Mulang Alimuom 23: Sa Daigdig ng Nakasanayan

Filipina ni Fabian de la Rosa

Sa “Pahayag” ni Emilio Jacinto, nagtanong ang isang kabataan kay Kalayaan hinggil sa dapat gawin sa kaniyang kinasadlakan. Bago ito, naglatag si Kalayaan ng mga dapat ipagluksa, partikular ang pagbitay sa Gomburza at pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan. Isasagot naman ng kabataan:

Ano ang nais, kung gayon, ano ang dapat gawin? Kaming mga Tagalog ay naugali na sa ganoon.

Ganito naman ang naging tugon ni Kalayaan:

Hindi lahat ng naugalian ay mabuti, may masasamang kahiligan at ang mga ito’y dapat iwaksi lagi ng mga tao.

Dito natin pag-uugatan ang alimuom ngayon, sa konsepto ng naugali na o sa nakasanayan. Napansin ba ninyo na kapag magtatanong sa isang bagay na hinihingan natin ng paliwanag ay madalas itong isagot sa atin.

“E ’yan na ang nakasanayan.”

“Ganito kasi ang turo sa amin ng titser namin.”

Ano nga ba ang nakasanayan (na+ka+sanay+an)? Saan ba ito nag-uugat at bakit napakadali nating bitawan para sa mga pagkakataong humihingi ng paliwanag sa atin?

Sa Vocabulario de la lengua tagala (1754), ang “sanay” ay pumapatungkol sa pagpapatalas ng isang kasangkapan. “Sanayan” naman ang tawag sa bato na ginagamit para patalasin ang mga kasangkapan. Pinapatalas ang mga bagay upang maging kapaki-pakinabang ito sa larang man ito ng kusina, hanapbuhay, o digmaan. Sa kaso naman natin, ang mga nakasanayan ay mga gawi o kaalaman na hinasa ng danas at pagkatuto.

Ngunit ang mga bagay na matalas noon ay posibleng pumurol sa paglipas ng panahon.

At dito nagiging sagka ang nakasanayan para sa atin. Kapag isinasara na natin ang ating pag-iisip dahil isang payapa at ligtas na pook ang nakasanayan. Nawawala ang malikhaing kapangahasan. Pumupurol ang ating haraya at kapag may nakahaharap táyong bago o naiibang kaalaman ay madali natin itong isinasantabi para sa mga pinanghahawakan nating nakasanayan. Sa pagtindig natin sa harap ng progresibong impormasyon ay umiiling at humihindi táyo habang hawak-hawak sa likod ang mga mapupurol nating paniniwala.

Posible rin kasi na lumaganap ang nakasanayan complex dahil sa mga tatawagin nating nakasanayista. Silang mga PhD, EdD, MA, o kung ano pang titulo at nakaugat na sa akademya na pinanghahawakan ang kaalaman nila na tila puro, wagas, at di puwedeng hamunin. Ang makipagsalpukan sa kanila ng paniniwala ay pakikipagsalpukan rin sa kanilang mga tinuruan, sa hukbo rin ng mga nakasanayista. Kapag nakaharap din naman at hinanapan ng paliwanag, mapapansin ang pagsalat nila sa mga kalyo sa palad bunga sa paggamit ng marurupok nang kasangkapan. Pahabol na lámang na paalala: ang pagtahak sa mas mataas na edukasyon ay dapat nagdudulot rin sa atin na tanungin o isakdal ang ating mga nakasanayan.

Hindi naman ganap na masama ang nakasanayan. Sa katunayan, nagpapakita rin ito ng pagpapahalaga sa kasaysayan, sa tradisyon. Ang dapat lamang ay may patuloy táyong ginagawang interogasyon sa kasaysayan. Tinatanong natin dapat pati ang pagtuturo sa atin ng kasaysayan (o kasaysayan ng iba’t ibang kaalaman) kasi kung hindi ito gagawin, lagi na lamang gagamiting dahilan ang kasaysayan sa mga bagay na nakasanayan natin.

Kaya posible na may umiiral na banggaang nakasanayan vs. patuluyang nagsasanay. Taglay ng isang patuluyang nagsasanay ang sigla at sigasig na usisain ang anumang nakasanayan sa harap niya. Nása loob rin niya ang nakasanayang pinagdududahan. Hindi niya lámang tinatanggap ang paliwanag na malabo, kataka-taka, o dahil mula sa sinasabing “awtoridad.” Sa kaniyang sarili, patuloy niyang dinadagdagan ang nalalaman dahil alam niyang laging kulang ang kaniyang nalalaman. Naghahasa siya habambuhay para laging may pakinabang ang kaniyang mga kasangkapan. Ayaw niyang pumurol.—Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: