
Hinahanap ko ang salitang “panatag” sa lumang diksiyonaryo. Wala roon. Sa mga ganitong pagkakataon, madaling sabihin na kung wala ang salita, marahil wala ang konseptong karga-karga nitó. Salamat na lámang sa iba pang kalapit na salita kaya nakapunta ako sa “patag” na nagturo sa“pantay” at “banayar.” Narito ang kanilang mga lahok sa Vocabulario de la lengua tagala:
Pantay. pc Pantay, pareho, katulad. Pumantay, nagpapantay. Makipantay, magpanggap na pantay. Magpantay, maging pantay ang dalawa. Katulad din ng sumusunod. Magpantay, pantayán, pantayín. Pantayin, kung ano. Ipantay, kung ano ang ipantay sa iba. Pantayan, kung sino. Pagpantayin, dalawa o higit pang bahay. Magkapantay, maging pantay ang dalawang bagay. Kapantay, kapantay sa iba.
Banayar. pp. Kapayapaan, pahinga, banayad, mabait, magalang, katamtamang hangin. Banayar na loob, Hangin, Agos, Lupa, Bondok, atbpa. Magbanayar, gawin o magsalita nang malumanay. Banayarin mo, o pakabanayarin ang paggawa mo, malumanay mong maisakatupuran ang iyong mga gawain. Para sa tao o ukol kay, Pagbanayaran. Banayar ang dagat, tahimik ang karagatan. Banayarin mo ang pagsisimbahanan. Patagin upang pagtayuan ng simbahan.
Noong una, nais ko na sanang ilaglag ang “pantay” sa paghango ng konseptong mailalapat sa ating sitwasyong politikal. Napapihit ako pabalik dahil kapuwa maaaring magamit ang dalumat ng “pantay” at “banayar” para sa kalagayan ng ating mga isla.
Pumapatungkol ang “pantay” sa pagkilala sa mga pagtutulad ng mga bagay-bagay. Kinikilala mo na walang nakalalamang dahil lahat naman ay may pagtutulad. Sa pagpapantay, nakikita ang pagkilos upang maalis ang kawalan nitó. Isa rin itong hangarin na marating ang estado ng pagkakapantay-pantay.
Samantala, ang “banayar” naman ang posibleng resulta matapos magpantay-pantay (o magtangka tungo sa pagkakapantay-pantay?) ang mga bagay. Estado itong kaasam-asam dahil naghahari ang kapayapaan sa pakiramdam ng lipunang nakadarama nito. Kung magbabanayar, ginagawa ang mga bagay o nagsasalita nang dahan-dahan at maingat. Akmang-akma ito sa mga pinuno ng mga sinaunang lipunan at hanggang sa kasalukuyan. Dahil iba ang makupad at pabaya sa isang mabanayar magpasiya.
Pansinin din ang pandagat na banggit nitó sa kasabihan na “banayar ang dagat.” Kailan nga ba nawawala ang banayar sa dagat? Kapag nawawala ang tahimik, ang payapa. Kapag hindi ka na makapunta sa mga pook na buong búhay mong pingisdaan at pinangisdaan ng mga nauna sa iyo. Kapag nararamdaman mong napalilibutan ko na at wala kang magawa. Nawawala ang kapanatagan sa loob ngayong nása bingit táyo ng pananakop dahil sa mga pagtatakwil at di-mabanayar na pananalita.
Kapag walang pagkilos tungo sa pagkakapantay-pantay at pananaig ng banayar, nauuwi táyo sa kawalang-panatag. Hindi lamang mga isla ang nawawala rito, mayroon ding mga islang naglalaho sa loob natin. Roy Rene S. Cagalingan.