
“Gratitude is black—
Black as a hero returning from war to a country that banked on his death. Thank God. It can’t get much darker than that.”
Tatlong-kapat ng isang dantaon mula nang lumaya tayo sa pananakop ng mga dayuhan—ng mga Kano at mga Hapones—at mahirap nang unawain ang uri ng makalahing hidwaang nakatahi sa diwa ng koleksiyong “The Tradition” ni Jericho Brown. Bilang kayumangging mamamayan ng Third World, nasisilip ko siyempre paminsan-minsan ang gayong pagkadusta—sa pangingikil, halimbawa, ng mga taxista sa Beijing, o kaya sa ismid ng mga Tsinong palaboy-laboy sa Pasay—subalit lagi akong nakauuwing kampante dahil alam kong bansa ko pa ang bansa ko. Walang gayong luwag ang Afroamerikano. Sa laki ng papel ng Amerika sa espasyong kultural ng F/Pilipinas, hindi mahirap makiramay sa paniniil na iniinda ng mga Afroamerikano sa Amerika, lalo’t may bagong kasaysayan din tayo ngayon ng kalupitan ng kapulisan na binubuno. Sa tulang The Tradition, halimbawa, kung saan nagpapangalan ang may-akda ng mga biktima ng makalahing karahasan ay naalaala ko sina Kian delos Santos, Carl Arnaiz, at Winston Ragos.
Hindi naratibo ng isang dakilang lumipas ang tinutukoy na tradisyon ng koleksiyon, kundi isang tradisyon ng dahas. Karahasang tinatanggap at inilalatay, karahasang minana at ipinamamana. May malinaw na posisyon ang lahat ng personang nagsasalita sa mga tula: na ang pagmamalupit ay bagay ding pinagpapasa-pasahan lang. Pinakamalinaw ito sa tulang “A Young Man” na ihinihinga ang agam-agam ng isang ama na hindi matatakasan ng kanyang anak ang minana niyang tradisyon:
In him lives my black anger made red,
They play. He is not yet incarcerated.
Ano pa, para sa kahit sinong babád sa pagmamalupit, ang anumang pagkakait ng pananakit ay maitututring nang biyaya, kundi man ay lambing. Sa “Of My Fury”:
One joy in it is
Understanding he can hurt me
But won’t
Walang hiyaw at walang pagtangis ang “The Tradition.” Mabigat man ang mga pinapaksa at may malalim na pagdaramdam ay tahimik ang karamihan ng tula. May kalatis ng malalim na hapo sa mundong manhid sa pagdurusa gaano man ito kalantad. Aniya sa tulang Night Shift
When I am touched, brushed, and measured, I think of myself / as a painting.
Napakalinaw ng kontemporaneong simbuyo ng mga tula. Gayunman, binabangga rin ng koleksiyon ang mga mito at alamat, ang mga kuwentong ipinamamana na tinatanggap at pinalalampas ang paglatay ng dahas. Sa mismong pambungad na tula ng libro, “Ganymede,” pinaglilimian ng persona ang panggagahasa at ang ugat ng pag-iwas ng tingin sa kalupitan. Giit dito ni Brown:
The people of my country believe
We can’t be hurt if we can be bought.
Sa kabuoan nito, magilas na napagtitiyap ni Brown sa koleksiyon ang mga hulagway ng mga alamat, ng kasaysayan ng pagkaalipin ng mga Itim, at ng kaakibat nitong “maliliit” na trahedya—romantiko, personal, at pampamilya. Nakatutuksong isipin na walang pag-asang natatanaw ang makata at nakatadhanang makulong sa samsara ng pagdurusa ang lahat ng táong lumaki sa isang tradisyon ng pagkaalipin, subalit sa kabila ng lahat ng hapis na pasan ng mga tula, may naaaninag pa ring liwanag ang aklat. Sa kabila ng pagdurusa, may puwang pa rin ang pag-ibig. Aniya sa “Duplex (III)”: “In the dream where I am an island, I grow green with hope. I’d like to end there.”
Kung papangarapin natin ang katapusan ng dahas, marahil nga, hindi pa hulí ang lahat.
“The Tradition” ni Jericho Brown (Copper Canyon Press, 2019) 9/10
Mga Paborito Kong Tula sa Koleksiyon:
1. Ganymede (***)
2. The Microscopes
3. The Tradition
4. Hero (***)
5. Foreday in the Morning
6. Bullet Points
7. A Young Man (***)
8. Night Shift
9. Shovel
10. The Long Way (***)
11. Of the Swan
12. Duplex III (***)
13. Of My Fury (***)
14. Stay (***)
15. A.D. (***)
16. Duplex IV (***)
Ribyu ni Ralph Lorenz G. Fonte