Mulang Alimuom 40: Mga Anak at Tiyanak ng Bayan

Mula ang retrato sa pinterest.it

Sapagkat kinukutya ng ibang tao ang naging pahayag ng isang marangal na pinuno hinggil sa pagiging gising nang 18 oras, marapat nating pagpugayan ang gumagamit sa panahon nang wasto. Gagamitin natin pangunahin ang lente ng Kartilya ng Katipunan na nagsasaad na:

Huwag mong sasayangin ang panahon; ang yamang nawala’y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan.

Kung isinasaloob lang sana ng mga naghahangad na maging pinuno (tulad ng mga nangutya) ay mas mauunawaan nila ang ginagawang paglubos sa panahon ng ating marangal na pinuno. Umiinog ang bahaging ito ng Kartilya sa panahon at ang responsableng paggamit nitó. Ibig sabihin, kinikilala ng isang mahusay na anak ng bayan ang halaga ng panahon kayâ hindi niya ito winawaldas. Napagtatanto niyang mahalaga ang oras at wala siyang pribilehiyong lustayin ito sa luho at kung anupang pagpapalipas ng oras sa ngalan ng aliw. Upang madiin ang kinakailangang pagpapahalaga sa panahon, isasama sa pahayag ang posibilidad na magbalik ang yaman o ari-ariang nawala samantalang ang panahong pagdaraanan ay di na muli mababalikan.

Sa kasong ito ng Kartilya at sa iba pa nating kasabihan, ginagamit natin ang “daan” upang maitanghal ang pagkilos sa panahon: “Nagdaan na ako diyan,” “pagdaraan mo rin ’yan,” at  “matinding pagsubok ang aking pinagdaanan.” Kaugnay ng daan ang mismong pisikal na akto ng paglalakad. Umuusad ang panahon sa ating paglakad at naiuugnay natin ito paglalakad na ito sa danas natin sa búhay. Nagkakaroon tayo ng pinagdaanan sa ating paglalakad. Ngunit hindi natin magagawang maglakad nang pabalik at tila ba gawain na ito ng mga time traveler.

Kailangan lámang nating isipin, sino nga ba ang may kakayahang mag-aksaya ng panahon? Makatutulong siguro kung gagawin nating Kartilyang Itim at palilitawin ang ganitong lahok:

Sayangin mo ang panahon; ang yamang nawala’y maaari pang paramihin; ngunit panahong nagdaan na’y babalikan at babaguhin.

Ang mga mandurugas, magnanakaw, sinungaling, mandarambong, at iba pang kampon ng dilim ang may kakayahang magwaldas at bumaluktot ng panahon. Dahil sa tingin nila’y kayá nilang mabili ang panahon, madali nilang maliitin ang pagsusumikap ng mga táong dalisay ang pagpapahalaga rito. Isa pang kakayahang mayroon sila ay ang pagkatha sa mga salaysay ng nagdaan upang lumitaw ang kanilang “dakilang” pinagdaanan. Sa pamamagitan nitó, nakapagsasamsam sila di lámang ng mga nakaw na yaman kundi pati ang gunita ng isang bayan.

Paano nga lalabanan ng mga tunay na anak ng bayan ang mga (tiy)anak ng bayang ito?

Madaling sabihin ngunit mahirap gawin: kailangan lámang nating pahalagahan ang panahon. Ito ang paglaan ng búhay at talino sa mga bagay na ikabubuti ng kapuwa Filipino. Tulad ng mga bayaning guro nating nagtuturo sa mga lumad. Tulad ng mga doktor at nurse na naririto at laging kulang ang panahon para sa mga sarili. Tulad ng mga magsasaka at mangingisdang naghahandog sa atin ng pagkain sa hapag. Tulad ng mga manggagawang binabatak ang katawan sa pagtatrabaho sa bayan nating sawi at umiiral sa mga pumapalyang sistema. Napakarami pa nating pilit na nilulubos ang panahon. Lilitaw na silang nagwawaldas ang iilan. Kayâ isang makapangyarihang gawain ang pagbawi ng panahon. Kailangan rito ang sama-samang pagkilos, ang paglalakad upang mabawi at maiwasto ang daan, nagdaan man at dadaanan pa lámang. Maaga naman táyong lalakad dahil tiyak na tatanghaliin ang mga naglulustay ng panahon.—Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: