Mulang Alimuom 17: Tungo sa Maginhawa

Little Girl Holding a Small Flag
Maynila, Filipinas, 1945

Higit isang taon nang sumalakay ang pandemya at parang mas lumalala pa ang ating kondisyon. Nariyan ang pangako ng bakuna ngunit kalaban natin ang panahon at mga mapagsamantalang puwersang ginagawang sandatang politikal ito. Tumataas ang mga kaso at punuan na ang mga ospital. Sa likod ng mga numero ang mga pangalan ng mga kapuwang tulad natin ay pinagkaitan. Tuloy ang lingguhang “talk show” pero wala namang nangyayari kundi pananakot at pagpapamalas ng nasugatang pagkalalaki. Sa panahon ngayon, anumang kapiranggot na mabuting balita ay tatanggapin na natin. Kailangan kasi natin ng pag-asa dahil kahit ito ay ipinagkakait sa atin.

Kayâ marahil may dulot na gaan sa dibdib ang nagpapatuloy na kuwento ng Maginhawa Community Pantry na pinasimulan ni Patreng Non. Tangan ang islogan na “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha ayon sa pangangailangan,” kumakalat na ang konseptong ito sa iba’t ibang pook sa Filipinas.

Nataon lámang marahil na sa Maginhawa umusbong ang konseptong ito na tugma sa magiging saglit nating pagsilip sa salitang ginhawa. Ano nga ba ang ginhawa? Narito ang lahok sa Vocabulario de la lengua tagala:

Ginháua. pp. Ginhawa, bumuti, pahinga. Ito ay salitang-ugat na ang gamit ay tulad ng pang-uri: Ginhawa kayong lahat.

Kasama na sa lahok ang mga pagbabanghay na guminhawa, iginhawa, magpaginhawa, ipinagpapaginhawa, pinagpapaginhawahan, kaginhawan, kaginha-ginhawa.

Ganito kahalaga ang ginhawa. Tila hindi maihihiwalay sa paghinga. Kung wala ito ay nakahilig na sa nakahihindik ang ating pag-iral, isang pag-iral na malapit sa kamatayan. Mapapansin din na nakakawing ang marami sa banghay tungo sa pagdudulot nito sa kapuwa. Hindi lámang pansarili kundi sa iba pang katulad natin na nakasalalay ang pag-iral sa pagdanas ng ginhawa.

Mamumulaklak pa lalo ang naitanim na kamalayang maginhawa sa pagsiklab ng Himagsikang Filipino noong 1896. Sa utak ng ating mga rebolusyonaryo, matapos mapatalsik ang mga Español ay magtatayó ang mga Anak ng Bayan ng isang makatarungang lipunan. At pangunahing paalala ni Emilio Jacinto sa kaniyang Liwanag at Dilim ang sumusunod na tungkulin sa mga pinuno:           

Ang kaginhawahan, wala na kundi ang kaginhawahan ng Bayan, ang siyang talagang katwiran at kadahilanan, ang simula’t katapusan, ang hulo’t wakas ng lahat ng katungkulan ng mga tagapamahala.

Isa lámang instrumento ang mga pinuno upang magkaroon ng ginhawa ang bayan. Na malayo ngayon sa isip ng ating mga huwad na pinunong pinagpipistahan ang kaban ng bayan at nagtutuloy sa kanilang mararangyang pamumuhay. Maginhawa sila sa harap ng ating mga paghihirap. Batay sa kanilang huwad na pag-unawa sa pribilehiyo, sila dapat lagi ang mauuna sa pagtamasa ng ginhawa.

Makikita nating isang pagbawi ang Maginhawa Community Pantry sa ginhawang ipinagkakait sa ating kapuwa. Bilang konsepto, ang paglaganap ng kamalayang maginhawa ay isang ring pagbabalik sa mga panahong hindi para sa iilan lámang ang ginhawa. Sa pagtutuloy at pagpapayaman ng konseptong ito, malapit nawa tayo sa kasalukuyang kahulugan nitó sa diksiyonaryo.ph:

gin·há·wa. png. Pil Sik [ST] ang mithing kalagayan ng tao kapag walang kapansanan o malusog ang katawan, walang masamâng ugali o malinis ang puso, walang ligalig o maganda ang kabuhayan o pamumuhay, at walang hanggahan o hindi natatakdaan ng gulang, kasarian, lahi, yaman, pinag-aralan, at anumang pag-uuri ang pagsulong sa búhay.

 Tila isang paraiso o utopia na ang lipunang pinaghaharian ng ginhawa. Pero kailangan nating maniwala na maitatatag natin ito hindi lamang para sa atin, kundi para sa mga susunod sa atin. Tulad ng paraiso, hindi hinihintay ang ginhawa kundi ginagawa. Atin pang pamulaklakin ang sanlaksang Maginhawa Community Pantry. Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: