
Nagdiriwang táyo ngayon ng Buwan ng Panitikan ng Filipinas at isa sa mga dahilan nitó ang pagkamatay ng rebolusyonaryong manunulat na si Emilio Jacinto noong 16 Abril 1899 sa Laguna. sa edad na 24. Akmang-akma ang gagawin nating paggunita sa ating dakilang bayani sa darating na Mahal na Araw, sa Sabado de Glorya. Kayâ kung may pagkakataon kayo, mainam na pagnilayan ang mga akda niya tulad ng “Mga Aral ng Katipunan ng mga A.N.B,” Liwanag at Dilim, Pahayag, at Gising na, Mga Tagalog!! na ating dadaanan ngayon.
Marahil ang mga kabataan ngayong dumadalo sa mga pagtitipon ng isang marangal na pinuno ay nakadarama ng masiglang pagkagising sa kanilang kalooban. Woke ’ika nga. Sa ating pagninilay sa teksto ni Jacinto, na gumamit ng sagisag-panulat na J. Aging sa halip na Pingkian dito, ay mas titingkad pa ang ating pag-unawa sa halaga ng kaniyang panulat at ng panitikang Katipunero.
Pauna na rin ang paglilinaw hinggil sa mga Tagalog na kinakausap dito. Sa pakahulugan nina Jacinto at Bonifacio, pumapatungkol ito sa sinumang tumubo sa Filipinas.
Kapag sinuri, lilitaw na may 24 na tanong ang Gising na, mga Tagalog!! Maaari nating ilista ang ilan sa mga ito upang matutukan pa:
- Pagkasanay ng mga Tagalog sa pagiging bulág at alipin.
- Pagkawala ng tapang at dahas na taglay ng mga ninuno. Mas espesipiko pa, pagbanggit sa kabayanihan, halimbawa, ni Lapulapu.
- Ugnayan ng makapangyarihan sa alipin. Kung bakit nananatiling alipin ang alipin.
- Panawagan para sa pagkakaisa ng kalooban at kaisipan.
Sa dagdag na pagsusuri, matutunghayan rin na kasáma ng mga tanong ang 13 pahayag naman na maramdamin. Hindi eksaktong mga sagot ito sa nailatag na tanong. Sa teksto ni Jacinto, nagtatapos ang mga pahayag na ito sa tandang padamdam at tíla ba naghuhumiyaw sa mambabasá upang magising na sa wakas. Ilan sa mga ito ang sumusunod:
- Pagdidiin sa higit 300 taon ng dilim.
- Paggising at pagkamulat ng mga mata ng bayan. Ilang beses uulitin ang paggising na ito.
- Pangangailangang gumawa, lumaban, at mamatay.
Mapapansin din na mas iigiting ang mga madamdaming pahayag sa dulo ng teksto. Tíla ba iiwan ang pangungulit sa pagtatanong upang dumako sa resolusyon. Tungo sa aksiyon. Sa bandang hulí, may isa na lámang tanong:
Bakit di pag-isahin naman ang inyong mga kalooban at kaisipan, upang maging isa din ang lakas ninyong lahat at nang walang mangahas lumibak ng inyong mga banal na matuwid?
Umiigting rito ang naging taktika ng pagtatanong ni Jacinto upang dumatal sa tanong na magsisilbing sagot din sa mga problema ng Filipino noong panahon niya. Kinakailangan ang pagkakaisa. Hindi lang ito pagkakaisa na madaliang sinasambit tulad ng “unity,” kundi pagkakaisa ng kalooban at kaisipan. Pagkakaisa itong magpapatatag ng isang lipunan upang di na sila muli “libakin” at “yurakan” ang kanilang matuwid, ang kanilang katwiran at dangal.
Hindi na ang mga “fraileng Kastila” ang kaaway ng bayan. Ang mga baluktot na kapuwa Filipino na natin ang patuloy na nagnanakaw habang pinagpupugayan natin silá. Ayon kay Jacinto, ano ang kailangan nating gawin? Gumising at gumawa. Gagawin natin ito sa pamamagitan ng paghalal ng mga karapat-dapat at mararangal na pinuno. Sa Mayo, nagising na sana ang mga Filipino.—Roy Rene S. Cagalingan