Mulang Alimuom 36: Mga Nakaw na Salita

Ynterior de una casa de tabla y caña y un reunion de Panguingu ni José Honorato Lozano

Ngayon at nangangampanya na ang mga politiko, angkop na pagkakataon ito upang makilala natin ang mga gawi ng magnanakaw. Alam naman natin ang gawain ng magnanakaw: kumukuha siya ng mga bagay na hindi kaniya. Nagkakamal siya ng kayamanan (sa kaso ng mga politiko, kaban ito ng bayan) ng ibang tao at ginagamit upang matiyak ang kaniyang pananatili sa puwesto upang makapagnakaw pa nang makapagnakaw. At sa mga nakikita natin ngayon, hindi naman natin kailangang maglinis pa ng mata upang makita kung paano nagkakampihan ang mga magnanakaw upang ganoon nga, makapagnakaw pa ang kani-kanilang mga pamilya.

Napakaraming lahok (sa hulíng talâ ko, higit 100) para sa “nakaw” sa Vocabulario de la lengua tagala (1860). May magnanakaw naman talaga sa bawat lipunan. Posible lámang na nag-iiba ang pananaw sa kanila batay sa pagbabago dulot ng pananakop pati na ng politika.

Ating tunghayan ang mga salita bago pa ito manakaw.

Tiyak na makatutulong sa atin ang pagkilala sa kilos o gawi ng magnanakaw. Nariyan ang alígig na tumutukoy sa paningin ng isang táong magnanakaw. Malamang nabubuo na rin sa isip ang hitsura ng isang táong nagnanakaw. Galaw nang galaw ang mata at mahirap makita ang pagiging sinsero. Mainam na gawin natin itong pagsusulit tuwing nanonood ng mga interbiyu ng mga kandidato.

Isa pang salitang partikular sa pagnanakaw ang kapâ. May kasabihan na táyong “nangangapa sa dilim,” ngunit partikular din ito sa ginagawang paghagilap ng isang tao sa dilim matapos niyang magnakaw. Puwede rin natin itong gamitin sa ginagawang pagkapâ sa mga wastong paliwanag ng mga politiko tuwing tinatanong sila tungkol sa mga ninakaw ng pamilya nila.

Ano naman ang masasabi ng isang bayan na nahalíhaw? Kapag nanakawan táyo sa harap natin? Isang di katanggap-tanggap na pangyayari ito para sa taumbayan kung nakawan na nga táyo ay pumapayag pa rin táyo na maluklok ang nagnakaw sa atin. Tunay na kahibangan. Bakâ may mahiwagang kasangkapan ang mga magnanakaw, ang tinatawag na balíbol, upang mapalimot táyo sa kawalang-hiyaang ginawa nila sa atin. Sa Filipinas ngayon, nagagawa ito gámit ang pagbaluktot sa kasaysayan, troll accounts, at mga huwad na advertisement. 

Kaugnay rin ng ibang kabuktutan ang pagiging magnanakaw. Sinasabi nga natin na “ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.” Nakikita sa pagiging libawà ng mga magnanakaw ang paghahangad na makamit ang isang bagay (hal. ang pagiging pangulo) sa pamamagitan ng pandaraya. Lolokohin nila ang taumbayan sa mga dáting kaunlarang tinamasa raw nila sa kanilang pamumuno. Dadayain nila ang gunita o kakayahang gumunita ng bayan upang maipalit rito ang huwad na pagsamba sa tatawagin nating kulto ng nagdaang kadakilaan. Tapos, kapag natalo naman sila ay sasabihin nilang sila ang dinaya.

Sa ating lipunan, magkakamag-anak ang magnanakaw at nagiging magkapamilya pa sila dahil sa estratehiya ng kasal. Ngunit sa batayang antas nitó, nagnanakaw o magnanakaw pa ang isang anak batay sa bitáng. Maaari nating pagdukalan ng pilosopiya ng pagnanakaw ang salitang ito: ipinapása sa iba ang anumang nakaw na yaman. Ginagawa ito madalas ng anak para sa kaniyang ama. Ang limpak-limpak na salapi at ano-ano pang manipestasyon ng pagkaganid ay ipinapása sa anak upang mapangalagaan niya ang kanilang ninakaw. Sa mundo ng mga baluktot, huwarang anak ang nagtutuloy sa pagnanakaw ng ama.

Wala na ba táyong magagawa sa pananaig ng mga tiwali at ganid sa ating lipunan? Nagsisimula na táyo sa pagsugpo sa kanila sa pagkilala sa mga salita na dapat tapatan rin ng pagkilos. Bakâ may mapulot táyo sa mga sinaunang pamahiin tulad ng pagbibiláwo. Dito, naglalagay ng gunting ang mga sinaunang Tagalog sa isang salaan upang matukoy kung sino ang nagnakaw. Bakâ kapag ginawa ito ay kusang mangalawang at pumurol ang gunting sa dami ng mga magnanakaw sa harap natin. Isa pang pahabol na gawain ang pagtigì o paglublob ng mga kamay sa mainit na tubig upang patunayan ang pagkakasala sa pagnanakaw. Ang tubig na sumasagisag sa kakayahang maglinis ng katawan ay siya ring kinakasangkapan sa init nito upang mapalitaw ang mga nagkakasala. Kayâ ilabas na ang mga palanggana at mag-init na ng tubig. Sabay-sabay nating kilalanin pa ang mga magnanakaw.—Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: