
May kakaibang pananabik na nalikha ang paglabas ng trailer ng Trese dalawang linggo na ang nakararaan sa Netflix. Ang tanyag na serye ng komiks nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo ay lalabas bílang anime series sa nasabing platform at ipinakikilala nitó ang hiwaga ng daigdig ng ating mga sariling nilalang. Daigdig ito ng mga nunò, tikbalang, aswang, tiyanak, kapre, at iba pang kagila-gilalas na nilalang na hango sa ating kultura.
Ngunit ang mas tumatak para sa akin ang naging maláy na paggamit ng sariling wika. Ingles kasi ang wika nitó sa pinaghanguang komiks. Pagpapasiya ito ng mga gumawa upang mailapit pa ang mahiwagang daigdig ni Alexandra Trese sa mga Filipinong manonood. Dagdag din pala na mayroon ding bersiyon ito sa wikang Ingles at Japones. Mas nauna ba ang Ingles at isinalin ito matapos sa Filipino?
Ano nga bang kapangyarihan mayroon ang sariling wika kayâ may kakayahan itong magpakilabot kapag napakinggan sa isang likhang sining?
Ang paggamit ng sariling wika ay nagbibigay ng pananagisag na mas malapit at makauugnay sa isang katutubong dumadanas nitó. Mas malapit sa ating bituka, mas katalik ng ating kaluluwa. At kung iniluwal nga ang mga nilalang na ito sa danas at haraya ng ating mga ninuno, bakit hindi natin lasapin sa wika (at mga wika) na ginamit upang mapangalanan at mailarawan sila?
Ang paglundag ng Trese sa Netflix ay isang lundag ng katutubong haraya tungo sa iba pang mga kultura. Sa paglundag na ito, dala-dala rin nitó ang ating wika at kultura. Mapapansin na naka-dub man ito sa ibang wika ay maririnig at naroroon pa rin ang mga esensiyal na salita at parirala tulad ng nunò, babaylang mandirigma, tabi po, at lakan. Bitbit ng mga ito ang katutubong dalumat at pagkakataon upang maunawaan pa ng isang manonood ang ating kultura. Kapuwa aplikable ito sa katutubo at banyagang manonood. Tiyak ako na marami sa mga nakatira sa eksklusibong banyagang barangay ng ating haraya ang pipiliing panoorin ang Trese sa wikang mas komportable sila. Karapatan naman nila iyon.
Dagdag lámang na nilay, posible kayâ na hindi na natin nararamdaman ang mga nasabing nilalang dahil bukod sa nakabubulag na liwanag ng ating mga lungsod ay nawawaglit unti-unti ang kakayahan nating mangusap sa kanila sa sarili nating dila? Kasabay nitó ang pagkawala nila sa ating gunita kayâ kinakailangan pa ang mga tulad ni Alexandra Trese upang mabigkas natin sila tungo sa pag-iral sa ating haraya.
Laging nása bingit na matawag na natibista ang isang tumatangkilik nang lubos sa sariling wika at kultura. Muli, walang masama kung hindi ito ito magdudulot ng makitid na pagtingin sa iba pang mga kultura. Hindi lámang talaga maiwasang maramdaman ang sigla at pananabik kapag nagkakaroon ng ganitong pananagisag.
Sa panahon na nasanay na táyo sa pagkonsumo ng mga banyagang produkto sa mga serbisyong streaming, narito ang pagkakataon upang malasap natin at maipalasap ang mga likhang haraya natin. Pagkakataon din ito upang pag-isipan ang mga ginawa at gagawin pa lámang na pananagisag sa ating mga nilalang. Marami pa táyong kuwentong magagawa mula sa ating mga mga asbang, tigbalang, patiyanak, magtatanggal, tiktik, at iba pa. Tuwing lumilikha táyo ay nagtatabi-tabi po rin táyo bílang paggalang, bílang pangangahas. Roy Rene S. Cagalingan