Dilang Pampinuno

Gallera ni Jose Honorato Lozano. Watercolor on paper.  ca. 1875–1899
(Retrato mula sa Pinterest.)

Noong Sabado ng gabi, inabangan ng daang libong Filipino ang Jessica Soho Interviews sa apat [lima sana] na kumakandidato sa pagkapangulo at top 5 sa mga survey: VP Leni Robredo, Sen. Ping Lacson, Sen. Manny Pacquiao, at Mayor Isko Moreno Domagoso. Habang isinusulat ang artikulong ito, may 2.4 million views na ang nasabing palabas sa GMA News Facebook page. Iba pa ang bílang ng viewership sa iba pang online platforms at telebisyon na ginamit din upang ipalabas ito. Dagdag pang bílang ang mga nakinig sa radyo at  nakinood na mga kasáma sa bahay, kabarkada, o karelasyon.

Hábang at matapos ang interbiyu ng batikang peryodistang Jessica Soho, umaani ng daang libo [o milyon pa nga] na talakay ang naging performance ng mga kandidato. Marahil hanggang sa mga susunod na araw ay pag-uusapan pa rin ito. 

Tunay na inabangan at tinutukan ng sambayanan ang ginawang interbiyu. Nalantad ang niloloob at tindig ng mga kandidato sa iba’t ibang isyu ng bansa, sa mga isyung ipinupukol sa kanila, at maging sa mga naging aksiyon at nabanggit nila sa nagdaang panahon. Gamít na gamít ang mga resibo, ika nga, at naisalang sa hot seat ang apat na humarap. 

Nagtakda ng mataas na pamantayan sa setup ng pagkilatis sa mga kandidato ang interbiyu ni Jessica Soho. At kítang-kíta naman ang pakikisangkot ng sambayanang Filipino sa mga talakayan dahil sa wikang nanaig sa palabas. 

Bagaman hindi madali marahil para sa mga kandidato ang pagsagot sa ilang tanong, maraming nailantad na intensiyon at naipaliwanag na panig gámit ang wikang Filipino. Walang hiráp sa kanila sa paggamit ng wikang ito. [Liban na lang kung may nais talagang iwasan o itago. 🙂  ] Ito rin ang naging daan para sa ilang manonood (lalo na sa porsiyentong di pa nagpapasiya ng ibobotong pangulo) na makumpirma ang mga pag-aakala o magulat sa mga di-inaasahang tugong nakuha nilá sa mga kandidato. 

Dahil na din sa nakukuhang resibo sa talakayan, asahan na ang mga nabanggit nilá rito ang magiging batayan sa pagpili ng iluluklok na pinuno. Sa pamamagitan ng wikang Filipino, mas dumadami ang nagbabasá, nakikinig, at nanonood hinggil sa halalan. Kung magpapatuloy, tataas ang porsiyento ng nagpapamalas ng pakialam para sa bansa. At sana sa paggamit ng Filipino sa mga talakayang ukol sa halalan na pangungunahan ng ibá’t ibáng sektor, tataas ang diskurso hinggil sa mga usaping pambansa. Hindi ba’t kapana-panabik kung sa Filipino maririnig ang diskusyon at mga tanong ng mga ekonomista, alagad ng batas, guro, siyentista, eksperto  sa kalusugan, manggagawang pangkultura, mangangalakal, investor? Panahon nang maisangkot ang publiko sa mga talakayan at pagpaplanong makaaapekto sa kanila. [Teka, sana palá magkaroon ng mga tanong para sa mga wika at kultura ng bansa; at siyempre, sana nása isip ito at bahagi ito ng plano ng ating mga kandidato.] Aasahan natin sa susunod na mga buwan ang ganitong mga talakayan at hangad na manaig ang Filipino sa pakikipag-usap ng mga kandidato sa ibá’t ibáng sektor ng lipunan. Kaabang-abang lalo na’t kailangan natin ng kakapítang hibla ng pag-asa para sa bansang Filipinas ngayong 2022 at sa hinaharap.—Maria Christina A. Pangan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: