
Matagal ko nang ipinangako kay Lean Borlongan na gagawan ko ng ribyu ang kaniyang aklat. Marami nang nangyari sa loob ng isang taon at bagaman nabása ko na noong 2021 ang aklat niyang ito, may bago pa ring hinahandog ang tula sa akin ngayong muling binuklat at binása.
Nailathala noong 2021 ang Pasakalye, at ikatlo matapos ang Sansaglit (2015) at Kung Saan sa Katawan (2019). Malaking lundag ang ikatlo niyang koleksiyon sa paksa ng dalawang aklat—hinggil sa pag-ibig at eksplorasyon sa limitasyon at kakayahan ng katawan. Ngayon naman, tema ng aklat na ito ang mga karaniwang tao at bagay—siláng madalas nating makasalubong sa kalsada, makasabay sa komyut, umiiral bitbit ang bigat ng pangarap at paghihírap, mga mumunting pag-iral, at maging siláng hindi natin batid na umiiral palá.
Nagsilbing tanghalan ng ordinaryo at payak ang mga tula niyang ito na nakahati sa limang bahagi—Pangkaraniwan para sa mga simpleng táong nakakasalamuha, Patungan hinggil sa isang baryo sa Cavite na kumakaharap sa pamumuhay sa tabing-dagat at pagharap ng komunidad sa isang development project na hindi silá ang pangunahing makikinabang, Tulala na tungkol sa pang-araw-araw na mga bagay sa paligid, Pahayag at Paglayag na tungkol sa kasalukuyang isyung kinakaharap ng ating lipunan, at Pasakalye na laro sa pamagat hinggil sa mga usaping patungo at para sa ating mga daan at pinagdadaanan.
Nahúli ni Lean ang temporal na katangian ng karaniwan—tíla panandalian ngunit masugid magparamdam. Gaya sa “Ang Tanging Nalalaman” na tungkol sa patalastas na LPG delivery:
“…Araw-araw
nakapiit ang anino
sa kapirasong papel—
patalastas na isinabit
o inipit sa siwang ng gate
ng daang kabahayan,
Pahinang pinapalis
o pinipilas
para lamang muling
matagpuan bukas—
LPG. Free delivery.”
O kayâ ang karaniwan sapagkat lalaging nariyan at nakasanayan na’t hindi na inuusisa ang presensiya. Itinatanghal sa “Hukay” ang isang bagay na batid nating eternal nang presensiya sa ating komyut, hindi na kagulat-gulat bagaman nakapagpapainit ng mga ulo, kung kayâ dapat parating kinukuwestiyon kung kailangan ba:
“Walang humpay
hinuhukay
ang kalsada.
………………….
Siklo ng pagtabing
at paglantad
sa bituka ng daan.”
Ngunit higit sa lahat, hinihikayat táyo ng koleksiyon na makinig at makiramdam sapagkat may nais iparating táyong maliliit: kapuwa tao at mga bagay. Sa “Aplaya,” nagkatinig ang maliliit na ginigipit:
“Lumulusong kami’t
umaahon sa salinlahi
ng mga alon.
Kaming nag-ugat
sa liblib ng kahapon.
……………………………
…Subalit hindi na kami
makalapit pagkat kay talim
ng titig ng mga sundalong
pinaaalis kaming pilit.”
Sa pangkalahatan, inaanyayahan táyo ng koleksiyon na titigan ang sarili, kapuwa, at paligid sapagkat táyong lahat ay karaniwan. Ang daniw sa karaniwan ay pagtatampok sa halaga ng ating payak na pag-iral. Mabibili ang Pasakalye sa Roel’s Bookshop, Balangaw, ISBN atbp, at sa awtor sa halagang PHP150.00.—Maria Christina Pangan