Mulang Alimuom 26: Mána-mána Lang ‘yan

Payyó sa Balbalasang, Kalinga (1920)
Field Museum of Natural History
Mula sa essc.org.ph

May mána na, may sarili pa.

Napahanap ako ng salawikain hinggil sa pamána sa kontrobersiya ngayon hinggil sa ating mambabatok na si Whang-Od at ng Nas Daily. Sa antolohiya ni Damiana Eugenio, lumitaw ang salawikaing Tagalog na ito sa entri para sa “inheritance.” Nagtanong agad ako sa nakatatanda (ang Nanay ko) kung narinig na ba niya ito. Hindi raw. Kayâ tinitigan kong muli ang lahok sa aklat. May inisyals na LKS na pinaghanguan ng salawikain. At tama sa hinala na mula ito sa dakilang manunulat na si Lope K. Santos. Sa ngayon ay hindi ko pa mahanap kung saang tula o sulatin niya ito lumabas.

Ngunit maaari pa rin naman nating gamitin ang nabanggit na “salawikain” upang matimbang ang isyu ngayon na may kinalaman sa ating pamána.

Napakaangkop na termino natin para sa mga bagay, nasasalaat man o hindi, ang pamána (pa+mána). Una muna ang salitang-ugat. Sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang “mána” ay ang “anumang isinasalin o ibinibigay ng magulang sa mga anak, kamag-anak, o ibang tao bago mamatay.” Isa rin itong “tinanggap mula sa isang namatay.” Pansinin ang mahalagang operasyon ng pagsasalin bílang pagtatawid ng isang naunang henerasyon tungo sa sumunod. Naroon rin ang ugnayan ng nagbibigay sa tumatanggap. Isa pang mapapansin ang pagdidiin sa mortalidad, na ipinapása ito at may tatanggap bago o kapag namatay na ang magbibigay.

Kapuwa naroon sa mga lahok ang nabuo nang salita na pamána. (Sa ibang pagkakataon, maganda ring pagnilayan ang mga kahulugan ng mga salitang “búbot,” “kabílin,” at “táwid” na mula sa mga wikang Tagalog, Ilokano, at Sebwano.)

Samantala, napakaraming gamit ng panlaping “pa” sa ating wika. Sa kaso rito, ang ikinakabit ritong “pa“ ay bumubuo ng pangngalan na nag-uutos o nakikiusap ayon muli sa diksiyonaryo.

Ibig sabihin, táyo na tumatanggap ng pamána ay inaatasan ng mga nagbigay sa atin nitó na ingatan ito, na linangin ito. At sa ating pangangalaga rito ay inaasahan rin ang ating pagkakaloob nitó sa sumunod na henerasyon. Tandaan na hindi lámang ang mga materyal na bagay ang maituturing nating pamána. Ayon sa UNESCO, ilan sa mga ito ang mga tradisyong oral, ritwal, pagdiriwang, at karunungan hinggil sa paglikha at kalikasan.

Kayâ kung mayroon na táyong mána na nakuha sa kanila, mapalad táyo na mayroon ding nalinang na mána sa ating sarili. Yumayabong lalo ang mána kapag pinaghuhusay pa ito. Kapag pinalalago upang makapaghandog ng ani sa mga tatanggap nito sa hinaharap.

Maghihintay pa táyo sa mga magdaraang araw ng matinong paliwanag sa panig ng mga banyagang nagnanais na ibahagi (o pagkakitahan?) ang pamánang nakapaloob at nása kamay ni Whang-Od bílang isang tagapagtaguyod ng kulturang Kalinga, ng kulturang Filipino. Puwede rin kayâ nating usisain ang mga pakiramdam ng mga taga-Buscalan hinggil sa kanilang pananaw sa pamána sa harap ng isyu na ito? Sapat nga ba ang umiiral na mga batas upang matiyak na hindi nalilinlang ang ating mga kapuwa katutubo ng mga mapagsamantala?

Nakatatakot ring isipin na kapag mismong katutubo na ang nananamantala sa kapuwa katutubo. Mas malaking kamatayan ito ng pamána kaysa mapasakamay ng banyaga. Kapag nakita na natin ang pamána bilang bagay na lámang na magbibigay sa atin ng limpak-limpak na salapi. Kailangan lámang nating balikan ang “salawikain” at sabihin: Iingatan at pagyayamin ko ang minana ko para sa mga magmamána nito. Hindi ito para sa akin lámang. Hindi ito para sa ngayon lámang.—Roy Rene S. Cagalingan 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: