
Aaminin ko na hindi pa ganoong katalik ang ugnayan ko sa aking bisikleta kompara sa motor. Mas marami na kasing biyahe sa hulí kaysa nauna at mas marami nang balibag1. Hulí man ako sa pagbibisikleta, maituturing na rin na pagtutuloy ito sa gawain noong pagkabata. Mula sa mundong iyon ng pagkabata, humahagibis ang bisikleta tungo sa pagtanda at sa mga realidad nito2.
Bukod sa kakayahan nitong lumusot sa katakot-takot na trapik ng lungsod, minahalaga ko ang paalala ng bisikleta na maging kaisa ng sandali. Nakalalayo ako sa nakapapagod na ningning ng iskin na kaharap sa araw-araw. Madalang ka namang makakita ng mga siklistang laging babad sa kanilang mga smartphone. Kasi kung hindi mo pahahalagahan ang sandali, ang katawan mo ang magbabayad dito3.
Sa pagkawala sa pagkakagapos sa iskrin, naibubukás ngayon ang sarili upang harapin ang sandali kasama na ang mga pagitan rito. Iba ang pakiramdam sa paglanghap ng iba’t ibang samyo ng lungsod4. Naroon din ang lukso ng dugo tuwing lumulusot sa mga puwang ng sasakyan at kaakibat na peligro. Isama mo na ang hanging humahampas at ang kinang ng pawis sa balát. At palagi, ang hiningang naghahabol at ang katawang may kaunting kirot sa ginawang pagpapakilos. Kasama na rito ang matalik na laro ng ahon at lusong na pinagkukunan ko ngayon ng pamagat ng bágong kolum hinggil sa mobilidad, pagproseso sa ating mga lungsod, at ilan pang mga pagninilay.
Una nang isasabak sa ahon-lusong ang isang pook na malapit sa akin dahil sa heograpiya at pagkabata, ang McKinley Hill. Mula sa aming munting barangay dito sa Buting, Pasig, madaling mapupuntahan ang McKinley kasama na ang BGC at iba pang “sagisag” sa ating pag-unlad5. Malapit din sa pagkabata dahil noong unang panahon, naalala ko pa ang mga pook na ito bilang kampo ng militar na may malalawak na espasyo. Alaala ito ng mga nagpapalipad ng saranggola, maaliwalas na parang, barbed wire, at sinaunang dahas ng militarisasyon na di ko pa nauunawaan noon.
Mula sa amin, paunang hámon ang elevated u-turn sa C-5 na naitindig noong panahon ni Bayani Fernando sa MMDA. Hanggang ngayon, dito lang yata sa C-5 mayroong ganitong klaseng magkaharap na U-turn6. Sa paglusong ko sa unang u-turn ay nalaglag ang aking backlight kayâ kinailangan ko pang gamitin ang ikalawang u-turn upang makabalik sa una. Nabalikan ko naman ang pailaw at wala namang pumulot nito.
May kaunting ahon muli sa tapat ng Market! Market! na isa ring kinalakhang mall ng marami dito sa bahaging ito ng Taguig, Pateros, at Pasig. At matapos ang tila mas pangmasang halina ng Market! Market! ay lulusot ka sa madilim (at mapanghing) lagusan7 tungo sa mas “upscale” na SM Aura. Mula sa panghi ay ang aliwalas ng hangin at paalala na kailanma’y di ako mapabibilang sa mga uring di kailangang lumanghap ng mga di-kanais-nais sa lungsod.
Matapos, ang kaunting lusong kasama ang ilang skater lagpas sa gasolinahan. Tanaw ang embahada ng South Korea at ang paghahandaang pagkanan sa stoplight. Ito ang unang pagsubok sa pasalakay sa buról ni McKinley. Sa isang nagsisimula tulad ko, na nása pinakamababang gear na, ay pagsubok talaga ang pag-ahon. Habang iniisip ko si McKinley, ang pangulo ng America na namatay sa kamay ng asasino8 .
Habang at matapos ang ahon, makikita na ang impluwensiya sa disenyo na gumagabay sa McKinley mula sa paggamit ng villa at sa mismong pagpapangalan ng mga pook tulad ng Tuscany at Venice Grand Canal Mall. Tila inaangkat ang sensibilidad ng mga Europeo, partikular ang mga Italiano, at ipinamamalas at ipinararamdam sa tumutunghay. Paano pa kayâ ang pakiramdam ng mga nakatira rito. Ano’ng sensibilidad at katwiran ang umiiral sa mga nakatira sa inangkat na pag-iisip? Mahilig kayâ sila kay Dante, Calvino, at Pavarotti9?
Lagpas ng mararangyang kainan at ilang paalala sa mortalidad (Mercury Drugstore) ay matutunghayan nga ang mukha ng Venice Grand Canal Mall. Nakakatuwang isipin na dinadayo ang pook na ito partikular sa muling-paglikha nito ng tanyag na kanal ng Venice10. Naghahandog ang pook na ito ng tanawin at pagtanaw sa mga bagay na mahirap marating at makita ng mga ordinaryong tao. Mas marami pa siguro tayong aasahang mga ganitong pook sa hinaharap.
Bago ang hulíng ahon ay nakatutok na ako sa sariling hapo at ilan pang pagninilay nang di ko mamalayan ang pakanang puting van. Gahibla ko lamang itong naiwasan sa tulong ng dalawang brake at ang wagas na paglagutok ng mga ito. Paalala sa mga nagbibisikleta at nagmomotor sa pagsasabulag natin11.
Sa hulíng ahon, mas mainam na huwag nang biglain ang sarili. Mainam ang pedal na mas mabagal pa sa pagkakamit ng katarungan sa bansa natin. Hanggang unti-unting matanaw ang mga bungi-bunging liwanag sa mga gusali ng call center sa bahaging ito ng BGC. Aahon akong may kaunting kabog sa dibdib. Titigil saglit sa hanay ng mga naghihintay ng sasakyan pauwi at mga naninigarilyo. Kapuwa ko ginagawa ito noon. Maya-maya ay dadaanan ko ang sementeryo ng mga Americano at posible ngang patuloy na nakatira táyo sa tabi at labi ng sementeryong ito.—Roy Rene S. Cagalingan
MGA TALA
- Sa motor ko ngayon, kay Minokawa, nakadalawa na ako. Sana dalawa na lamang. Tatlo sa nagdaang scooter. 15,611km na rin ang natakbo kay Mino. Sayang at walang odo ang aking bisikleta.
- Bunga na rin ng pandemya. Marami tayong tumanda at nagtanda sa pandemyang ito.
- Pagpupugay muna sa mga nagdedeliver gamit ang kanilang bike. Naiinis pa rin ako sa mga dumadali sa mga siklista sa daan. Sa mga hindi marunong magbigay sa bike lane. Sa mga naghahari-harian dahil nasa sasakyan. Sa ideal na lungsod, walang ganoong nasasaktang siklista kundi yaong mga umiibig.
- Kasama ng samyo ang panlasa. Malalasahan mo talaga ang lahat sa lungsod kapag nagbibisikleta at nagmomotor. Kasama na sa paborito ko ang misteryosong amoy ng sampaguita, ang mga factory ng kape at tsoklate, at mga tinapayan. Sa masasangsang, sa susunod na tayo maglista.
- Sa kaso pang ito, mga lungsod sa loob ng ating mga lungsod.
- Na kung tutuusin, mainam na gawing lunsaran ng performance art. May motoristang iikot dito hanggang maubos ang gas at tatawaging hindi totoo ang mobius strip sa bayan kong mahal ang gas. Puwede ring walang-hanggang alay-lakad ang gawin.
- Sumunod na hámon rito ang kayang magslow-waking rito nang walang face mask. Sabi nga nila, laging may hangin at the end of the tunnel or there is a panghi that never goes out sa C-5.
- Sa panahon din ni McKinley (1897—1901), nabili ng America ang Filipinas at inilatag ang iba’t ibang patakaran sa pagtupad ng kanilang mga “dakilang” layunin para sa daigdig.
- Idagdag na natin ang hilig sa Vespa at sa naturalisado nating ispageti.
- Tinatawag pa nga itong “most romantic mall,” ayon sa kanilang website. Mas romantiko nga naman kung may naiangkat kang pananagisag na laging nasa mga banyagang pelikula. Dapat humabol dito ang ibang developer dahil isa lamang ang dapat na may hawak ng koronang ito. Labanan na ng mga aparatong panromansa.
- Totoo, sa lungsod, táyo ang mga nagsasabulag o imbisibol. Mas sanay sa hitsura ng mga kotse ang nagkokotse. Isang regalo at sumpa ito para sa atin. Ang nakakatakot, mas marami tayong nagsasabulag kaysa mga nakakotse.