Mulang Alimuom 29: Wanted: Pinunong Katipunera/o

Emilio Jacinto
Magdalena, Laguna 
Lilok ni Priscillano “Jun” Vicaldo Jr.

Mas umaatikabo na ang palabas. Tanghalan nitó ang Sofitel sa Lungsod Pasay para sa mga táong nag-aasam na paglingkuran ang taumbayan sa pambansang antas. Nariyan ang ritwal ng pagpaparetrato, ang mga talumpati, at ang mga hesto ng mga politiko. 

Pumikit at pakinggan ang kanilang sinasabi. Tila ba pare-pareho? Marahil ang pinakabago ngayon ay ang mga pangako hinggil sa pagtugon sa pandemya at ang pag-ahon dito. Dumilat at tingnan kung sino ang tumatakbo. Para bang mabibilang mo ang mga mukha’t pangalang hindi nagdomina sa politikang Filipino sa nagdaang mga dekada. (Kayâ hindi rin natin dapat ituring ang “nuisance” kaagad ang mga kandidato na di natin kilala. Minsan mas may puso pa sila sa mga trapo.) 

Bakit nga ba táyo nalugmok sa ganitong klase ng palabas pampolitika? Bawat eleksiyon na lámang ay sasabihin natin na boboto táyo nang tama pero hindi rin ito nagbibigay ng katiyakan. Bakit patuloy pa ring naniniwala sa survey ang mga Filipino at ibinoboto ng ilan ang mga mananalo batay sa mga ito? 

Kinakailangan din ito ng pagsusuri sa iba’t ibang perspektiba. Sa pagkakataong ito, isinusulong ang pangangailangan sa pag-unawa sa mithing pinuno ng Katipunan upang makarating táyo sa paghirang sa mga pinunong Katipunero/Katipunera. 

Pagbabatayan natin ang ilang mga punto mula sa Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto (1875–1899), pangunahing manunulat ng Katipunan at bayaning intelektuwal ng Filipinas. Hámon na rin ito para balikan at basahin natin ang mga akda ng ating mga bayani na patuloy na nakikipagdiyalogo sa atin sa kanilang mga isinulat. 

Palaisip na mandirigma ng pag-ibig si Jacinto. Hindi ito ang tipong romantikong pag-ibig lámang kundi pag-ibig na dalisay na inilalaan sa Bayan. Pansinin ang ugnayan ng kapangyarihan ng Pinuno na nagmumula sa pag-ibig at tangkilik ng taumbayan: 

          Ang kapangyarihan ng mga Pinuno ay dapat na iasa lamang sa pag-ibig at pagmamahal ng Bayan, na dili mangyayaring makamtan kundi sa maganda’t matwid na pagpapasunod.

Magtutulay pa ito sa paggigiit na hindi magkakaroon ng tunay na kapangyarihan ang isang pinuno kung hindi nagiging kasangkapan (tagapagpasunod) sa pag-iral ng kagandahan at katwiran. 

Hindi ba napakainam na lenteng gamitin para sa pagsakdal sa ating mga kasalukuyang pinuno? Gaano ba natin sila kamahal sa mga panahong ito? At nagdudulot ba sila ng kagandahan at pinalalaganap ang katwiran sa Filipinas? Kailangan lámang nating pakiramdaman ang ating kalooban at unawain ang paligid. 

Malapit sa pagtatapos ng Liwanag at Dilim, ipinaalala rin ni Jacinto na may kapangyarihan ang mga Filipino na nakahihigit sa kanilang mga pinuno: 

Sa madaling salita, di dapat nating kilalanin ang pagkatao ng mga Pinuno na mataas kaysa madla. Ang pagsunod at pagkilala sa kanila  ay dahil sa kapangyarihang ipinagkaloob ng Bayan, samakatwid, ang kabuoan ng mga kapangyarihan ng bawat isa.

Dapat nating tandaan na dapat makasáma sa pagsusuri (pagkilala) sa pagkatao ng ating mga pinuno ang kanilang iba’t ibang ugnayan sa makinarya ng politika—anak, asawa, alaylay, kapartido, kakampi, atbpa. Ang pagkakaloob ng kapangyarihan sa mga pinuno ay nása prosesong elektoral natin. Ngunit hindi ito natatapos kapag nagsipanumpa na ang mga pinuno. Patuloy dapat ang pagmamatyag na nasusunod ang kasunduan ng pagbibigay ng tiwala ng taumbayan sa kanilang mga inihalal.  Káya pagnilayan nating maigi ang ating mga pagkakalooban ng kapangyarihang nagmumula naman sa atin. Isa bang mainam na pangarap ang paghirang sa isang pinunong Katipunera/o na kakatawan sa ating pag-ibig sa bayan at pagbabalik ng tiwala ng taumbayan sa kanilang mga halal na pinuno? Oo naman. At tandaan natin na ang mga pinunong ito ay may kakayahan na tipunin táyo, na pag-isahin ang ating mga damdamin sa harap ng mga pagkakaiba. Ang paghirang natin sa kanila ay isa ring pag-anib at pagbabalik natin sa Katipunan.—Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: