Nayakap ka na ba nang mahigpit?
’Yung tipong kusang sumisikip ang tadyang mo sa tibay ng mga brasong kumukulong sa iyo?
Nanamnamin ang eternal na sandali sa pagpapadamá ng pag-ibig, at likás na sa iyong kumawala para maghagilap ng hangin.
Sapat na ang isang saglit.
Ngunit hindi ganito ’pag Covid positive.
Nakadagan sa bagà ang nagsasabulag na bigat; aasa sa likás na paraan ng katawan sa adkisisyon ng oksiheno.
Makapigil-hininga.
Marso 20, 2021 nang lagnatin ako at makalipas ang anim na araw, kumpirmadong positibo. Sa lahat ng nakalistang mild na sintomas na itinalâ ng World Health Organization, tanging kawalan ng panlasa ang hindi ko naranasan. Ngunit higit sa pisikal na manipestasyon ng paglaban ng katawan sa virus, mas mabigat at pangmatagalan ang pangamba. Lalalâ pa ba ang sintomas ko? Punuan na sa mga ospital; malaking abala at hirap sa paghahanap ng pasilidad na maaaring mag-alaga sa akin kapag nagkataon. Sino’ng mag-aalaga? At siyempre, saan ako hahagilap ng pera?
Ayokong maisama sa estadistika ng mga nasawi, kayâ katawan, kayahin natin ito.
Noong Marso 24 ko naramdaman ang hírap sa paghinga. Masakit ang likod, naninikip ang dibdib, naghahabol ng paghinga. Masakit sa bagà kapag huminga nang malalim. Kumikirot ang puso. Ilang araw na ganito. Ang tanging pampagaan ay ang pagtulog nang nakadapa. Nakaramdam ako ng kaunting ginhawa.
Inadmit ako sa quarantine facility mulang 27 Marso 2021 hanggang 5 Abril 2021. Patakaran sa Maynila na kapag mild na kaso ay madala sa quarantine facility upang maiwasang makahawa sa iba. Maayos ang pasilidad na pinagdalhan sa akin at natutugunan ang mga kailangan namin. Regular ang pagtsek ng vital signs at 24/7 ang doktor na maaari mong kausapin kapag lumalâ ang nararamdaman mo.
Ngunit may mga pakikipaglabang tanging ikaw at ang sarili mong katawan ang kailangang humarap. Sa pagtulog, dumadalaw ang pangamba–
Sasapat pa rin ba ang simpleng pagtulog nang nakadapa?
Malalagot ba ang hininga sa pagtulog?
Magigising pa kayâ ako?
Ilang gabing ganito.
Kayâ hábang gising, itinutuon ko ang buong atensiyon sa paghinga. Sa bawat paglanghap at pagpapalabas ng hangin. Bawat saglit.
Ang bawat paghinga ang patunay na narito pa ako, buháy.
Kasalukuyan akong naka-home quarantine hábang isinusulat ito. Naroon pa rin ang pangamba na humina ang immune system at lumalâ ang kalagayan. Gabi-gabi, dinadalaw pa rin ng pag-aalala hinggil sa paghinga kayâ palaging napupuyat. Hiráp sa pagtulog o takót matulog. Marahil pareho.
Itong karanasan ko sa COVID ay hindi kumakatawan sa milyong karanasan ng mga kumpirmadong kaso. Nakabitin sa panganorin ang dalamhati at pangamba dahil sa sakít na ito. Hindi nakasasapat ang mga salita upang mailarawan ang karanasan, na bukod sa pagpinsala sa katawan, ang mga nasawi ay napagkakaitan pa ng marangal na pagpapaálam.
Maria Christina Pangan