Mulang Alimuom 16: Pakikinig sa “Gabay”

Hindi maiiwasan ang kasalukuyang pagbubunyi sa paglabas ng “Gabay” ni KZ Tandingan para sa Raya ng Disney. Ipinagdiriwang ang pagiging una nitong awiting nása Filipino na tampok sa pelikula ng Disney. Artikulo sana ito hinggil sa patuloy na “disneypikasyon” ng ating kultura pati na ng mga iba pang katutubong kamalayan. May kinalaman ito sa  pagpapatakbo ng makinarya ng dambuhalang kompanya sa pamamagitan ng paglikha ng mga naratibo mula sa iba’t ibang kultura ng daigdig. Sa maikling salita, apropriyasyon. Mula sa mga katutubo ng America hanggang Polynesia, nagagamit na kasangkapan ang iba’t ibang aspekto ng kultura upang kumita sa ngalan ng sining at aliw.

Ngunit marami na ring nasabi hinggil dito at hindi naman titigil ang kompanya sa paglikha at “paghango” mula sa mga salaysay ng daigdig.

Mas mahalaga maisip kung bakit táyo nagbubunyi sa mga ganitong paglalaan ng atensiyon sa atin ng mga banyagang kompanya.

Una na marahil ang Pinoy Pride, na sa totoo, kapag binalatan ay magsisiwalat sa ating malalim na pambansang imperyoridad. Imperyoridad naman itong nagmumula sa ating mababaw na gunita1. Mababaw ba ang ating gunita dahil tinuruan táyo na magkaroon ng mababaw na pagtanaw sa ating kasaysayan? Marahil. Dahil mababaw ang gunita, madali tayong mahalina sa mga madaliang pampasigla sa ating kinupkop na imperyoridad. Kayâ magbubunyi táyo kapag may contestant na may katiting na dugong Filipino sa mga timpalak sa pag-awit sa America. O kung may magwawaging atleta2 sa kung anumang kompetisyon sa labas ng bansa. Nagsasalpukan ang pakiramdam ng imperyoridad sa ating loob at ang sariling pílit na gumugunita sa mga dapat na ipagmalaki.

Ganito rin ang “Gabay.” Naliligayahan táyo dahil pakiramdam natin ay nabibigyan ng pagkilala ang sarili nating wika. Masaya nga táyo sa ganitong paggamit ng wika sa entablado ng daigdig, samantalang hindi ganito ang realidad ng sariling wika sa bansa. Ikinatutuwa natin ang global na representasyon habang nagtutuloy ang pagbibigay ng pribilehiyo sa Ingles sa banyagang barangay ng mga utak ng elit.

Sa dulo, panonoorin pa rin natin ang Raya sa wika ng mga gumawa nito. Mayroon lamang tayong kagiliw-giliw na token para mas tangkilikin pa ito. Muli, maituturing pa ring tagumpay ang pagkakaroon ng mga ganitong puwang para sa sariling wika. Tagumpay rin ito ng tagasalin3 na tila nagsabulag sa mga PR hinggil sa “Gabay.” Matapos, hámon lagi ang higitan ito at magsimulang humugot ng sariling awit mulang gunita at natanim na imperyoridad.—Roy Rene S. Cagalingan

MGA TALA

1Pakibása po ang mga akda ni NA Virgilio S. Almario hinggil sa pambansang gunita. Simulan sa Ang Tungkulin ng Kritisismo sa Filipinas.
2Halimbawa, ang salpukan ngayon sa isyu ni Wesley So. May mga nagagalit at natutuwa sa pagpapalit ng nasyonalidad. Manipestasyon din ito ng ating pambansang imperyoridad. Checkmate.
3Sino nga ba ang tagasalin ng “Gabay?” Dapat siyang kilalanin dahil kaisa ang tagasalin bilang awtor ng teksto.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: