
Naging matunog sa social media ang pelikulang Fan Girl (2020) ni Dir. Antoinette Jadaone sa nagdaang Metro Manila Film Festival (MMFF) hindi lang dahil sa mga gantimpalang nakamit nito kundi dahil sa malubhang antas ng pamimirata sa nasabing pelikula. Bilang tugon sa online piracy, sabay-sabay na naglabas ng kampanya at pahayag laban sa piracy ang mga prodyuser at limang production companies na bahagi ng malaking produksiyong ito sa social media.
Ang paglubha ng online piracy sa Filipinas, lalo nitong panahon ng pandemya, ay pinatutunayan ng isang sarbey na kinomisyon ng Asia Video Industry Association’s (AVIA) Coalition Against Piracy nitong Setyembre 2020 na naglahad na tumaas sa 53% ang antas ng online piracy sa Filipinas (Cabaero, 2020).
Sa mga ulat na ito, madalas na naitatampok ang mga pirata bilang deviant sa lipunan o minsan ay bilang mga parasite sa industriya ng pelikula. Inilahad ni Dr. Michael Kho Lim (2018) na isa sa mga dahilan ng ganitong dominanteng pagtingin ay dahil pangunahing tinatalakay ang piracy mula sa perspektiba ng mga prodyuser lamang—ng mga taong nag-invest ng pera sa pelikula upang kumita mula rito. Dulot nito, naitatampok ang mga pirata bilang kaaway ng copyright, o banta na nagpapalugi at nagnanakaw sa mga lehitimong negosyo. Palagi rin itong binibigyang-kahulugan sa usapin ng economic value o ng kasalatan nito. Kung kaya, tinatawag itong lost revenue para sa mga prodyuser at media conglomerates (sinipi si Lobato, 2009).
Bilang kontrapunto, mahalagang pag-aralan at taluntunin ang perspektiba ng pirata—na isang kakatwang uri ng konsumer na hindi nagbayad para sa serbisyong makapanuod ng pelikula—upang mabatid ang mga panlipunang realidad o mga salik na nakaaapekto sa patuloy na paglago ng ganitong kultura, lalo sa konteksto ng pandemya at digital economy. Ayon nga kina Ramon Lobato at Julian Thomas (sinipi ni Lim, 2018), ang piracy ay isyu rin ng presyo at akses.
Kakakabit ng pagbibigay-diin sa pananaliksik sa piracy, mula sa perspektiba ng pirata, ay ang pangangailangang pag-aralan at talakayin ang ugnayan ng digital film pirates sa kabuoang proseso ng komodipikasyon (produksiyon/prodyuser at distribusyon/distribyutor), kaugnay ng pelikulang Fan Girl (2020) ni Dir. Antoinette Jadaone.
Sa panahon ng pandemya at digital age, nagbabago na rin ang models ng pamimirata at komodipikasyon. Dati, linear ang release pattern dahil may agwat na 90 araw ang theatrical at digital release (Ayanbadejo, 2020). Ngunit sa kasalukuyang panahon ng pandemya na digital at globalisado na ang idea ng ‘premiere’ ng mga pelikula, nagiging non-linear na ang release pattern at mas bumibilis ang distribusyon at reproduksiyon ng pirated film.
Nagbabago na rin ang ugnayan ng pirata sa prodyuser at distribyutor na bumubuo at nagpapaikot sa proseso ng komodipikasyon. Sa perspektiba ng mga prodyuser at negosyante, parasitiko ang ugnayan ng pirata sa prodyuser dahil ang tanging nakikinabang lamang sa ugnayan ay ang pirata na nakaaakses ng libreng pelikula; at ang mismong akto na ito ay nagdudulot ng damage sa panig ng mga prodyuser at negosyante. Gayunman, kung gagamitin ang konsepto ng Participatory Culture sa pag-aaral ni Felix Brinker (2016) upang suriin ang ugnayang ito, animo’y nagbabago rin ang role na ginagampanan nito sa proseso ng komodipikasyon: ang pirata ay nagsisilbi ring prodyuser (lumilikha ng film reviews, gumagawa ng fan art) at distribyutor (nagmamarket at nagdidistribyut ng pelikula upang maakses at tangkilikin din ito). Sa ganoong pakiwari, hindi na lamang parasitiko ang ugnayan ng dalawa kundi mutualistic.
Bago maging prodyuser, ang pirata ay konsumer muna na nagkaroon ng (libre ngunit ilegal na) akses para mapanuod ang pelikula. Pagkatapos, nagkakaroon na ito ng kapasidad na maging prodyuser, o influencer sa isang banda, kapag nailalako nito ang pelikula sa iba, sa pamamagitan ng film reviews at criticisms. Sa digital age, ang sinumang nagkaroon ng akses at nakapanuod ng pelikula ay mayroong say dahil nademokratisa ng social media ang kapangyarihang magbahagi at makaimpluwensiya; at dahil nademokratisa na rin ng piracy ang distribusyon at akses sa pelikula.
