
“For me, being Miss Universe is not just about knowing how to speak a specific language. It’s being able to influence and inspire other people. So whatever language you have, as long as your heart is to serve and you have a strong mind to — to show to people, then you can be Miss Universe.”
Ito ang naging tugon ng ating kandidatang si Janine Togonon nang tanungin siya kung dapat bang maging rekisito sa isang Miss Universe ang pagsasalita ng Ingles noong 2012.
Maganda sana ang sagot, ngunit hindi naman ito ang realidad; partikular ang realidad sa ating mga pamantayan ng kagandahan na mapapansin sa ating mga lokal na pageant hanggang sa mga paglahok sa mga pandaigdigang timpalak.
Ang ibig kong sabihin, Ingles ang isa sa mga itinuturing nating pamantayan upang husgahan ang isang lumalahok sa isang timpalak tulad ng Binibinig Pilipinas.
Litaw na litaw ito sa nangyaring Question and Answer sa nagdaang Binibining Pilipinas 2021. Isa marahil sa pinakatumatak ang naging tanong ng talk show host na si Boy Abunda kay Karren Laurie Mendoza ng Iloilo:
Boy Abunda: Ngayon madalas nating naririning na it’s okay not to be okay. My question is when is it okay not to be okay and when is it not okay to be not okay?
Karren Laurie Mendoza: You know sometimes it’s hard to move on especially that if we lost our loved ones, when we’re depressed, when we have anxiety, but most of all when we want to move forward in life. You know my favorite saying in a movie Disney Inside Out, is embrace your sadness because in embracing your sadness, you will feel happiness afterwards.1
Matindi ang ginagawang paglalaro sa konstruksiyon ng tanong. Hindi naman karima-rimarim ang sagot. Pero hindi maiwasang tanungin sa sarili na kung bibigyan ng pagkakataon na sumagot si Bb. Karren sa sarili niyang wika? Magiging komportable kayâ siya kung gagamitin ang Hiligaynon? O kahit ang Filipino?
Maraming salik ang nakapaloob sa tumpak at lagpak na mga sagot sa Q and A. Nariyan na ang kaba, ang paghahabol sa panahon, at siyempre ang iba’t ibang nibel ng pag-unawa sa mga tanong na nakabalangkas sa Ingles. May opsiyon kayâ ang ating mga binibini na mailatag sa kanila sa Filipino ang tanong o sa ibang katutubong wika? At sana, may opsiyon din na kahit marinig ang tanong sa Ingles, puwede nila itong sagutin sa kanilang sariling wika. At matinding trabaho ito ng mga interprete para sa mga tanong at lalong-lalo na sa mga sagot.
Dahil ang nais ko ritong ipunto ay hindi dapat nakababawas ng ganda sa isang tao kapag pinipili niyang hindi gumamit ng Ingles. May kakayahang magpamalas ng talino at ganda ang gumagamit ng sariling wika. Filipino, Ilokano, Sebwano, Blaan, Mëranaw, o alinman sa 130 katutubong wika ng Filipinas pa ’yan.
Kailangan na rin nating baguhin ang pananaw na dapat mahusay lámang sa Ingles ang mga lumalahok sa ating mga timpalak dahil hindi monolingguwal ang pagpapakahulugan natin sa kagandahan.
Darating kayâ ang panahon na may kandidata táyong makikipag-usap sa daigdig gamit ang sarili nating wika? O kahit dito muna sa bayan natin. Kapag nangyari iyon, sana ay dahil mas niyakap at tinangkilik na natin ang mga sariling wika. Kasama sa pagtanggap, ang pag-unawa sa kasaysayan at mga reporma dito. Tiyak, isang maringal na sagisag ang pagdatal ng ating Binibining Filipinas.—Roy Rene S. Cagalingan
1 Rappler.com. “TRANSCRIPT: Binibining Pilipinas 2021 Q and A Segment.” Rappler. 12 Hulyo 2021. https://www.rappler.com/entertainment/pageants/transcript-question-answer-segment-binibining-pilipinas-2021.