagdadaupang-haraya ng dalawang teksto:
Ating hanapin ang liwanag,
Tayo’y huwag mabighani sa ningning.
Harapin mong magiting ang bagong awitin.
Ikaw ang liwanag sa dilim.
Ikaw ang liwanag sa dilim.
Kasáma marahil sa mga rally ng mga magigiting na mangingibig ng Himagsikang Rosas si Jacinto. Nakikiawit nang dalisay hinggil sa pag-ibig sa bayan. Nakamatyag sa laro ng liwanag at dilim. Nagiging liwanag sa dilim.—Roy Rene S. Cagalingan