Bukod dito, masasabi ring nagkakaloob ng free labor ang pirata upang makaangat at mangibabaw ang partikular na pelikula sa nagkalat at nagtatagisang media content sa iba’t ibang plataporma. Sa mga salita ni Dr. Michael Kho Lim (2018):
“For instance, piracy may actually yield profits from product placement and merchandising. The box-office gross maybe smaller and eventually pull down the total return on investment but piracy helps its film “victims” attain a wide audience reach. Pirates serve as “invisible agents of cultural diversity” (sinipi si Lobato, 2012) and see their activities as a form of industry promotion rather than competition (sinipi si Crisp, 2015). Hence, Lobato (2012) sees piracy as brand awareness more than theft because it opens new avenues for commercial exploitation.
“As such, piracy can be regarded as a great publicity and advertising tool (sinipi si Lobato, 2009), which can be charged to marketing expense. Since marketing campaigns are measured in terms of audience mileage, piracy may even add value to the film’s existing advertising deals that will eventually increase its other income-generating avenues.”
Kung isasakonteksto ang mga kaisipang ito sa ‘matagumpay’ na pelikulang Fan Girl, ang mismong akto ng pagdidiin ng mga prodyuser at production company na napirata ito, sa isang banda, ay nagsisilbing (1) isang patunay na naging popular ito sa mga manonood at nakatamo ng malaking atensiyon mula sa publiko; (2) isang promosyon upang mabitag ang kuryosidad ng publiko na panuorin ang pelikula; (3) at isang paanyaya na panuorin din ito upang maka-relate sa kulturang popular.
Bukod sa epektibong digital marketing, maaari ding tingnan ang konsepto ng Participatory Culture sa pag-aaral ni Felix Brinker (2016) upang tingnan ang bahagdang naidulot ng mga pirata na nagsisilbing prodyuser at distribyutor upang matamo nito ang mataas na antas ng popularity at virality. Kaugnay ng nabanggit ni Dr. Michael Kho Lim sa sinipi sa itaas, gayong hindi nakatutulong ang piracy sa pagpapataas ng economic value ng isang pelikula, nakapagbibigay ito ng ambag sa ibang pamamaraan: sa pagpapataas ng cultural value, visibility, at accessibility ng pelikula. Binigyang-elaborasyon niya ito:
“In a way, it is of lesser evil to be pirated than to be invisible especially in today’s attention economy. Piracy strengthens the film’s presence in popular or mass culture, which in turn increases the film’s cultural value (sinipi si Jenkins, 2004) and may boost the film’s economic value in the long run (sinipi si Tryon, 2009). Thus, I argue that there is value in piracy that we tend to overlook. There is an invisible and undefined value that piracy brings to being visible despite the absence of (immediate) monetary returns. It is these “invisible income-generating activities” that informal economy research aims to uncover (sinipi si Lobato, 2012).”
Sapagkat naging visible ito, nagkaroon ng akses ang masa; kaya naman, naging mabilis din ang pagpo-promote sa pelikulang ito. Isa sa mga naging gampanin ng pirata, bukod sa pagiging konsumer, ay ang pagiging prodyuser. Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng nilikhang film reviews ng mga pirata. Sa katunayan, nagkapitalisa rin dito ang Black Sheep. Kung titingnan ang kanilang Facebook page, makikita ang isang album na pinamagatang “What People Are Saying About Fan Girl.” Binubuo ito ng screenshots ng maiikling reviews na ipinost ng netizens sa iba’t ibang social media platforms.
Sa pagiging popular din ng pelikula ay nakabubuo ito ng solidong fan base, na pinagkakakitahan ng mga negosyante sa pamamagitan ng paglalabas at pagbebenta ng iba pang merchandises, labas sa kitang naakumula sa movie tickets. Una na rin itong napatunayan ni Jadaone sa kaniyang pelikulang That Thing Called Tadhana, ayon kay Dr. Michael Kho Lim (2018):
“Piracy has not hindered its filmmaker Antoinette Jadaone from coming out with a DVD release and publishing the screenplay and an actual storybook that the film characters worked on together. These films have created a solid fan base and strong following that audience continues to support and patronise their ancillary products. As Jenkins notes, fans treat intellectual property as shareware that accumulates value, as it moves across various contexts. In fact, piracy has generated a lot of buzz for the film, which propagated the film’s popularity further. This in turn has also increased Jadaone’s reputational capital, which has given her a number of consecutive film projects with big film outfits like Star Cinema.”
Kung iuugnay ang isyu ng piracy sa politika at ekonomiya, maiuugat ito sa tunggalian ng mga uri at sosyo-ekonomikong realidad ng lipunan. Sa konseptong papel na ito, ang perspektibang nais na palitawin ay ang perspektiba ng pirata, ng itinuturing na deviant sa lipunan. Kontrapunto ito sa karaniwang pagtalakay sa piracyna ang ubod ay nakasentro sa isyu ng copyright, na pinangahahawakan ng negosyante upang mapangalagaan at mamaximize nito ang kita sa pelikula, sa kabila ng katotohanang ang piracy ay isyu rin ng kawalan ng akses at kasalatan dulot ng sosyo-ekonomikong estado ng pirata sa lipunan.
