
Muli na namang nawili ang bansa sa koronasyon ng ika-70 Miss Universe noong 13 Disyembre 2021. Bagaman hindi nasungkit ng pambato ng Filipinas na si Beatrice Luigi Gomez ang pinakainaasam na korona, samot-saring balita at suporta ang ating mababasa sa social media sites: hindi biro umano na makapasok muli ang Filipinas sa Top 5; ginawa ni Bea Gomez ang lahat ng kaniyang makakaya; at ang Filipinas ang may pinakamahabang streak ng semifinalist candidates sa kasaysayan ng timpalak.
Sa isang bansang uminog ang taon sa serye ng lockdown, papalit-palit na mukha ng eskandalo’t sensational na mga personalidad, at malateleseryeng pakulo ng mga politiko (and the plot thickens and thickens lalo’t malapit nang mag-eleksiyon), panibagong paraan ng pampakapal sa hibla ng naratibo ng pandemya ang pagsubaybay sa ating kandidata mula sa kaniyang pagkakapanalo sa pambansang timpalak, sa kaniyang paghahanda, at sa mismong pagrampa niya sa Miss U stage.
Sa nakaraang dalawang linggo, highlight ang kaniyang kasuotan at performance sa bawat bahagi ng timpalak. Simula preliminaries pa lámang, hindi nagpahulí si Gomez at isa sa top picks ng iba’t ibang grupong sumusubaybay sa Miss U. Bumaha ang papuri sa social media hinggil sa kaniyang bakunawa costume na ginawa ng tanyag na mga tagadisenyong sina Axel Que ng Cebu at Manny Halasan ng Bulacan. Pinamagatang Bakunawa Final Form: The Golden Lunar Dragon, ninais ng mga tagadisenyo na ipakita ang imahen ng bakunawa matapos lamunin ang buwan.
Kahanga-hangang hango sa popular na mitolohikong nilalang ang costume na itinanghal sa Miss U. Sa nakaraang limang taon, iba-iba ang naging konsepto ang isinuot–o binuhat at hinila pa nga–ng ating mga kandidata sa Miss U: coral na may perlas bílang korona (2016), ginintuang sarimanok (2017), body suit na may tato a la pintado, parol bílang “pakpak,” at mga aksesoryang gámit ng mga katutubo sa Mindanao (2018), banoy (2019), at pakpak sa kulay ng pambansang watawat (2019).
Nagbago na ang pagpapakahulugan sa national costume. Sa simpleng pagkakaunawa, ang costume ay ang set ng kasuotan na isinusuot sa isang partikular na grupo o panahon. Ang trend ng pagbabandera, pabonggahan ng konsepto, at pagpapamalas ng mayamang kultura ng mga bansa ay hindi lámang ginagawa ng Filipinas sa Miss U stage kundi ng ibang bansa na rin. (Noong 2017 nga, pinili ni Miss U Malaysia na itanghal ang Nasi Lemak bílang kaniyang national costume at noong 2020 isang kampung ang national costume ng kanila ring kandidata.) May ilan pa rin namang nanatili sa konsepto ng kasuotang bestida at inadornohan ng mga simbolo ng kanilang bansa: madalas ay bulaklak, kulay, o mga padron (pattern).
Sa anumang pandaigdigang timpalak marahil, maitatanong palagi kung ano ang maipagmamalaki ng isang bansa. At pangunahin sa bawat kandidata at tagadisenyo ang layuning maging angat upang mapusuan ng mga manonood at ng mga hurado. Kayâ iba-iba ang interpretasyon ng mga tagadisenyo sa pambansang simbolo. Gayon din, paramihan ng adornong nagkikintaban at nagkikislapan ang kanilang mga nililikha. Ang lagi’t laging tanong: Paano maiiwan sa isip ng daigdig ang imahen ng ating kandidata?
Ngunit ang kinakailangang karugtong na tanong: Ang nililikha bang kasuotan ay para sa isang payaso o sa isang paraluman?–Maria Christina Pangan