
Pagkakataon ang eleksiyon upang masipat at mapagnilayan natin ang ating tanawing pangwika o linguistic landscape. Gagamitin natin ang batayang kahulugan nitó na pumapatungkol sa ating nakikitang mga wika sa iba’t ibang paskil sa ating paligid. Hindi ba babád na babád táyo ngayon sa inilalapit sa ating mensahe ng mga politiko? Isang mainam na ehersisyo ang pag-unawa sa kanilang pagkasangkapan sa wika na kaugnay ng ating kasalukuyang mga isyung kinahaharap.
Kung saglit kikilatisin ang ating kasalukuyang tanawing pangwika, kapansin-pansin ang malawakang paggamit ng mga tumatakbo sa pagkapangulo ng wikang Filipino. Sa kanilang mga tagline, isa lámang ang mapapansin na tuwid na Ingles ang ginagamit sa pagdidiin na kailangan natin ng isang pinuno. Makikita natin sa malalaking tipo sa mga billboard at poster ang mga salitang “laban,” “babangon,” “bilis kilos,” “para sa bayan,”at “husay at tibay.” Sa hinaharap, tiyak na paiigtingin pa ang paggamit ng mga salitang ito sa kainitan ng kampanya.
Asahan ninyo na uusisain ang ating tanawin at ang mga sinasabi (at ipinapahiwatig) ng ating mga politiko sa mga susunod na alimuom. Sa ngayon, magbibigay muna ng paunang pagbása sa isang kampanya ng news network para sa eleksiyon: ang Bilang Pilipino.
Bílang kampanya, marapat na purihin ang ganitong kamalayan sa panig ng ating midya na ipahayag ang paghahangad na mabantayan ang eleksiyon, at higit sa lahat, maikintal ang halaga ng pagboto bílang gampanin ng mga mamamayan ng Filipinas. Ngunit may masasabi táyong mga pagkatalisod sa kampanya na magiging mas epektibo sana kung mas natutukan pa ang ilang aspektong pangwika.
Una, ang kawalan ng tuldik. Nilagyan dapat ng tuldik na pahilis ang “bílang.” Alam naman natin na may paglalaro ito sa bílang bílang numero na may kinalaman sa mga boto at bílang bílang pang-ukol. Ang daming biláng! Magkapareho naman ang bigkas na malumay kayâ walang kalituhang maidudulot ang pagtutuldik. Hindi naman din gagamitin ang mabilis na “biláng” o bakâ tumutukoy ito sa pagiging biláng na ng mga araw natin sa pagbabalik ng mga tiwali?
Ang ikalawang paggamit ng “bílang” na durugtong sa Pilipino upang maipakita na mabigat na gampanin ang pagboto ang isa pang dapat tutukan. Una, may batayan na sa Konstitusyong 1987 ang pagtawag sa ating mga mamamayan bílang Filipino. Kung Filipino ang tawag sa wika, bakit nagiging Pilipino pa rin ang tawag natin samantalang mas ingklusibo ang Filipino? Kapag bílang Pilipino ka ba mag-isip ay napapako lámang ang pagharaya mo sa bansa sa Tagalog na pag-iisip? Pagkakataon sana ito upang mailapit pa sa ating mga kababayan ang mga progresibong idea at mapagyakap na mga prinsipyo ng ating wikang pambansa.
Hindi naman din nasasayang ang pagkakataon lalo na at may kakayahan ang lahat para linangin pa ang paggamit ng ating wika. Ang mahalaga, naipapaliwanag natin ang mga umiiral na tuntunin kapag tinanong kung bakit ganito ang ating paggamit. Táyo na lumilibot sa ating mga lungsod at bayan ay napaliligiran ng wika. Pinoproseso sana natin ito at pinag-iisipan ang mga paggamit at taktika sa wika. Pagpapatalas din ng pandama at kakayahang maging kritikal sa mga bagay-bagay ang pagninilay sa ating tanawing pangwika. Naroon ang mga tunggaliang dapat nating harapin bilang mga Filipino. Saan nga ba ulit ang diin ng bilang?—Roy Rene S. Cagalingan