
Sa pagpapatuloy ng ating pagninilay sa mga tanawing pangwika, pagtutuonan natin ng pansin ngayon ang paggamit ng “bangon” ng isang kandidato sa pagkapangulo. Ating hahanguin ang mga kahulugan nitó mula sa kasalukuyan pabalik sa mas sinauna.
Una, ang mga halimbawa nitó sa kasalukuyan at kulturang popular. Tanyag na tanyag riyan ang paggamit ng isang brand ng kape na “Babangon Tayo.” Tampok rito ang pagpapamalas ng kompanya bílang “katuwang” o “kaibigan” ng ating mga magsasaka tungo sa kaunlaran. Nariyan ang elemento ng pagbangon nang maaga at pagbangon bílang pag-ahon sa ekonomikong kondisyon. Kung papansinin pa nga tila napakalapit ng paggamit na ito sa kasalukuyang motto ng kampanya ng nasabing politiko.
Isa pang maaaring daanan ang pelikulang Babangon Ako at Dudurugin Kita (1989) tampok si Sharon Cuneta bílang ang mapaghiganting Salve. Dito, malinaw ang gagawing pagbangon bílang pagbuhat sa sarili upang balikan ang mga táong nagdulot ng pagdurusa. Muli, maaaring masabi na may kaugnayan pa rin ito sa kasalukuyang kampanya.
Atin munang iwan saglit ang dalawang reperensiyang ito upang masilip ang ilang mga sitwasyon at aktor na may kinalaman sa “bangon.” Pangunahin na rito ang pagsabi ng “bangon na o gising na” at “kailan ka pa ba babangon?” Sino ang madalas nagsasabi nitó? Madalas ay ang mas nakatatanda gaya ng mga magulang o ang sinumang inakò na ang responsabilidad sa paggising sa isang tahanan. Kung hindi malapít sa atin ay may tiwala táyo sa táong manggigising sa atin at magtatawid mulang daigdig ng pagkakahimbing. Mararamdaman ang bigat ng tiwalang ito sa pahayag ng isang matutulog na magsasabi na “gisingin mo ako ha.”
Maitutulay ito sa limang pakahulugan ng “bangon” sa Vocabulario de la lengua tagala (1860). Sa mga lahok, may tatlong nakalaan sa pagtatayô ng anuman at pinakamatingkad rito ang pagpapakahulugang may kinalaman sa pagbibigkis kasama ang kapuwa:
Bángon. pp. Tumayo kasama ang iba, katulad ng isang ina na kasama ang kaniyang anak. Namamangon.
Tumuturol naman ang dalawang sumunod na kahulugan sa pagkilos mula sa estado ng pisikal na pagkakaratay at ang pagbuhay sa isang namatay na usapin o isyu.
Bángon. pp. Bumangon, Mag. Magbangon ka, bumangon ka. Hindi ako makapagbangon, hindi ako makabangon. Hindi ako makabangon ng tapayan, Hindi ko mabuhat ang banga. An, Ukol sa isang bagay o sa isang tao.
Bángon. pp. Muling buhayin at ihanda ang mga usapin. Nanangon si kuwan ng osap I. l. In, ang bagay kung bakit. An, laban
Isang proaktibong gawain ang pagbangon kung ito ay tinutugunan. Pagkilos ito mula sa pagkakahimbing hindi lámang ng katawan kundi pati na rin ng diwa. Pag-ahon din ito ng mga salaysay sa nagdaan na dapat ilapag muli sa ating nagising na málay dahil maaaring ipinapalimot o patuloy na binabaluktot. Hindi ba pamilyar ang ganitong mga galawan sa ngayon? Sa pag-iwas sa pagsagot sa mga tanong at diyalogo hinggil sa nakaraan at pagsasabi na “Tapos na ’yan. Move on na táyo”?
Sa dalawang naunang halimbawa mula sa kulturang popular (advertisement at pelikula), mailalapit natin ang dalawang operasyon ng “bangon:” ang pagtutulungan upang makaahon at ang pagbangon bílang paghihiganti. Ngunit sino nga ba ang may awtoridad para magsabi na babangon táyo? Sa una, dambuhalang korporasyon ito na itinuturing na panginoon ang kapital at isang kathang identidad. Isa namang táong hangad ang pagkasawi ng mga nagmaltrato sa kaniya ang operasyon sa ikalawa. Gusto pa ba nating bumangon kung ganito?
Maipag-uugnay natin ang sinasabi noon at sinasabi ngayon ng “bangon” sa atin sa lahok sa kasalukuyang Pambansang Diksiyonaryo sa Filipino (2021):
- pag·bá·ngon kilos mula sa pagkakahigâ o pagtulog
- pag·bá·ngon kilos na gaya ng pagtatayô ng gusali o pagtatatag ng kapisanan
- pag·ba·bá·ngon himagsik o paghihimagsik.
Narito ang pagkilos mulang pagkakahimbing ng katawan at diwa. Hindi lámang nakatuon sa pisikal na pagtatayô ng mga estruktura kundi ang pag-oorganisa para sa isang mithiin. Hindi malayo na kaugnay rin ito sa gawain para sa ikatlong pakahulugan at pinakamaigting na uri ng pagbángon, ang paghihimagsik.
Makikita natin na makatwiran ang paghihimagsik kapag isa itong paggising mula sa diwang matagal na pinatulog o inalipin. Kinikilala ng isang bumabangon ang kinasadlakan ng kaniyang bayan at tinitipon ang kapuwa nagigising upang maibangon ang dangal ng kaniyang lahi, ng kaniyang bayan. Sabi nga ni Emilio Jacinto sa kaniyang “Gising na, mga Tagalog” (1895):
Hayo na, hayo na bayan ko’t ikaw ay gumising! Ikaw ay magbangon, buksan ang mata mo’t ikaw ay magmasid, ay bayang kong sawi!
Higit sa moral na awtoridad, marapat na maramdaman ang wagas na intensiyon ng isang nagpapabangon. Sa wika ng Katipunan, may pag-ibig sa bayan. Iniibig ang Filipinas. Mauuwi lámang sa pakahulugan ng kaduda-dudang interes at paghihiganti ang magsasabi nitó nang walang busilak na paghahangad. Kung hihiramin muli ang popular na ekspresyon, para kanino ba táyo bumabangon? Para sa bayan nating sawi. Sa ating paghihimagsik sa ngalan ng pag-ibig, marami pa táyong gagawing pagpapabángon. —Roy Rene S. Cagalingan