
Kuha ni Irvin Arénas
Sa darating na ika-158 kaarawan ni Andres Bonifacio sa 30 Nobyembre 2021, tiyak na maririnig natin ang sanlaksang pagsambit ng ating mga politiko sa ganitong paraan:
Gawa nga ng sinabi ng ating dakilang bayaning si Gat Andres Bonifacio: Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya / sa pagkadalisay at pagkadakila / gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
Tapos isusunod na ang kanilang mga layuning pampolitika dahil nga eleksiyon. Para lámang sa panimula ang pasipi sa “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” ng ating Supremo. Kung may magtatanong siguro mula sa madla kung maipaliliwanag man lámang ang unang saknong na ito hinggil sa pag-ibig na sa bayan, bakâ pagpawisan ang nagsasalitang politiko. Aasa pa ba táyo na may mabibigkas man lámang siya (o maibubulong ng scriptwriter niya) sa iba pang 27 saknong ng tula? Parang ang tiyak na sagot ay wala na nga, wala.
Tatawagin natin itong Aling-Pag-Ibig-Pa complex. Sakit ito na pumapatungkol sa mababaw nating kakayahang gunitain ang mga sinabi at sinulat ng ating mga bayani. Karamdaman itong nakatuon lámang sa mga pambungad, sa mga madalian at madaling pagsambit upang masabi na may pagpapahalaga táyo sa mga nagawa ng huwarang anak ng Filipinas. Hindi lámang mga politiko ang mayroon nitó kundi táyong mga Filipino.
Maraming salik ang mababaw na gunitang ito. Nariyan na ang ating mahabang pagdanas ng pananakop, ang pag-alpas mula sa pagiging sákop, at ang sinasabing maling edukasyon (miseducation) ni Renato Constantino. Marami pa táyong maitatalâ rito na iba pang mga puwersang patuloy na nagpapalimot sa atin at patuloy na nililinang ang Aling-Pag-ibig-Pa complex sa ating isip at haraya.
Mas mainam na makapagbigay táyo ng paraan upang maibsan ang karamdamang ito. At napakasimple at diretso nitó: dapat lámang nating basahin muli’t muli ang mga akda ng ating bayani.
Gamitin nating halimbawa ang tula ni Bonifacio. Bago ang maikling paghahandog ng mga pagbása sa ilang saknong, mahalagang makilala si Bonifacio bílang isang mahalagang makatang Filipino hindi lámang sa panahon ng Himagsikang 1896. Isa siyang rebolusyonaryong makatang kinasangkapan ang tula at katutubong wika sa mga rebolusyonaryo’t mapagpalayang hangarin.
At ano ang rebolusyong ito? Rebolusyon ito ng pag-ibig.
Pag-ibig ito sa bayan na inihahanay niya sa iba pang sagradong gawain. Pagdama ito ng pag-ibig sa bayan na walang pinipili kung sino ang sasalakayin. Walang pag-uuri, sa halip nagbubuklod. Sa saknong 3 ng tula masasalat ang ginagawang pagtutulay ni Bonifacio sa hinahangaang subersibong Balagtas:
Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbis at táong gubat, maralita’t
mangmang nagiging dakila at iginagalang.
Dahil bukás at yumayakap sa lahat, ang pag-ibig na ito ay nag-uudyok rin upang gumawa ang tao ng mga dakilang bagay. Ating ituring bílang panawagan ang saknong 4 para sa mga manlilikha at manggagawa na maghandog ng kanilang husay at haraya sa iniingatang dangal ng bayan:
Pagpupuring lubos ang palaging hangad
Sa bayan ng táong may dangal na ingat,
Umawit, tumula, kumanta’t sumulat,
Kalakhan din niya’y isinisiwalat.
Bakit kailangang gawin ito? Dahil patuloy pa nating nililikha ang bayan. Nagpapatuloy ang rebolusyon ni Bonifacio sa ating patuloy na paglikha sa pinangarap na bayan ng ating mga bayani. Nagtutuloy ito sa bawat pagbása natin ng kaniyang tula at pagsariwa sa mapaghimagsik na kapangyarihan ng pag-ibig sa kapuwa at bayan.
Kailangan din nating tandaan na hindi lámang mga Tagalog ang kinakausap ni Bonifacio sa kaniyang tula. Marapat na palawakin pa ang konsepto niya ng bayang Tagalog tungo sa Filipinas na binubuo ng iba’t ibang mga pangkat ng anak ng bayan. Hanggang ngayon, gampanin din ng isang anak ng bayan ang pagbubuklod ng kaniyang Filipinas na patuloy na winawatak ng rehiyonalismo at pagsandig sa banyagang kaisipan. Kailangan natin itong gawin sa ngalan ng ating dangal, sa dangal na hinahanap at dugong sinisingil sa saknong 22 ni Bonifacio:
Nasaan ang dangal ng mga Tagalog
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
bayan ay inaapi bakit di kumikilos?
at natitilihang ito’y mapanood.
Panimula pa lámang itong pagbása sa ilang saknong ni Bonifacio. Asahan pa ang mga pagninilay sa hinaharap sa tula niya at sa iba pang akda ng ating mga huwarang bayani sa espasyong ito. Sa ating pagpuksa sa ating Aling-Pag-ibig-pa complex ay mas may masasabi na táyo hinggil sa pagiging bayani ng ating mga bayaning manunulat tulad nina Bonifacio, Emilio Jacinto, Antonio Luna, Apolinario Mabini, José Rizal, Balagtas, at iba pa. Iba pang sakit ang kathang bayani o yaong walang maikabit na likha ng haraya man lámang.—Roy Rene S. Cagalingan