
Napapansin na natin malamang ang pagiging tanggap at laganap ng Halloween sa nagdaang dekada. Inaabangan ito hindi lámang ng mga bata kundi ng matatanda’t nakaririwasa upang itanghal ang kanilang kakayahang magbalatkayo anuman ang kaakibat na halaga. Hindi ba natin nahahalata na ang mga mismong “influencer” at ang kulturang celebrity ang nagtataguyod at nagpapalaganap pa lalo nitó sa madla? Marahil hindi na rin nalalayo ang posibilidad na maging mas tanggap holiday ito sa hanay ng mga bakasyong walang kinalaman sa ating pananampalataya.
Kailangan muna nating maugat ang Halloween na nag-uugat na rin sa ating kultura.
Mas kilala siguro natin ang Boston Celtics kaysa tradisyong Celtic na may kaugnayan sa “Halloween” na kontraksiyon ng “All Hallow’s Eve.” Sa pistang Samhain1 ng sinaunang Celts, pinaniniwalaan nila na tuwing unang araw ng Nobyembre ay nalalantad ang daigdig ng kanilang mga diyos sa daigdig. Dumadalaw ang mga espiritu ng yumao at nagsusuot ng mga maskara ang nabubuhay upang hindi sila makilala ng mga ito. Isa itong panahong mahiwaga at kagila-gilalas na masasabing paunang bersiyon ng Halloween.
Magdaraan sa mga pagbabago ang pagdiriwang2 na ito ng mga Celtskaugnay ng pagsakop sa kanila ng mga Romano pati na ang imposisyon ng relihiyon. Makikita ito sa ginawang “pagpapalimot” sa tradisyong ito sa pagtatakda ng Todos Los Santos ni Pope Boniface IV (550–615 AD) tuwing 1 Nobyembre. Ngunit mataas ang posibilidad na manatili ang isinasapusong tradisyon at patuloy na makakasama ito ng lahi anuman ang gawing pagsikil rito. Masasabi nating matagumpay na lumundag ang tradisyong ito sa migrasyon ng mga Irish sa America at nagpatuloy ang pagsasagawa nitó hanggang sa kasalukuyan.
At sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang dalawang mahalagang bahagi: isinasagawa ito bago ang 1 Nobyembre at kinakailangan ang pagsusuot ng maskara o pagganap bílang kagila-gilalas na nilalang. Nagbabago lámang ang nilalaman sa patuloy na daloy ng popular na kulturang ipinalalaganap ng America at pati na ang impluwensiya ng ibang kultura (halimbawa ang laganap ngayong Squid Game ng South Korea). At ito ang naangkat sa ating tradisyon dahil na rin sa ating relasyon sa dáting mananakop, isang inangkat na Amerikanisadong tradisyon.
Ang tradisyong ito ay nagtatampok sa mga produktong Americano at halos lahat ay mula sa kanilang mga pelikula, komiks, at kulto ng artista. Tila hindi táyo mauubusan ng mga aangkating karakter sa kanilang pelikula at komiks mula sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan. At sa takbo ng pagbibigay-aliw ngayon, magtutuloy ang dinamikong ugnayan ng komiks at pelikula sa paghahatid sa atin ng ligaya. Pansinin rin kung paano “humihiram” ang mga Americano sa kultura ng iba upang maging sariling sining nila. Hinggil naman sa kulto ng artista, kasama rin ito sa laganap ngayong kulturang influencer at patuloy na pagpapaniwala sa atin sa mga nilulunggating pamumuhay, sa lifestyle sabi nga nila.
Ngunit ano ang kaugnayan nitó sa pagiging naturalisado ng ating Halloween? Hindi maitatago ng anumang pintura o maskara ng anumang banyangang superhero ang katotohanan na mga Filipino pa rin ang nagsasagawa nitó. Matapos ang mga party, virtuwal o pisikal man, hindi pa rin maitatanggi na táyo ang lumalahok at umaangkin dito.
Sana lámang sa pag-angkin ay mas nagiging maláy táyo sa ating inaangkin. Marahil ang inaangkin nating Halloween ay pagkakataon para maitanghal natin ang sarili nating kagila-gilalas na mga nilalang at bayani. Na sa halip kina Thor, Captain America, at Wonder Woman ay maitatampok natin sina Lam-ang, Matabagka, at Tudbulul. At sa halip na magbihis bílang Dracula, Werewolf, at Frankenstein ay mahamon ang kakayahan nating maging sigbin, tiyanak, aswang, at iba pa. Dapat pa nating palalimin ang pag-angkin natin sa mga inangkat na tradisyon at isaloob ang kakayahang takutin ang mga sarili.—Roy Rene S. Cagalingan
TALABABÂ
1“Samhain.” Encyclopædia Britannica. Encyclopædia Britannica, inc. 1 Nobyembre 2021. https://www.britannica.com/topic/Samhain.
2“Halloween.” Encyclopædia Britannica. Encyclopædia Britannica, inc. 1 Nobyembre 2021. https://www.britannica.com/topic/Halloween.