Mulang Alimuom 15: Bago ang Taon

Mia-alin so mosim na kaonton so tao
Salawikaing Mëranaw

[Nagbago ang taon, pati ang tao.]

Ang huwad na kalendaryong Povedano

Nalalapit na táyo sa pagtatapos ng taon. At tiyak marami tayong masasabi hinggil sa naging danas natin. Maraming bágong salita na naipasok sa kamalayan natin dahil sa pandemya, ngunit mainam pa rin na balikan ang mga nauna rito upang magkaroon ng perspektiba sa ngayon.

Sa lente ng salawikaing Mëranaw sa itaas, ating bubuksan ang salitang “taon.”

Para sa atin, mainam na sagisag ang mga bílang upang ipakita ang pagpapalit ng taon. Mga napagkasunduang sagisag ito na nagsasabing narito tayo sa ngayon at patuloy na umuusad ang panahon. Sa patuloy na kamalayan natin sa pag-usad—sa pagitan ng mga taon—nagkakaroon din tayo ng pag-unawa sa pinanggagalingan nating lumipas at patutunguhang hinarap. Ngunit atin munang lisanin ang ginagamit na sistemang Gregorio upang matuntunon ang katutubong “gamit” ng taon.

Hanguin natin ang ilang lahok ng “taon” sa Vocabulario dela lengua tagala. Sa lahok sa ibaba, pinili ko ang ilang pakahulugan na magagamit sa pagbuo ng “taon” kaugnay ng pagbabago nito at ng tao:

Taón. pc. Magtagpo o magsalpok ang mga bagay, o dumating sa isang pagkakataon o panahon. Mataon, maganap ang hindi sinasadya sa ganitong paraan. Nataon sa pagbabagyo ang pagsasakay, sumabay sa bagyo. Nakataon, makaabot sa mabuting pagkakataon.

Tatlo lámang ito sa maraming lahok ng salita na nagpapatunay sa pagkakatanim nito sa kamalayan ng mga sinaunang Tagalog. Pansinin sa unang lahok ang inaasahang pagniniig ng mga bagay. Walang pagkakataon kung isa lamang ang dadanas. Lagi itong may kaugnay upang magkaroon ng saysay. At kung mangyaring ang indibidwal ang haharap dito nang mag-isa, lagi siyang nása bingit ng  pagganap o pagkilos alinsunod sa hinihingi ng sandali at panahon.

Ipinapakita naman ng ikalawang lahok ang mga umiiral na puwersang tila hindi natin hawak. Hindi naman natin sinadya ang virus, pagputok ng bulkan, at bagyo (may sala rin pala tayo dahil sa mga emission), ngunit sapat na bang dahilan ito upang pagkaitan ang kapuwa o maging pabaya ang mga responsable sa pangangasiwa ng ating nakalulungkot na taon?

Kung atin naman titingnan ang ikatlo halimbawa (Nataon sa pagbabagyo ang pagsasakay, sumabay sa bagyo), masasabi nga natin na hindi maiiwasan ang malalalang nangyari, ngunit tayo ay sumabay pa rin. Nagtuloy dahil likas ang magtuloy. Mula rito, ang virus at mga virus pa sa hinaharap ay kasama na natin sa ating pag-iral anumang bakuna ang malikha. Sa ating pagpili na makipamuhay dito, tayo rin ang nagbabago. Binabago ng virus at bakuna hindi lamang ang katawan kundi pati ang kamalayan.

Patungo sa hulíng pakahulugan. Lagi naman nating hahangarin ang mabuti, ang makataon, dahil sino nga ba ang mag-aasam na masadlak sa dusa at pighati? Masasabi ba natin ito sa mga nasa banyagang barangay sa ating lipunan na mauuna sa bakuna at pagpapanatili ng kanilang orden?  

Higit sa magdaraang taon ang halaga ng mga táong nakapaloob at umiiral rito. Patuloy tayong magbabago hanggang marating ang mabuting pagkakataon. Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: