Mulang Alimuom 20: Ang Natutuhan sa Nagdaan

Interior de la Gallera (c. 1847) ni José Honorato Lozano.

Umugong na naman ang usapin sa natutuhan nitong nagdaang linggo. Una muna, kailangangang pagpugayan ang mga tulad ni Kara David na nagpapalaganap ng mga praktikal na payo sa paggamit ng wika. Hindi madaling trabaho ang pagbabahagi para matuto ang iba dahil laging mayroong kaakibat ito na pag-usisa dahil ganito naman ang landas tungong karunungan.

Tawagin natin intong salpukang natutuhan/natutunan. Maraming salik ang patuloy na pagbabanggaang ito ng mga nalalaman. Magtukoy táyo ng dalawa para sa ating alimuom. Una na ang ating kakulangan sa pag-unawa sa nagdaan at tinatahak ng ating sariling wika. Ikalawa, ang pagkahumaling sa mga banyagang pagpapakahulugan sa ating wika. Ang hulíng nabanggit ay isa ring paraan upang maipamalas ng iba ang kanilang tinig. Minsan, napapansin din na nagpapatahimik ang mga tinig na ito. O sa ating panahong ito, ang viralidad ng mga awtoridad ang siyang umaalingawngaw at nananaig upang mapatahimik ang iba.

Pero kasama sa pag-aaral ng wika ang pagbabalik sa kasaysayan. Sa mas malayong pagsipat ay nauunawaan natin ang mga pinagdadaanang pagbabago ng wika, ng ating kultura.

Sa salpukang natutuhan/natutunan, agad kong hinagilap ang Balarila (1939)ni Lope K. Santos at hinanap ang tuntunin hinggil sa “Palabuuan ng mga Salita.” At mayroon ngang binanggit na tuntunin rito hinggil sa pagkakabit ng mga hulaping “hin” at “han” para sa mga salitang nagtatapos sa patinig na banayad (malumay na ang tawag natin) at mabilis.

At kung nais natin ang mas malayong sipat, maaari nating tingnan ang isa sa mga lahok ng “toto” na nasa Vocabulario de la lengua tagala (1754):

Tóto pp. Tiyakin ang sinasabi o ginagawa, Matoto. Kung saan o kung ano, Natotohan. Sa pamamagitan ng o sanhi. Ikatoto. Nakatoto, makamit ang inaasam. Mga singkahulugan Alam, tumpak, songdo. 

Nais kong bigyang-pansin ang pagbanghay ng “toto” (natotohan) bilang patunay na gamitin na kahit noon pa ang natotohan ng ating mga ninuno, sa kasong ito, ng mga Tagalog. Isa ring hamon ang makita ang mga paggamit nito sa ating panitikan at sa ibang mga lugar.

Pero bakit mas kilala ng ating tainga ang natutunan? Marami ring posibleng paliwanag. Marahil dahil sa paggamit nito ng ating mga kababayan sa ibang rehiyon. Malaki rin ang naging ambag ng midya kayâ nasanay na ang ating mga tainga rito. Maaari rin nating tahakin ang paghango sa mga naging pag-usbong ng “natutunan” sa ating mga diksiyonaryo at panitikan upang maunawaan natin ang naging tiyempo nito sa ating kasaysayan.

Sa dulo, mahalaga pa rin na manatiling mahinahon sa mga salpukan tulad ng natutuhan/natutunan. Hindi kailangang mamahiya o magbuhat ng sariling bangko para lámang maiangat ang mga pangangatwiran. Pagnilayan natin ang kasaysayan at agham ng mga bagay-bagay. Kasama tayong lahat sa usapin sa wika. Hindi ito pagbubukod sa nalalaman kundi pagtitipan. Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: