
Palala lámang nang palala ang mga pangyayari kaugnay ng pandemya sa Filipinas. Minsan, di na nating maiwasang isipin na iniwan na talaga táyo para isalba ang ating mga sarili. Wala kasing malinaw na plano. Gabi-gabi na lámang táyo makaririnig ng mga pasaring, ng mga mura, ng mga bagay na di makapapanatag ng ating mga kalooban.
May masisipi ba táyong makabuluhan mula sa ating mga pinuno na puwede nating panghawakan? Kaymalas naman ng bansang wala man lámang mapanghahawakang salita mula sa kanilang mga pinuno. Minsan kasi, ito na lámang ang puwede nating bitbitin. Sambitin ulit-ulit nang maalala na may nagsabi nito para sa atin, na may nagmamalasakit sa atin.
Kung wala, nauuwi táyo sa mga pagsambit ng mga kasabihang nariyan na: “lilipas din ito,” “may awa ang Diyos,” “titigil din ang ulan,” o kung ano pang naipása sa atin ng ating mga ninuno. Nabubuhay silang nagpamana nitó sa atin na magpapása rin nitó sa susunod sa atin.
Kayâ kung makalilingon pa kayâ táyo nang mas mahaba, alin kayâ ang akmang kasabihan o masasambit man lámang para sa kinasadlakan natin sa ngayon?
Nakapananabik palaging balikan para rito ang Historia de las islas e indios de Bisayas (1668) ng Heswitang si Francisco Alcina. Natipon rito ang pag-aaral ni Alcina (1610–1674) hinggil sa Visayas na bunga ng kaniyang matagal na paglalagi sa Samar at Leyte.
Sa kabanata 12 ng ikatlong tomo, nakapaloob ang mga talâ hinggil sa mga paniniwala ng mga Bisaya sa mabubuti at masasamang kaluluwa, pati na sa kaluluwa sa kabuoan at sa inmortalidad. May bahagi rito na tumatalakay sa sinasambit ng mga katutubo tuwing kinakailangan nila ng tulong:
Kun buut san diwata. [Kung mamarapatin ng Diyos.]
Buut san humalagad. [Kung mamarapatin ng aking mga ninuno.]
Para sa unang sambit, patunay ang diwata sa naunang tawag ng mga Bisaya sa kanilang mga diyos. Hindi lámang iisa, kundi may iba’t ibang ngalan at katauhan para sa iba’t ibang pangangailangan. Hinihilingan sila para sa mga bagay na wala na sa kamay ng mga tao. At kung ano ang pasiya nila ay tatanggapin ng humihiling na nagpapasadiwata na.
Samantala, pumapatungkol naman ang ikalawa sa matalik na ugnayan ng isang nabubuhay sa kaniyang mga ninuno. Ang humalagad (umalagad ang gagamitin ko) ay ang mga kaluluwa ng mga ninuno na patuloy na pinagpupugayan at iginagalang. Sabi sa Historia, hinihilingan ang mga namatay na kamag-anak upang malagpasan ang mga kinahaharap na pagsubok.
Buut san umalagad.
Ano kayâ ang hinahangad sa atin ng ating mga ninuno, ng ating mga yumaong kamag-anak? Silang umiral bago ang pananakop. Silang nabuhay bago ang mga digmaan. Silang mga naging saksi sa pagbuo at patuloy na pagwasak ng ating bayan. At papaano pa ang mga kaanak na namatay dahil sa COVID? Ang mga minamahal nating nabuwal dahil sa kapabayaan ng ating mga pinuno. Ano ang sasabihin nila sa atin?
Makinig at makiniig táyo sa mga nagngangalit nating umalagad.—Roy Rene S. Cagalingan