
Nagdaan muli ang kaarawan ni Francisco “Balagtas” Baltazar nitong 2 Abril. 234 taóng gulang na siya. Tiyak, nagbigay na naman ang ilang personalidad ng mga talumpating punô ng papuri sa ating makata. Nariyan na ang inmortal na pagbanggit sa kaniyang Florante at Laura (nabása na ba natin ang iba niyang akda?), pagpupugay sa kaniyang pagiging henyo, at pagbanggit sa bansag na “Prinsipe ng Makatang Tagalog.” Hinggil sa hulíng bansag, mapapaisip ka rin ano: sino nga ba ang hari? May reyna o dúke din ba?
Tugon ito sa laging ibinabahagi ng tanyag na historyador na gawing tao ang ating mga bayani. (Oo, bayani si Balagtas at sa pagiging tao niyang gumawa ng karaniwan at di-karaniwang bagay makikita ang pagkabayani niya.) Sa pagkakataóng ito, sisilipin natin ang naging karera ni Balagtas bílang manggagawang pangkultura at dagdag na rin, bilang kawani ng pamahalaan.
Nakuha ang mga impormasyon hinggil sa trabaho ni Balagtas sa Kung Sino ang Kumatha ng “Florante” ni Herminegildo Cruz na lumabas noong 1906. Hanggang ngayon, maituturing pa rin natin itong depinitibong talambuhay ni Balagtas. Hámon sa mga kasalukuyang mananaliksik ang masalat ang mga puwang sa naratibo nitó at punan ang mga ito upang mas mabuo pa natin ang makatang kumatha sa “Florante.”
Bílang manggagawang pangkultura, sa pagkabata pa lámang niya ay naikasangkapan na ni Balagtas ang kaniyang kakayahan sa pagsulat. Nag-aaral pa lámang siya noon sa Colegio de San Jose ay nagpapagawa na ng mga tula, liham pag-ibig, at iba pang korespondensiya ang mga kaklase. Sinasabi pang sumusulat siya sa mga magulang ng kaklase sa Español upang mapaniwala ang mga ito na nag-aaral sila. Dito, makikita natin na kapuwa naikasangkapan ni Balagtas ang kakayahan sa Español at Tagalog upang makatawid (sideline na sa ngayon) sa kaniyang pag-aaral.
Nása Tondo, Pandakan, o Bataan man siya, patuloy siyang nagsulat ng mga tula at komedya na kinagaliwan ng madla. Makakatha rin natin marahil ang ginagawang paglublob ng makata sa kaniyang pamayanan sa ginagawang pagsaksi sa mga pagtatanghal ng kaniyang likha. Sa pamamagitan ng mga pagtatanghal ay lalong napaiigting ang konsepto ng pagiging “bayan” ng mga bayang nagsisilbing entablado ng kaniyang mga akda.
Sa panig naman ng pagiging kawani, marami ring posisyong hinawakan si Balagtas na kaugnay pa rin ng pagsusulat. Sa Bataan, naging kawani siya ng isang huwes at nagsilbi rin sa isang eskribano. Naging teniente primero at juez mayor de sementera din siya. Kinakailangan pa na mas masaliksik ang aktuwal na gawain, lalo na ang hulíng dalawa, upang mas maitindihan pa natin ang mga naging opisyal na gampanin niya. Nasabi na rin na katumbas ang mga naging katungkulan niya sa pagiging clerk of court sa ngayon.
Nagkaroon kayâ ng salungatan o conflict of interest ang pagiging makata-bilang-manggagawang-pangkultura ni Balagtas sa kaniyang pagiging kawani ng pamahalaan noong panahon ng Español? Mainam mapagnilayan lalo na’t marami pang ibang naisulat si Balagtas na dapat nating paglaanan ng panahon. Payo: isunod na sa inyong mga babasahín ang Orosman at Zafira at La India Elegante y el Negrito Amante.
Sa búhay ng pagiging manggagawang pangkultura at kawani ng pamahalaan, makikita ang naging puhunan ni Balagtas: ang pagsulat. Kayâ marapat lámang na makilala siya sa ginawang pagpapasiya sa búhay na nakalaan sa panulat. Matuto sana táyo na hindi dapat namamatay ang ating mga manlilikha nang naghihirap at ipapataw pa ito sa kanilang mga pamilya. Wala sanang ama tulad ni Balagtas na magbababala sa kaniyang mga anak na ipapuputol ang kamay kung magsusulat. Parang mga magulang na nagsasabing wala namang pera o mahihita sa arts-arts. Kawawa naman ang haraya ng Filipinas.—Roy Rene S. Cagalingan