
Marami sa atin dito ang lumaki sa bansag na “unang bayani” kay Lapulapu. Sa ating mga textbook, may kaakibat pa ang ilan sa mga ito ng imahen ng datu ng Mactan. Madarama doon ang tapang, bagsik, at marangal na hinahon sa mukha ng pinunong nása katamtamang edad. Naitatak sa atin na siya ang nauuna sa salaysay ng kabayanihan ng mga Filipino. At may mukha ang kabayanihang ito para sa ating gunitang biswal.
Sa patuloy na pagdiriwang ng quincentennial at sa ika-500 anibersaryo ng Tagumpay sa Mactan noong 21 Abril, nailagay na rin marahil sa atin ang idea at hitsura ni Lapulapu bílang isang mas nakatatandang pinuno. Kung mas eksakto, batay sa mga talâ, 70 taóng gulang na siya nang mangyari ang labanan sa Mactan. Medyo matanda na para paslangin nang personal si Magellan.
Kayâ bakit táyo nahumaling o nauwi sa pagbuo sa kaniyang imahen bílang bata at makisig na pinuno? Bakit kayâ sina Lito Lapid at Aljur Abrenica ang gumanap sa kaniya noong 2002 at 2010?
Biro ang hulíng tanong. Pero sa una, pinakatuwirang sagot ay dahil wala naman táyo kasing pinanghahawakang hitsura ni Lapulapu. Sa labanan ng mga imahen, madaling napaalala ang ginawang “pagtuklas” ni Magellan dahil naitalâ ni Pigafetta ang kanilang paglalakbay kasama na ang sanlaksang dibuho ng manlalakbay na Portugues. Naiwan táyo sa ating haraya para mabuo at mapaunlad ang imahen ni Lapulapu.
Kayâ hanggang ngayon, ikinakasangkapan pa rin si Lapulapu. Patunay ang nagdaang linggo sa kawalan natin ng nalalaman sa kaniya. Ang bayaning walang malinaw na imahen ay nagagamit ng mga pinunong huwad para sa kanilang makasariling interes. Madali siyang ihalintulad ng mga sipsip sa mga baluktot nilang pinuno. Madaling gamitin ang mga di-mapagtitiwalaang salaysay sa kaniya para sa mga tatawagin kong insert-politiko-speech–here sa mga dalisay sana nating paggunita.
Paano kayâ natin mabubuo ang isang walang naiwang malinaw na imahen? Gamitin natin ang isang Sebwanong salita para dito, ang hulagway.
Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010), makikita na mula ang hulagway sa pagsasama ng hulad (tulad o katulad) at dagway (mukha, hitsura) na pumapatungkol sa retrato o portrait. May lahok din dito hinggil sa “larawan sa isip ng isang wala o nasa malayo.” Ayon sa diksiyonaryo ni Wolff (1972), ang hulagway ay isang imaheng nabubuo sa isip. Sa ating pagbuo ng hulagway ni Lapulapu, magagamit natin ang diumano’y sinabi niya nang bantaan ni Magellan sa mga sugat na malilikha ng mga lansetang Español:
Mayroon kaming mga kawayang lanseta at mga sibat na pinatibay sa apoy.
Wala mang naiwang imahen si Lapulapu ay mapanghahawakan natin ang kaniyang sinabi. (Dagdag: sana ay maisalin o makuha ang bitaw na ito sa Sebwano). Ito na marahil ang pinakaunang pagtuligsa sa pananakop sa ating kasaysayan. Ang posibleng batayan kung bakit natin siya pinagpupugayan bilang unang bayani kahit wala pa noong Filipinas. Minsan, masusukat mo rin ang kabayanihan sa mga salita, sa kakayahang magsalita kapag kinakailangan. Roy Rene S. Cagalingan