
Apat na beses lámang babanggitin ang salitang “kapangyarihan” sa awit na “Kapangyarihan” ng Ben&Ben at SB19. Sapat na pagkakataon para mapaglimian natin ang nais at ibig sabihin sa atin ng mga musikero hinggil sa salita. Awitin itong hindi lámang para mang-aliw at magdudulot sa atin ng pagkakataong kumawala sa mga realidad ng lipunan. Sa halip, inuudyok tayo nitó na harapin ang mga ginagawang paglalaro at pangwawalang-hiya sa kapangyarihan.
Bago dumako sa pagdalumat sa kapangyarihan, nais ko ring banggitin ang tatlong paboritong bahagi sa awit. Una, ang tapang sa pahayag ng koro sa pagtatanong kung sino ba talaga ang mayhawak ng kapangyarihan. Ikalawa, ang pagpupugay sa makabayang makata na si Jose Corazon de Jesus sa pagpapaalpas ng imahen ng “ibon mang may layang lumipad” na mula sa tula niyang “Bayan Ko.” At panghulí, ang pasigaw na tinig sa hulíng bahagi na nakikipaghalinhinan sa sabayang “nagsisilbi ka dapat.” Kung ating bubuoin: “katotohanan ang dapat mamuno sa namumuno sa mamamayan. Makatarungan ang dapat mamuno sa namumuno sa mamamayan.”
Nakakapangilabot pa rin.
Isama na rin dito ang pagdidiin na hindi magwawagi habambuhay ang kadiliman dahil gagapiin din ito ng liwanag ng katotohanan. Saanman sila naroon, sa dakilang pook ng mga bayaning Filipino, tiyak na napapangiti sina Emilio Jacinto at Andres Bonifacio sa pag-uugnay na ito sa kanilang isinulong na halagahang Katipunero, lalo na ang ukol sa liwanag at dilim.
Atin nang lugarin ang kapangyarihan
Sa Pambansang Diksiyonaryo sa Filipino (2021), ilalatag natin ang dalawang kahulugan nitó sa kasalukuyan:
- lakas: gahúm, laláng, power
- Pol ang kakayahan o kapasidad na patnubayan o impluwensiyahan ang kilos at isip ng iba o ang takbo ng mga pangyayari.
Ilalapag din natin ang kayarian nitó na [ka+pang+yári+han] upang makatutok sa salitang-ugat nitó na “yári.” At muli, batay sa sinangguning diksiyonaryo sa itaas, lilitaw ang malumay na “yári” bílang:
- ugat ng kapangyarihan
- ugat ng pangyayari.
Aakalain natin na mula sa “yarî” (pang-uri para sa tapós) o “yarì” (paraan ng pagkakagawa) ang kapangyarihan ngunit may salita pa lang “yári” na pumapatungkol sa pag-uugat, sa pinagmumulan ng kapangyarihan at pangyayari. Tiyak na may pag-uugnay ito sa “pangyayari” dahil “yári” rin ang salitang-ugat nitó. Sa pag-uugnay, mapalilitaw natin na ang táong mayroong kapangyarihan ay siyang may kakayahang magdulot ng mga pangyayari.
Ngunit ang mahiwaga, wala ang ganitong pakahulugan sa “yári” sa limang lahok ng “yari” sa Vocabulario dela lengua tagala (1754). May tungkol sa pahintulot (yarî), panghalip (yarî), pagtapos ng usapan o kasunduan (yarì), natapos na gawain (yarì), at mahusay na pag-usbong ng tanim (yarì).
Mailalapit natin marahil ang ugat ng kapangyarihan sa kakayahang magpatapos ng isang gawain, usapan o kasunduan na kapuwa malumì ang bigkas sa Vocabulario. Ngunit kung táyo ay lulundag, makikita sa Tesawro ni Panganiban (1972) ang ganitong pagpapakahulugan na sa “yári”:
(yari)1—Kapangyarihan n. Bk. Tg. power. Syn. podér.—Kpm. kapalyarihan, kayupayan; Hlg. gahum; Ilk. sarikedked, karkarma; Ind. Mal. Ar. kuasa; Mar. paar; Png. yari; Sb. gahúm.
Nangyari na inako na ng “yari” ang pakahulugan sa kapangyarihan. Ganito rin ang mangyayari sa ikalawang “yari” sa Tesawro na papatungkol naman sa pangyayari o occurence. Isang masalimuot na landas ang paglulugar sa kapangyarihan na paglalaanan pa ng panahon sa hinaharap. Ibinubukás din sa atin ang mas malalim pang pag-unawa rito sa presensiya nitó sa ating mga katutubong wika. Ngunit ang dapat maging malinaw sa atin, ang kapangyarihan bílang kakahayang magdulot ng mga pangyayari at pati na ang kasalukuyang pakahulugan natin rito ay ipinagkakatiwala lámang ng taumbayan sa mga inihahalal na mga pinuno. Tunay na ang taumbayan ang makapangyarihan at isang dalisay na pagpapamalas nitó ang mangyayaring eleksiyon sa Filipinas sa susunod na taon. Sana di na táyo magbilang kung ilang ulit binabanggit at binabalahura ang kapangyarihan upang matanto na táyo ang tunay na may hawak nitó.—Roy Rene S. Cagalingan