
Isang karangalan para sa Filipinas ang pagkakaloob kay Maria Ressa ng Rappler ng Premyo Nobel para sa Kapayapaan 2021. Ang pagkilalang ito ay pagkilala rin sa kondisyong umiiral sa ating bansa na ibinabalita sa atin ng mga peryodista tulad ni Ressa. Matakot táyo kung darating ang araw na wala nang mga tulad nina Ressa at Dmitry Muratov na magsasabi sa atin na nangyari ito at nangyayari ito.
Habang nagbubunyi ang mga Filipino sa karangalang ito, mayroon ding hindi. Nása demokratikong bansa naman táyo at walang pagtatakda sa ating nararamdaman. Sa ngalan ng demokrasyon at sa ngalan ng ating pagdukal sa katutubong pag-unawa, ating susuyurin ang “inggit” na tila ba naghahari sa hindi na natin pangangalang manunulat sa Ingles rito.
Madali nating sambitin ang “inggit ka lang,” “mamatay ka sa inggit,” at “bitter ka lang” sa mga táong kinikilala natin ang nadaramang inggit sa atin o sa ibang tao. Kung maghahanap naman sa kulay, hindi naman sinasabing nangingitim sa inggit (sa gálit dapat) kung maghahanap táyo ng katumbas sa green with envy sa Ingles.
Hindi naman ibig sabihin na kung kulang sa matandang kasabihan o idyoma ay kulang sa lawak ang isang salita. Mismong salita rin ang magbibigay at manganganak ng mga dalumat. Sa pagbuklat sa Vocabulario de la lengua tagala (1754), napili ang mga sumusunod na salita na kaugnay ng inggit: “hili,” “ingólot,” “gimbólo,” “kabál,” “ngimbólo,” “sílot,” “sólib,” at “yakyák.”
Hatiin natin sa dalawa ang nasagap na impormasyon hinggil sa inggit: una, ang pangkalahatang pakahulugan ng inggit at tawag sa mga tao; at ikalawa, ang mga mas espesipikong klase ng inggit.
Sa bágong Pambansang Diksiyonaryo sa Filipino (2021), nakalatag na sa salitang “inggit” ang kahulugan ng mga negatibong pakiramdam na nakatuon sa tinatamasang kapalaran ng iba:
pakiramdam na pagkadeskontento o pagkagálit dahil sa pagkakaroon ng magandang kapalaran ng kapuwa
At kung itatawid ito sa Vocabulario, lumilitaw na ang inggit ay isang “pagkayamot.” Maaari ring madama ang pagkayamot na ito sa isa’t isa at may lahok na nagkakainggitan. May mabuti kayang naidulot sa mga sinaunang lipunan ang inggit?
Sa pagdáko natin sa mga tawag sa mga táong inggitero/a, lumilitaw sa Vocabulario ang “yakyák” at “solibang loób” na kapuwa pumapatungkol sa táong mainggitin. Sa ikalawang bahagi ay mayroon ding espesipikong kahulugan ang ugat na “sólib” ng “solibang loób.” Ngayon kung ating gagamitin, hindi ba magandang ibalik ang “yakyák” para sa mga bitter sa tagumpay ng iba?
May kalawakan ang inggit sa mga mas espesipikong anyo nitó. Makikita na may kasama itong pakiramdam na makikita sa hilì (inggit at pagnanais sa kung ano ang wala), ngimbolo (inggit at selos), kabál (yamot o inis na nagdudulot ng panginginig), ingolót (baliktad naman: gálit na may kasamang inggit), pangimbólo (inggit sa mabuting gawa ng iba), sólib (inggit na mula sa kapuwa), at silót (inggit na may halong gálit).
Kung papansinin, napakatiyak ng “hilì” at “kabál.” Pumapatungkol ang “hilì” sa nadaramang kahungkagan ng isang tao na nakatuon sa kung ano ang meron sa kapuwa niya. Halimbawa, umiiral ang pananaghilì sa mga táong naghahangad ng tagumpay na nakamit ng iba. Maaari ring magbunga ito sa pagkakakabál, lalo na sa pagharap sa publiko (sa pulungan o entablado man). Paano nga ba ilalarawan ang isang táong nagkakabál at nanginginig ang tuhod sa kaniyang pagsasalita dahil sa pagsakop sa kaniya ng inggit? Pahabol: maaaring magtungkod kung nanghihina ang tuhod.
Sa darating na eleksiyon, huwag ring palagpasin ang pagkakataong makilatis ang pangingimbólo ng ating mga politiko lalo na sa mga táong tunay na maraming nagawa para sa mga Filipino sa loob at labas ng pandemya. Ang inggit na ito ay nanganganak pa ng ibang kasakiman na makikita natin sa anyo ng fake news at kung ano-anong propaganda.
Marami pa talaga táyong dapat unawin sa iba’t ibang klase ng inggit.—Roy Rene S. Cagalingan