
Hindi alam ni Manong Frankie ang pangalan ko. Wala kaming anumang relasyon bukod sa relasyong awtor-mambabasá. Iyon naman ang mahalaga. Kung may poetic distance, matatawag natin itong prosaic distance. Tipong mala-sagang Rosales ang layo. Ang distansiyang ito ang magbibigay rin sa akin ng udyok na magbahagi ng ilang mga karanasan (totoo ang karamihan dito) kasama o hindi si F. Sionil José.
Nagsimulang mabuo sa akin ang imahen ni F. Sionil noong high school. Siyempre, sa sistemang edukasyon natin, may ibang “premium” rin na ibinibigay sa mga manunulat sa Ingles. Kayâ kasama sa paghanga kay Cirilo Bautista na lingguhang binabása sa Panorama, nalinang pa ang paghanga ko kay F. Sionil nang mag-aral sa unibersidad na Bahasa España ang pangunahing wika.
Literary titan. Man of Letters. National Artist. Master storyteller. The other great José. Jabba the Hutt (Sa hinaharap pa palá ito.) Ilan lang ’yan sa mga nababasá kong bansag tuwing may write-up kay F. Sionil ang Varsi o ang ibang mga publikasyon. Wala pa noon ang isip ko sa politika at mga pangkat sa labas ng Ustê o ni Manong. Doon lámang ako nakatutok sa kaniyang kadakilaan bílang isang mahalagang manunulat.
Naalala ko ang pakiramdam noon nang matapos ang Tree habang naninigarilyo sa aming maliit na balkonahe. Napaisip din ako kung bakit ito ang sinimulan ko sa Rosales saga samantalang pang-apat na ito sa serye. Binabalikan ko rin kung may maisasalba pa sa alaala ng aming mga diskusyon hinggil sa “The God Stealer” sa aming klase sa panitikan ng Filipinas noong kolehiyo. Ilan kayâ sa mga kaklase ko, o mga Tomasino, ang nagluluksa sa kaniya?
Hindi ko rin maalala ang unang pagkakataon na nakita ko siya nang personal. Parang nandoon na talaga siya simula pa lang ng panahon sa kalye ng Padre Faura. Bago pa ang koryente at imprenta at kulay sa daigdig. Nakadalo rin ako sa ilang ganap sa itaas ng bookstore at tuwing lilingon ka sa likod ay naroon nga siya at nakaupo samantalang nása harap naman ang puting busto niyang yari ni Julie Lluch. Double Frankie vision.
Hanggang sa mga nagdaang taon, naging parokyano kami ng Solidaridad dahil ito lang yata ang bookstore na hindi isang hanay lámang ang mga aklat na gawa ng mga Filipino. Parang sinasabi ng tindahan na laging may puwang ang mga gawa natin higit sa lahat. Nitóng Disyembre 2021, nakita ko pang pumasok nang naka-wheelchair si Manong Frankie. Tapos sa labas ng Faura, sa loob ng isang van, nakita ko ang kaniyang kabiyak na si Ma’am Tessie at
may katabing bilao ng palabok, nakangiti habang pinagmamasdan ang kaniyang asawa.
Nagkaroon din kami ng mahabang usapan dito. Pinag-usapan namin ang wikang pambansa (naniniwala siya rito) pati na ang paglilimbag rito. Marami siyang ibinahagi hinggil sa intelektuwalisasyon ng wika na ginawa ng Japan at isinasakatuparan na ng Indonesia. Pero ito talaga ang pinakapanalong palitan nang tanungin niya ang minamahal na si T.:
FSJ: Tagasaan ka, iha?
T: Cagayan po.
FSJ: A, Ilokano ka pala
T: Itawit po
FSJ: Ilokano rin ’yun.
[At saglit tumilaok ang manok ni Lam-ang]
Tapos, dalawang Lunes lámang ang nagdaan ay binasa ko nang nananabik ang kolum niya sa Star. Nananabik dahil ito na naman siya. Ano na naman kayâ ang sasabihin niya? Laging may halong gigil kapag binabasa talaga si FSJ. Epektibo ibig sabihin? Nabanggit na roon ang angioplasty ngunit hindi ko inakala na ito na palá ang hulí niya bago ang pahabol na kolum hinggil sa Rosales nitóng nagdaang Lunes.
Hindi alam ni Manong Frankie ang pangalan ko. Isa lámang akong mambabasá na patuloy na magbabasá at susulat rin. Hindi ako nagbabasá upang humanga lámang kundi para mangilatis at manimbang na rin. Gusto kong paniwalaan na nagsumikap siyang maging Filipino. Na nag-Filipino siya sa puso kahit Ingles at Ilokano pa ang kaniyang mga pangunahing wika. May panahon pa siguro ako para muling basahín siya at ang iba pa. May Solidaridad pa sana kapag 96 na ako.—Roy Rene S. Cagalingan