Sa pagdalumat ni Raymond Williams (1973) sa modelo ng Base-Superstructure, mahalaga ang kaniyang insayt tungkol sa kakayahan ng isang alternatibo at oposisyonal na perspektiba na pumainlalang laban sa dominanteng ideolohiya, kultura, at uri. Ang base na binubuo ng ugnayan ng pirata (konsumer), prodyuser, at distribyutor ay hindi nagtatakda ng iisang kultura o ideolohiya lamang. Maaaring mayroon nang superstructure o dominanteng ideolohiya sa ugnayan ng mga ito ngunit maaari itong hamunin at mapalitan sa pamamagitan ng mas masusing pananaliksik sa informal film economy at pagpapabatid nito sa publiko.
Sa kasalukuyan, ang mga pananaliksik ay nakatuon lamang sa formal film economy. Kasunod nito ay ang hamon na maitaguyod din ang pananaliksik sa alternatibo, sa informal film economy. Isang paraan ay ang pananaliksik sa digital film pirates sa konteksto ng pandemya, ng paghina ng mga sinehan, at ng pag-usbong ng digital economy. Maaari itong maisagawa sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa parehong qualitative at quantitative research. Sa qualitative research, pag-aaralan ang sumusunod: (1) kultura, ekonomiya, at politikal na motibasyon ng pirata; (2) ugnayan ng pirata, prodyuser, at distribyutor; at (3) nagbabagong proseso ng komodipikasyon—na maaaring isagawa sa pamamagitan ng pag-conduct ng interviews sa nabanggit na subjects (pirata, prodyuser, distribyutor); at social scientists at media scholars na nananaliksik din tungkol sa paksang ito. Samantala, ang quantitative research naman ay nakatuon sa pangangalap ng mga makabuluhang estadistika at figures na makatutulong sa pag-aaral sa behavior ng market o movement ng sales.
Bilang pagsusuma, mahalagang pag-aralan ang pirata na bahagi ng informal film economy dahil magbibigay-hugis at lalim ito sa pag-unawa sa piracy, na sintomas ng dominanteng ideolohiya at ng sadlak na sosyo-ekonomikong kalagayan ng lipunan.—Graciella Musa
Sanggunian:
Ayanbadejo, M. (2020). How has Coronavirus impacted the evolution of cinemas? General Management in Lockdown, 6–12. http://www.fotojn.com/sites/default/files/em_student_project_tt20.docx.pdf
Brinker, F. (2016). On the Political Economy of the Contemporary (Superhero) Blockbuster Series. Post-Cinema: Theorizing 21st Century Film, 433-473.
Cabaero, N. (2020, October 17). Cabaero: Online piracy in pandemic. SunStar. https://ph.news.yahoo.com/cabaero-online-piracy-pandemic-101300767.html
Crisp, V. (2015). Film Distribution in the Digital Age: Pirates and Professionals. London: Palgrave Macmillan.
Jenkins, H. (2004). Quentin Tarantino’s Star Wars? Digital Cinema, Media Convergence, and Participatory Culture. In Rethinking Media Change: The Aesthetics of Transition, edited by David Thorburn and Henry Jenkins, 281– 312.Cambridge, MA: Massachusetts Institute of Technology Press.
Lim, M. K. (2018). Emerging Film Distribution and Exhibition Platforms in the Formal Economy. Philippine Cinema and the Cultural Economy of Distribution, 167–203. https://doi.org/10.1007/978-3-030-03608-9_1
Lim, M. K. (2018). Introduction: Film Distribution in Action. Philippine Cinema and the Cultural Economy of Distribution, 1–8. https://doi.org/10.1007/978-3-030-03608-9_1
Lim, M. K. (2018). The Semi-formal and Informal Economies of Film Distribution and Exhibition. Philippine Cinema and the Cultural Economy of Distribution, 205–240. https://doi.org/10.1007/978-3-030-03608-9_1
Lobato, R. (2012). Communication Networks, Cities and Informal Economies. In Cities, Cultural Policy and Governance, edited by Helmut K. Anheier and Yudhishthir Raj Isar, 32–43. London: Sage.
Lobato, R. (2009). Invisible Audiences for Australian Films? Cinema and Its Many Publics. Metro Magazine 160 (March): 162–5.
Lobato, R. (2009). The Six Faces of Piracy: Global Media Distribution from Below. In The Business of Entertainment, Volume 1: Movies, edited by Robert C. Sickels, 15–36. Westport, CT: Greenwood Publishing Group.
Lobato, R. and Julian Thomas. (2012). Transnational Piracy Research in Practice: A Roundtable Interview with Joe Karaganis, John Cross, Olga Sezneva, and Ravi Sundaram. Television & New Media 13 (5): 447–58.
Tryon, C. (2009). Reinventing Cinema: Movies in the Age of Media Convergence. New Jersey: Rutgers University Press.
Williams, R. (1973). Base and superstructure in Marxist cultural theory. New left review, (82), 3.