Mulang Alimuom 34: Si Yuka Saso at Tudbulúl

Retrato mula sa rappler.com

Lumabas ang balita kamakailan hinggil sa pagpili ng golfer na si Yuka Saso na maging mamamayan ng Japan sa halip na Filipinas. Isang malungkot na balita ngunit kailangang tingnan din ang dahilan. Mas maraming pagkakataon ang naghihintay kay Saso kasama na ang tangkilik ng bansang Japan sa kaniyang karera bílang golfer. Kailangan na lámang nating mapanatag sa kaniyang sinabi na mananatili siyang Filipino sa puso.

Nakalulungkot pa rin sa mga pagkakataong ito na hindi táyo, hindi Filipinas, ang pinipili. Kailangang galangin ang personal at estratehikong desisyon ni Saso, ngunit may pagkakataon táyo ngayon para pagnilayan ang kaniyang halimbawa sa tulong ng ating mga epiko. Kukuha táyo ng lakas mula sa isa sa binanggit na katangian ng epiko ayon sa antropologong si E. Arsenio Manuel. Ito ang katangian ng epiko na:

may layuning seryo sa pagtitipon o pagpapatibay ng mga kapaniwalaan, mga kaugalian, mga mithi, o mga halagáhan sa búhay ng sambayan1.

Para rito, hahanguin natin ang ikinikintal ng pagluwal kay Tudbulúl. Si Tudbulul ang bayaning tagapagtanggol ng Lemlúnay mula sa epiko ng mga Tibóli ng Timog Cotabato. Makikita sa mga salaysay ang salimuot na sinuong at paghihintay, partikular ng kaniyang amang si Kemokul, sa pagdating ng kaniyang anak na lalaki. Mga panahon kasi ito ng paghihirap at pangamba sa kanilang bayan kayâ ang pagkakaroon ng mandirigmang anak ang magiging katubusan nila.

Magtutuon táyo sa mismong paglabas ni Tudbulul. Maituturing din itong mahimalang pagsilang kahanay ng ibang kagila-gilalas na pagsilang at paglaki ng ibang bayani sa ating mga epiko. Pansinin ang mga kasamang gámit na iluluwal ng ina niyang si Lenkonul:

Ang bágong-silang na ito
ay magiging dakila.
Unang lumabas ang sombrero.
Sumunod ang kalasag
At lahat ng kaniyang ari-arian.
Mamahaling agung,
Kabayong tumatakbo
sa loob ng bundok2.

Hindi sapat na isinilang lámang ang bayani. At kailangan ding pagpugayan si Lenkonul sa kaniyang katatagan sa kakaibang pagsilang na ito. Lumabas si Tudbulúl sa daigdig kasama ang mga bagay na kakailanganin niya para sa kaniyang gampanin. Nariyan ang sombrero na magsisilbing pananggalang sa mga elemento para sa kaniyang mga paglalakbay. Ang kalasag na sumasagisag sa kaniyang pagtatanggol at kakakayang depensahan ang sarili sa mga kaaway. May agung na nagagamit sa mga ritwal at kasangkapan para sa pagbubuklod ng tao. At ang tunay na mahimalang kabayo na mahalagang katuwang sa paglalakbay.

Makikita natin na tila ipinanganak si Tudbulúl na kompleto na ang kasangkapan para magtagumpay. Kasama na rito ang gagawing paglinang sa kaniya ng komunidad sa paglaki. Mapalad ang ganitong bayani at mas mapalad ang bayang may bayani na hindi sasayangin ang mga kasangkapang nása kaniyang mga kamay. Sa ating epiko, isa lámang ang bayang paglilingkuran.

Hindi naging ganito ang kaso ni Yuka. Hindi naman siya isinilang na may golf club, caddy, sombrerong pang-golf, at iba pa. Sa halip, kinuha niya ang mga ito habang lumalaki at nilinang ang kakayahan habang nakatapak sa dalawang magkaibang lupa. Ang tiyaga sa paglinang na ito ang nagbunga sa kaniyang tagumpay sa piniling larang. At ngayong humantong na siya sa pagpili, ang kaniyang galíng, talino, at mga mahimalang kasangkapan ay maipaglilingkod sa ibang bayan. Mahirap sabihin na panandaliang bayani lámang natin si Saso, ngunit marami talagang salik dito. Kailangang unawain, kailangang tanggapin. Hangarín pa rin natin ang tagumpay niya bilang kababayan. Ano’t anuman, kasama rin sa dahilan ng paglisan ng mga bayani ang kawalan ng tangkilik sa sariling bayan. Huwag sanang dumating ang araw na kailangan na natin mag-angkat o manghiram dahil wala na táyong mailuwal na bayani, sa normal o mahimalang paraan man.—Roy Rene S. Cagalingan 


1 E. Arsenio Manuel, Ang Epikong Bayan at Iba Pang Aralíng Folklore (Lungsod Maynila: KWF Aklat ng Bayan), p. 112
2 Damiana Eugenio, The Epics (Lungsod Quezon: The University of the Philippines Press), p. 750

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: