Mulang Alimuom 25: Ang Gantí na Palà sa Gantimpala

Manlalako ng Lansones (1875) ni Félix Resurección Hidalgo

Dahil sa tagumpay ni Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics, mga panahon itong kaysarap sabihin na Filipino táyo. Walang duda, ang bulawang sandali ng ating atleta ay naukit na sa kasaysayan. Mapalad táyong mga nakasaksi rito. Binubuksan pa nitó ang mga bulawang bakod tungo sa pagpapataas pa ng ating karangalan at pagtingin sa sarili.

Ngunit ang kakatwa, nang makamit ni Hidilyn ang mailap na bulawan (ginagamit ko sa halip na ginto), tila nagsulputan naman ang mga nais na magbigay sa kaniya ng gantimpala para sa karangalang ibinigay niya sa Filipinas. Tila ba nagkaroon ngayon ng maalab na pagpapakilala ang ating mga politiko at naghaharing-uri na gantimpalaan ang isang nagkamit nitó. 

Ugatin nga natin ang gantimpala.

Mapapansin sa kasalukuyang kahulugan nitó ang transaksiyong nagaganap sa isang tatanggap ng karangalan o pabuya dahil sa anumang mahusay o huwarang ginawa at sa magbibigay nito. Sa UP Diksiyonaryong Filipino, makikita sa konstruksiyon nitó (gantí+na+palà) ang dalawang mahalagang salita—ang gantí at palà.

Maraming manipestasyon ang dalawang salita. Sa Vocabulario de la lengua tagala (1754), ang gantí, bukod sa pagkakaroon ng sariling entri, ay lilitaw sa mga lahok para sa “baláto,” “dalita,” “lála,” at “suyò.” Malinaw na hindi lámang hinggil sa pagpataw/pagkuha ng parusa/kapalit para sa naunang pagkakasala ang ibig sabihin ng gantí. Narito ang una sa apat na entri ng salita sa Vocabulario:

Gantí . pc. Ganti,  gantimpala, premyo Um. Hin, ukol kay. I, gamit ang. Pagganti, ang gawain

Ngunit nanatili ang pag-iral ng transaksiyon (sa tatanggap at magbibigay) sa ugnayan ng “gantí” sa mga salitang “lála” at “suyò.” May dalawang mukha ang “lála” na tumutukoy sa paghahanda ng gantimpala o parusa para sa isang tao, habang ang “suyò” ay pag-aasam na makatanggap ng gantimpala.

Hinggil naman sa “palà,” nariyan ang mga kahulugang “biyaya,” “kaloob,” at “papuri.” Kayâ kung pagsasamahin, tila ba sinasabi na ang gantimpala ay isang kaloob na nagpupugay sa kalooban ng isang tumatanggap nitó. Panlabas na manipestasyon na lámang ang mga materyal na bagay—ang bulawan, cash prize, house and lot, unlimited na kung ano-ano, at iba pa. 

Karangalan ang pinakagantimpala na naihandog sa atin ni Hidilyn. Wala namang problema kung pagkakalooban siya ng karagdagang gantimpala para rito. Sana lámang, mula rito, ay naroon na ang ating tangkilik hindi lámang sa mga nagwawagi kundi pati sa mga nagsusumikap sa ngalan ng ating pambansang karangalan.  Kayâ may katotohanan rin ang kasabihang nása lahok ng “dalita” na ganito:  ang tauong mapagdalita sasapit sa madlang toua na tinapatan ng may gantimpala ang táong naghihirap. Mas mahalaga yatang maiparamdam ang pagpaparangal habang nagpupunyagi ang ating mga atleta sa larang ng palakasan. Magtuon táyo sa kanilang mga paghihirap at hindi lámang tuwing nagwawagi sila.—Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: