
Mas mauunawaan natin ang isang salita kapag binalikan ang mga pinakamatandang pakahulugan dito. Mas matanda, mas mainam (ngunit hindi ito totoo sa mga D.O.M). Paraan din ito upang makitaang nangyaring pagbabago ng kahulugan sa isang lipunan.
Kaya nais kong balikan ang naunang pagpapakahulugan sa kapuwa.
Sa konstruksiyon [ka+puwa] nito, lumilitaw na varyant lámang ang “puwa” ng “buwâ.” Narito ang lahok ng “buwâ” sa Vocabulario dela lengua tagala:
bóua.pp. Puke, kapag may depormasyon sa hugis nito. Magboua. Pc. Alipustain ang ibang tao gamit ang salitang ito. Magpaboua. Ukol kay Pinagbouaan: tingnan ang himoua, bouain.pp. Ang babaeng may ganitong kapansanan.
Isang kondisyon sa ari ng babae ang tinutukoy sa unang lahok. Sa dagdag na mga paliwanag, lumilitaw ang mapanghusgang aspekto ng mga kahulugan. Kailangan naman nating malaman ngayon kung ano ang “buwâ” patungkol sa katawan ng babae. Narito naman ang pakahulugan sa Tesauro ni Panganiban:
buwà, var. buwâ n. (med., pathol) Bk. Hlg. Sb. SL. Tg. pustulous womb, prolapsed uterus.—Kpm. Bugal; Ilk. Butilaw; Mar. boa; Png. Bunay.
*Ind. Mal. Buah: fruit (cf. Tg. bunga)
Hindi natin matatakasan ang kahulugan na isang natural na kondisyon ang “buwâ.” Isang sityo rin ng kahulugan ang ating mga katawan kayâ mainam na kinikilala at inuunawa ito. Ngunit paano nga kayâ natin maidudugtong ang nakaraan sa konsepto natin ng kapuwa ngayon na pumapatungkol sa pag-iisa ng “ako” at “iba” ayon sa Sikolohiyang Filipino?
Isa lámang itong tangka.
Lahat tayo ay nagmula sa tinutukoy na bahagi ng mga ating ina. Kung sasabihin nating nangyayari ang “buwâ” sa natural na panganganak (higit sa isang natural na panganganak) ng mga ina noong hindi pa uso ang caesarean, maaari kayâ na isa lámang natural na pagkilala sa mga likas na batas ang pagtawag natin sa ating kapuwa? Dahil wala naman táyo rito kung hindi dahil sa ating mga ina. Walang lipunan kung walang kapuwa na nagmula sa kanilang mga ina. Natututo tayong makipag-ugnay sa isa’t isa dahil sa pareho nating pinagmulan.
At pahabol: walang dapat ikahiya sa pagbigkas ng puke, titi, at iba pang maselang bahagi at sa mga prosesong kinasasangkutan ng ating katawan. Walang bastos na salita. Sa halip, ang tao ang salarin ng pambabastos kapag ginagamit niya ang mga salita upang maliitin at takutin ang kapuwa niya. Sa politika, ginagamit din ito upang panaigin ang paghahari ng machismo, partikular sa mga pinunong mahilig magwasiwas ng kanilang pumapalyang pagkalalaki. Bakâ kailangan lámang nating ipaunawa ang pinagmulan ng kapuwa. —Roy Rene S. Cagalingan