Mulang Alimuom 28: Sa Ngalan ng Ama

Ipinagdiwang natin noong 19 Agosto ang ika-143 kaarawan ni Manuel L. Quezon (1878–1944). Masaya ang mga taga-Lungsod Quezon dahil holiday sa kanila. May mga paskil maya’t maya ang ating mga guro at ilang alagad ng wika. Ulit-ulit ang banggit at parangal sa ating Ama ng Wikang Pambansa.

Kayâ naitanong rin sa sarili: bakit nga ba naging Ama ng Wikang Pambansa si Quezon?

Nariyan na ang madaling sagot na siya ang puwersa sa likod at lumagda ng Atas Tagapagpaganap Blg. 134 noong 30 Disyembre 1937 na humirang sa isang wikang pambansa na nakabatay sa wikang Tagalog. At kung magtatanong ka pa sa iba matapos nitó ay bakâ maubusan na ng mga dahilan ang iyong kausap. Bakâ maligaw pa riyan ang dahilan na Tagalog kasi si Quezon na mulang Baler.

Ito lámang ba ang dahilan kung bakit ama natin, ng mga Filipinong nagsasalita ng Filipino sa kasalukuyan, si MLQ?

Mabuti na lámang at may mga talumpating may laman ang ating dáting pangulo. Kung babasahin ang kaniyang talumpating1 ibinigay sa Letran noong 7 Nobyembre 1937, may mga mabubuo rin táyong piraso at imahen ng Ama ng Wikang Pambansa. Maituturing din ang talumpati na ito bílang pampainit o warm-up sa kaniyang gagawing proklamasyon2 sa Disyembre sa parehong taon.

Mararamdaman sa talumpati ang masidhing pagnanais ni Quezon sa pagkakaroon ng sariling wika. Hindi Ingles at hindi Español. Tandaan natin na bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939–1943), kasama sa paghahanda sa pagsasarili ng mga Filipino ang pagtukoy sa mga sariling sagisag natin. Kasama na ang wika roon. Sabi nga ni Quezon, dapat ang katutubong wikang ito ang maging wika ng ating pamahalaan. 

Para sa isang bansang naghahanda sa pagsasarili, hindi maiiwasan ang panggagaya. Ngunit dapat matukoy ang kasamaang nakapaloob sa panggagaya kung matutuklasan rito ang kawalan ng pambansang kaluluwa ng isang bayan. Ayon kay Quezon, “A national soul cannot exist where there is not a common language.”

Hinggil sa hulíng pahayag ni Quezon, magandang ulit-ulitin: káya ba nating umiral kung wala táyong wikang pambansa? Kung wala táyong tawag sa sarili natin? Kung wala táyong pinagkakasunduang ngalan ng bansa? Magkomparahan nga táyo ng kaluluwa noon at ngayon.

Kaugnay naman ng pagkakaunawaan, magsisilbing kasangkapan ang wikang pambansa rito. Naikuwento rin ni Quezon ang hiyâng nararamdaman niya tuwing hindi maunawaan nang ganap ang mga kababayang may ibang wika tuwing lumilibot sa Filipinas. Kaugnay nitó ang matalas na obserbasyon niya sa rehiyonalismong umiiral noon pa. Kahit ilapag mo ito sa social media para sa talakayan ay tiyak pagpipistahan pa rin ito dahil may bahaging totoo pa rin:

The difficulty is that the Ilocanos want Ilocano to be the national language; the Tagalogs, Tagalog; the Visayans, Visayan. And yet, those same Ilocanos who not want Tagalog, accept English as the national language! Have you ever seen anything inconceivable? A Filipino preferring a foreign language to a Philippine tongue? And at that only because Ilocano is not the tongue which has been made the National Language! What I have said of Ilocano I also say to Tagalog, Pampango, Visayan, Bicol, etc.

Wagas na wagas ang pahayag na ito partikular sa mga rehiyonalistang umaatake sa wikang pambansa gamit ang wikang Ingles. O paano pa ang mga politiko at administrador nating walang hanggan ang pagsamba sa Ingles kayâ laging nagsusulong na ito ang gawing wika ng edukasyon?

May bahagi rin naman sa talumpati hinggil sa pagiging bukás sa ibang wika. Aaminin ito mismo na Quezon na bagaman Tagalog ang opisyal na wika sa kaniyang pamilya ay handang matuto ng Ilokano, Sebwano, at iba pang katutubong wika hanggang makarating raw táyo sa pagkakaunawaan sa isa’t isa. Bakâ ito rin ang hámon sa atin sa konsepto ng pagiging ingklusibo ng wikang pambansa. Hindi sapat na Filipino at Tagalog lámang ang matututuhan ng karamihan sa atin, na dapat ay ibinubukas din natin ang kamalayan sa iba pang mga wikang katutubo. Ganito rin ang dapat mabatid ng mga di-Tagalog.

Sa dulo, may pananaw rin si Quezon na ang pagtataguyod ng wikang pambansa ay magdudulot ng paglimot natin sa mga pinagmulang pangkat:

The language is going to save us because no one will remember that he is Tagalog, Visayan, Ilocano, Pampango, Bicol, etc. They will all forget that difference.

Pansinin ang paggamit ng “save.” Naisalaysay niya rin kasi bago rito ang nasaksikhan niyang rehiyonalismo noong nag-aaral sa Letran. Bakbakan ito ng mga Tagalog vs. Ilokano, Kapampangan vs. Bisaya,  Bisaya vs. Tagalog, at marami pang iba. Nais niya lámang idiin rito na mas nakahihigit ang pagiging Filipino sa anumang pangkat na kinabibilangan. Kinakailangan natin ang pagkakaisa at “pagkalimot” na ito sa ngalan ng pagtataguyod ng isang bansa.

Sa kaso naman ngayon, hindi naman kailangang limutin ang ating mga pinagmulan. Nása panahon na táyong may masiglang pananaliksik sa ating mga katutubong mulaan na lumilitaw lalong-lalo na sa ating mga wika. Mas akma na sigurong sabihin na káya nating umiral kahit may pagkakaiba dahil pinag-uugnay-ugnay naman táyo ng ating mga pambansang sagisag. Pangunahin na rito ang wikang pambansa na noon pa dinalumat ng mga tulad ni Quezon. Kung maliligtaan man kung bakit naging Ama ng Wikang Pambansa, sapat nang tawagin siyang huwarang Filipino. Bakit? Nagsumikap kasi siyang maging Filipino.—Roy Rene S. Cagalingan.


1Official Gazette of the Republic of the Philippines. 29 Agosto 2021. https://www.officialgazette.gov.ph/1937/11/07/speech-of-president-quezon-at-the-san-juan-de-letran-alumni-annual-banquet-november-7-1937/.

2Official Gazette of the Republic of the Philippines. 29 Agosto 2021. https://www.officialgazette.gov.ph/1937/12/30/executive-order-no-134-s-1937/.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: