
May ibang pakiramdam sa nalalapit na Pasko. Sa unang pagkakataon, marahil, ipagdiriwang natin ito na sagana sa iba’t ibang bawal. Bawal muna ang mga party, caroling, pagmamano, at iba pang gawain sa pinakaaabangan nating panahon. Isa lamang sa hindi ipinagbabawal ang Christmas in Our Hearts ni Jose Mari Chan na isang penomeno na dapat ding paglimian.
Pero sabi nga nila, masarap ang bawal.
Sa harap ng regulasyon, nariyan ang dagsa ng madla sa sanlaksang sale ng mga mall. Sa isip ng mga negosyante, kailangan pa ring gumalaw kapuwa ang kalakal at mga tao sa kanilang mga espasyo. Tiyak nariyan din ang gagawing mga lihim (o hindi ipapaskil sa social media) na mga party. Asahan na natin ang pagpapamalas sa kanilang pagiging sagana sa panahon ng pandemya ng mga mariwasang nakapila na sa bakunang tatawagin nating 2021. At kung hindi pa sapat ang pagtugon sa mga bawal na ito, nása espasyong virtwal na rin ang ating ipagdiriwang. Isisilang din ang Mesiyas sa Zoom, Google Meet, at Messenger.
Matutuloy pa rin naman ang Pasko, ngunit maituturing natin itong kakaibang Pasko. Kailan ba nagiging iba ang isang pakiramdam sa pagdiriwang?
Makikita na nakaugat ang konsepto ng “iba” sa sinaunang kamalayan sa tatlong lahok sa Vocabulario dela lengua tagala. Aking sisilipin ang ikatlong lahok na pumapatungkol sa ugnayan ng tumutukoy sa iba at ang iba:
Ibá. pc. Peregrino; estranghero. Tauong ibang bayan; nangingibang bayan, magpunta kung saan-saan. Pinangingibang bayanan, kung saan. Iba sa akin, hindi ko siya kamag-anak. Iba sa biro, labas sa biro.
Sa perspektiba ng katutubong di-binyagan noon, marahil, ituturing niyang “iba” ang katutubong binyagan na tila “isinantabi” ang mga sinaunang paniniwala upang makiisa sa mga pagdiriwang ng mananakop. Sa pananaw din naman ng isang binyagan na at “nailigtas” mula sa dilim, nása laylayan, sa bayan na “iba” ang mga pumili na hindi tanggapin ang relihiyon ng mga mananakop. Ang pagsambit ng iba ay nakabatay sa perspektiba ng nakatingin, sa kumikilatis ng ugnayan.
Tiyak na kapag nakita ng katutubo, binyagan man o hindi, ang mangyayaring pagdiriwang ng Pasko ngayon, masasabi nga nilang iba ito batay sa kanilang danas. Paano nila uunawain sa kalooban ang espektakulo ng komersiyo sa harap ng paghihirap na bunsod ng pandemya at mga nagdaang sakuna? Paano nila makikilala ang iba’t ibang pananagisag na Kristiyanong may kaunti nang paglayo sa mga Español tungo sa kawalang-bansa ng negosyo?
Kung huhubaran natin ang Pasko sa mga palamuti nito, ano ang mahahalukay nating katutubo? Sa kahingian ng mga nagpapatakbo ng espektakulo na magtuloy pa rin tayo, ano kaya ang makikita natin? Isa ba itong panahon noon para sa maaliwalas at taimtim na paglilimi para sa mga katutubo o ang nakagaganang pagpapalakas sa loob ng sakop? Ano nga ba ang konsepto natin sa kaligtasan bago dumating ang Kristiyanong pagtubos? Marami nang diyos noon at marami pang isisilang sa ating harapan. Hamon pa rin hanggang ngayon sa atin ang makita ang pakinabang at peligro sa pagtukoy natin ng iba.—Roy Rene S. Cagalingan