Mulang Alimuom 12: Kapuwa Táyong Tatalikod Sa Resiliency

Baha sa Maynila, tatlong babae sa palanggana, Filipinas 1910–1915. Koleksiyon ng Unibersidad ng Michigan.

Dumaloy na rin ang panahon upang masabi nating hindi na dapat ikinakabit ang “resiliency” bílang positibong katangian ng mga Filipino tuwing may sakuna. Dapat na táyong lumayo sa madaling paghilig sa kahulugan nitóng pumatungkol sa kakayahan na bumangon mula sa isang di-kanais-nais na pangyayari. Panahon na para ilibing ito at maghanap ng  ibang akmang konsepto para sa ating humaharap sa mga sakuna. At kung may gagamit pa rin nitó, madali na nating makikilala kung sino ang mga nananamantala sa ating mga nasasalanta.

Ngunit ano na gagamitin natin?

Noon pa binigyang-artikulasyon ni Virgilio N. Enriquez ang konsepto ng pakikipagkapuwa. Sa ating pag-iral, nakikipag-unayan táyo sa mga tao sa pagkikila sa kanilang pagkakabilang sa kategoryang “tagalabas” at “isa sa atin.” Ibig sabihin, nagiging iba ang pakikitungo natin dahil sa uriang ito ng mga tao na nakakasalamuha natin sa lipunan.  Ngunit hindi ganito ang pakikipagkapuwa dahil kapuwa (sadya ang pag-uulit) nitó pinangingibabawan ang konsepto ng “tagalabas” at “isa sa atin.”

Atin munang hagilapin ang pinakamalayong pagtanaw natin sa ating kapuwa. Narito ang lahok para sa kapuwa sa Vocabulario de la lengua tagala:

Kapouá: pc. Dalawang magkatulad. Sauain mo kapoua silang dalaw: huwag mo silang payagan pareho. Kapoua ko tauo, táong katulad ko. Ipagkapoua mo ako, ituring mo akong hindi iba. (Naka-bold bilang diin.)

Dito pa lámang ay maaari na nating katasin ang konsepto ng kapuwa. Pansinin ang pangunahing pagpapakahulugan dito hinggil sa pagiging magkatulad. Sa pagtutulad, nakapaloob sa dalawang entidad ang pagkakaroon ng mga bagay na nagtatali sa kanila sa pag-iral, sa búhay. Mula ito sa pagkakaroon ng pisikal na katawan kasama ang mga pandama, hanggang sa kaloobang nagtataglay ng kakayahang makaramdam at makiramdam sa iba pang kapuwa. Kinikilala sa una pa lámang ang pagbibigkis ng kapuwa at hindi ang kanilang pagkakaiba. Mas mababanaag ito sa paggamit ng pahayag na “kapoua ko tauo” bílang paggigiit sa pagtutulad. Sa pagkilala bílang tao, itinatangi natin ang kaugnay bílang isa sa atin kaiba sa iba pang nilikha tulad mga hayop, halaman, at bagay na matatagpuan sa kalikasan. At panghuli, sa pagdidiin sa pagiging katulad, sa pagiging kawangis ng kapuwa tao, may ipinaaalingawngaw ang sambit ng “ipagkapoua mo ako.” Tila may dalawang sanga ito ng kahulugan tungo sa makaririnig: una, dahil kapuwa mo ako, ituring mo ako bilang tao; at ikalawa, bilang kapuwa mo pa rin, ituring mo akong kasama’t karamay sa iyong pagdanas sa daigdig.

Kakapitan ko ang hulíng pagpapakahulugan. Sa mga panahong tila pinahihina ang sigla ng ating kalooban sa nakaririmarim na mga sakuna at mas nakahihindik na pangangasiwa ng ating mga pinuno, mas mahalagang sumandig táyo sa mga pakahulugang mula sa ating danas at hindi sa mga banyagang imposisyon. Lumilitaw o tumitindi ang diwa ng pakikipagkapuwa sa pagdaan ng dahas ng panahon dahil naririto táyo para sa isa’t isa.  Ating isinasagawa ang esensiya ng pakikipagkapuwa sa pagpaparamdam sa mga nasalanta na katulad din natin sila; at higit sa lahat, na hindi tayo naiiba sa kanila. Ang pagkasalanta nila ay pagkasalanta rin ng ating kalooban.

Nais ko sanang wakasan ang alimuom na ito sa paghahanap ng katutubong salawikain hinggil sa kapuwa. Hindi ako nasapatan sa mga nakita, ngunit dumatal sa akin na pumapaloob din ang diwaing salawikain sa iba pang mga sulatin. Aanhin mo ang “resiliency” o “The Filipino Spirit is Waterproof” kung sinabi na ito noon pa nina Jacinto at mga Anak ng Bayan sa ating Kartilya:

Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapuwa, at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katwiran.

Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: