Mulang Alimuom 21: Ang Birong Nagsabulag

Retrato ng mga Filipinong nagtatanghal sa sirko (1910)

Sa pagbibiro, mayroon táyong ginawang suspensiyon ng ngayon. Nais nating maiba ang kasaluluyan, kahit saglit, at ipanghalili rito ang tuwa at halakhak. Tumutok ka na lámang sa mga noontime show at dito makikita ang pagkakasangkapan sa pagpapatawa upang maibsan ang iba pang problema. Pagpapatawa muna sa tanghali dahil di pa tapos ang araw hanggang dumako sa drama-balita-drama primetime naman.

Bayan nga tayong mahilig ngumiti at madaling mapahalakhak. Maganda pag-isipan kung bakit. Nakatutulong ba ito o mayroon ding di-kanais-nais na implikasyon? Kung sa pananagisag nito, halimbawa, sa Maskara ng Bacolod, hindi ba pagsusuot lamang ito ng maskara upang itago ang tunay na mukha, ang realidad ng pakiramdam?

May kakayahan din ang biro na maging subersibo. Naisisilid sa mga ito ang pagtuyâ o komento sa mga awtoridad na hindi agad-agad napapansin. Mula sa mga púsong hanggang mabisang komedyante, may kakayahan sila na sabihin ang mga hindi natin kaya sa aktuwal na búhay. At kapag binitawan na ang biro, tatawa tayong lahat kasama na ang pinatatamaan natin. Ang pagbibiro ay isang mapanghimagsik na gawain kung napakikilos nito (at napahahalakhak) ang taumbayan tungo sa mga nararapat na pagninilay at paglilitis sa kanilang lipunan.

Ngunit mayroon din namang masasamang biro. Pangunahin na rito ang tatawagin nating birong nagsabulag. Biro itong pinakakawalan sa isang okasyon upang mapalaki (madalas ang pagkakalaki) at magbigyan ng kapangyarihan ang nagbitaw nitó. Hitik ang birong ito sa tunggalian ng realidad at mapagmalabis na kagila-gilalas. At madalas, papalakpakan ito dahil sa napakinggang kagila-gilalas. Ang mga kukuwestiyon dito ay malulunod sa nasabing palakpak. 

Halimbawa, sino ba naman ang hindi hahanga sa táong magsasabi na pupunta sa ating mga isla sakay ng jet ski samantalang ang iba mga kandidato ay nakakatig sa mahinahon at diplomatikong mga sagot?

Ito lámang ang problema sa birong nagsabulag: panghahawakan ito ng mga tao bílang pangakong dapat tuparin kahit gaano pa ito kaimposibleng mangyari. Maraming karera sa politika ang nakatindig sa lupang hitik sa birong nagsabulag. At sa hulí, ilalantad ito bílang kung ano nga ito, biro. Mulang paniniwala at paghawak dito ay mararamdaman ang hapdi, ang sakit ng isang pinagtaksilan.

Ang malala, ang birong ito ay hindi magtatapos sa pag-amin na biro nga ito. Matapos ang panlilinlang, hindi maisasantabi ang katotohanang pumapalibot sa bayang naniwala sa birong nagsabulag. Napaliligiran na táyo ng sanlaksang sagisag na sumisiil sa ating kalayaang kumilos. Pinagpupugayan ang mga mananakop ng ating pinuno at pinagmumukha silang tagapagligtas. Ang mga naninindigan ay tinatanggalan ng tinig dahil kinatatakutan nila ang mga ito. Panganib, walang iba kundi nakapanghihilakbot na panganib ang naghihintay sa atin matapos maisiwalat ang biro. Narito ang salawikain mulang Pangasinan na maaari nating panghawakan:  

Say gantil, pakalaay batil.

Salawikaing Pangasinan
(Magdudulot ng panganib ang labis na pagbibiro.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: