
José Honorato Lozano
Sa patuloy na pag-unawa sa kapangyarihan, napasilip ako sa Proverbs (2002) ni Damiana L. Eugenio at nakita sa “powerful” ang nag-iisang lahok para rito mula sa mga Ibanag:
Ta gagange malalaki
Dumddan y manaki
(Ang tunay na makapangyarihan,
Yumuyuko ang sinuman.)
Una, hindi ibig sabihin na ito lámang ang ating salawikain para sa kapangyarihan. Tandaan na isang patuluyang proyekto ang pagtitipon ni Eugenio ng mga piraso ng ating panitikang-bayan. Ang hámon rito ay madagdagan pa ito sa hinaharap.
Balik sa salawikain. Atin itong bigyan ng pagbása upang madukal ang nais ipaunawa sa atin nitó. Dahil hindi tulad ng bugtong na isa lámang ang sagot, nása panganganak ng iba’t ibang pagbása at aral ang isang salawikain.
Una, mauugat natin ang pagpapakahulugan ng mga Ibanag sa tunay na kapangyarihan. Ito rin ba ang natalakay na natin dati hinggil sa kakayahan na makapangyari at makaimpluwensiya ng isang tao? Ikalawa, ang kapangyarihang ito ay naipamamalas sa pagtugon sa pamamagitan ng pagyuko. Pumapatungkol naman ito sa paggalang sa isang nása kapangyarihan. Kinikilala ng mga yumuyuko ang isang nása kapangyarihan. Dagdag pala: mainam din na mailugar ito sa hinaharap sa konteksto ng lipunang Ibanag na pangunahing matatagpuan sa Lambak ng Cagayan at Isabela.
Pero bakit nga ba táyo yumuyuko?
Nabanggit na kanina ang paggalang. Hudyat ang pagyuko na walang masamang kilos na gagawin habang nagdadaan ang makapangyarihan. Ang pagtingin rin sa lupa ay posibleng mabása bílang hindi ako karapat-dapat tumingin sa iyo. Nakikita natin rito ang pagkilala sa nása kapangyarihan at pagtanggap sa orden sa lipunan. Naroon sila at narito táyo. Mayrooong nása kapangyarihan at mayroong nasasakupan.
Sa kabilang banda, pagkatanggap din sa pagkatalo ang pagyuko. Yumuyuko táyo dahil nakatikim táyo ng kasawian sa halip na tagumpay. Kung tutuusin, sa laro ng kapangyarihan, maaari rin nating makita na ang pagyuko sa nása kapangyarihan ay pagpaparamdam ng posibleng pagkabigo sa isang labanan o sa mismong tangka sa kapangyarihan.
Pero sa mga panahon natin, dapat pa rin ba táyong yumuko sa mga nása kapangyarihan? Walang problema kung paggalang ito sa mga tunay na mararangal pinuno. At hindi lamang isang direksiyon ang pagyuko dahil may mga mabubuting pinuno rin na yumuyuko pabalik bílang pagkilala sa ipinahiram na kapangyarihan sa kanila. Tandaan: pahalagahan natin ang mga pinunong marunong yumuko, silang marunong magpakumbaba.
At mayroon naman táyong mga pinuno na lalong yumayabang at napapalagay sa pagyuko sa kanila ng taumbayan. Ang tákot ng mga yumuyuko ang nagsisilbing patunay sa kanila na hawak nila ang kapangyarihan. Sa kanila, napakagandang tanawin ng mga buhok at bumbunan. Kapag nakatitig ang lahat sa lupa, maaaring gawin ang iba’t ibang kawalang-hiyaan ng mga nasa kapangyarihan. Ngunit kapag nakilala natin ang huwad sa tunay na makapangyayari, ang mga peste sa mga wagas na nakapangyayari ng ginhawa ng bayan, ating ipapantay ang mga mata sa kanila. Kukunin natin sila sa tingin.—Roy Rene S. Cagalingan